“Ang lahat ay magwawakas. Hindi natin alam kung kailan ito. May gantimpala sa kabutihan at may parusa sa kasamaan.” Ito ang summary ng mga pabasa natin ngayong Linggo.
May katapusan ang lahat. Inilarawan ito ni Jesus: ang araw at ang buwan ay magdidilim, ang mga bituin ay maglalaglagan at ang kalawakan ay mayayanig. Ang araw, ang buwan at mga bituin ay palaging nandiyan at palagi nating inaasahan. They are all stable. Kaya sila ang basehan ng ating pagkakalkula ng direksyon at ng panahon. Pero ang mga ito ay magbabago. Kung magbabago ang kalangitan, ang mundo pa kaya?
Talagang walang permanente sa buhay natin. Pinakita din ito sa atin ng COVID-19. Ang mga sigurado nating plano, ang mga projections natin na galing sa masusing pag-aaral at pag-aanalisa ay bigla na lang nawalan ng kabuluhan dahil sa maliit na virus na hindi man nakikita ng ating mga mata. Kaya nga ang buhay natin ay nabago. Maraming mga kasama natin na buhay noon na akala natin ay palaging nandiyan ay nawala na, ang iba ay biglaan pa! Nawalan tayo na kasiguraduhan.
Ang lahat ay magbabago at magwawakas. Katatakutan ba natin ito? Depende sa kalagayan natin ngayon. Magbabago ang lahat – sa kabutihan ba o sa kasamaan para sa atin? Magwawakas ang lahat pero may bagong mundo sa darating. Mabuti ba ito sa atin o masama? “Mabubuhay ang marami sa mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba’y sa buhay na walang hanggan, at ang iba’y sa kaparusahang walang hanggan.” (Dan 12:2) Sinabi ito ni Propeta Daniel sa ating unang pagbasa. Siguraduhin sana natin na nakasulat ang pangalan natin sa aklat ng Diyos.
Hindi naman tayo bibiglain ng Diyos kaya binigyan na niya tayo ng panukat sa paghuhusga sa atin.
Ngayong Linggo ay World Day of the Poor. Pinapaalaala sa atin na ang mga mahihirap sa ating piling ay mga pagkakataon sa atin na makapaglingkod tayo sa Diyos. Ang mahihirap ay dumadami sa panahon ng pandemya. May mas marami tayong pagkakataon na sila ay matulungan, sapagkat anuman ang ginawa natin sa mahihirap ay ginawa natin kay Jesus mismo. Sa panahon ng Huling Paghuhukom ay sinabi na ni Jesus paano tayo makakapasok sa kanyang kaharian, ang kaharian na inihanda para sa atin bago pa magsimula ang panahon: “Halikayo mga pinagpala ng Tatay ko,” wika ni Jesus, “Pumasok kayo at tanggapin ninyo ang kahariang hinanda para sa inyo…. Ang ginawa ninyo sa mga kawawa at mahihinang kapatid ko ay ginawa ninyo sa akin.” (cf Mt 25) Ayaw naman nating marinig ang mga salitang ito: “Lumayo kayo sa harapan ko, mga sinumpa kayo ng Diyos!
Doon kayo sa impyerno na hinanda para sa Devil at mga angels niya…. Noong tinanggihan ninyong tulungan ang mga kawawa at mahihinang tao, tinanggihan rin ninyo ako.” (cf Mt 25) Mabuting balita ang pagwawakas ng mundong ito sa mga makakapasok sa inihanda sa atin, isang bagong mundo na ang lahat ng pangarap natin na kabutihan at kaayusan ay mapapasa atin. Ito ay masamang balita sa mga taong makamundo, na ang lahat ng pag-asa ay sa buhay lang na ito. Hindi lang sa magwawakas ang mundong kinakapitan nila, mapaparusahan pa sila ng walang hanggan sa kabilang buhay.
Tandaan natin na ito ay mangyayari. Ang pagkabagsak ng dating mundo natin bago mag-covid 19 ay tanda na nito. Bigla ang pagbago. Apektado ang lahat. Pinapangarap natin na babalik tayo sa pre-covid days. Hindi na tayo babalik doon. Iba na ang mundo nating haharapin. Kaya baguhin na rin natin ang mga dating ugali natin: na ang hinahangad lang ay ang ating sariling kapakanan, na akala natin self-sufficient tayo, na maaari tayong mabuhay na wala tayong masyadong pakialam sa Diyos at sa kapwa. Kaya sinabi ni Jesus: “Kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang mga bagay na ito.” Marunong sana tayo magbasa ng panahon. Nagpaparamdam na sa atin ang Diyos na magwawakas ang lahat.
Kailan kaya? Sinabi ni Jesus na magwawakas ang lahat pero hindi niya sinabi kung kailan. Sinabi ni Jesus na babalik uli siya sa Huling Paghuhukom pero hindi niya sinabi kung kailan. Hindi pinapaalam sa atin kung kailan upang tayo ay maging palaging gising at listo – listo sa paggawa ng kanyang kalooban at listo sa pagkagawa ng kabutihan. Huwag nating ipasabukas ang paggawa ng kabutihan, baka wala nang isa pang pagkakataon. Kaya ngayon na tayo makipagbati sa mga may galit sa atin. Ngayon na tayo magpahayag ng pagmamahal sa mga mahal natin sa buhay. Ngayon na tayo tumulong. Ngayon na tayong magpasalamat sa Diyos at sa kapwa. Ngayon na! Baka wala nang bukas! Kung ito ang attitude natin noon pa – ang dami na sigurong natulungan natin. Hindi na siguro nagkaugat pa ang anumang galit sa puso natin. Nabigyan na sana natin ng kaligayahan ang maraming tao at mas naging maligaya na sana ang buhay natin noon pa man.
Marunong po sana tayo mag-distinguish ng pansamantala at ng pangmagpakailanman. Huwag natin masyadong ituon ang ating concern sa pansamantala – sa mga bagay sa mundong ito. Lilipas din iyon. Ang kagandahan, ang pansamantalang aliw, ang posisyon at ang kapangyarihan ay lilipas. Huwag nating itaya ang ating sarili sa mga bagay na ito. Huwag natin ito pag-aksayahan ng maraming panahon at maraming pera. Itaya natin ang ating sarili sa pangmagpakailanman, sa mga tatagal – tulad ng ating pag-ibig sa Diyos, ng ating pagtulong sa kapwa, ng ating pagsasabuhay ng mga utos ng Diyos. Iyan po ang tatagal. Let us invest in what is permanent, and not in what is transient.
Kaya tama ang sinabi ng isang kandidato na pairalin natin ang kapangyarihan ng mabubuting gawa. Bakit gumastos ng pera sa mga tarpaulin, sa mga radio at TV ads, sa mga trolls at sa mga suhol sa tao. Sa ating pangangampaya, lapitan at tulungan natin ang mga tao. Iyan ang paki-usap niya sa mga supporters niya. Gumastos tayo na gumawa ng kabutihan. Let the power of love win. Matalo man o manalo ang ating kandidato, ang mahihirap ang nananalo. Sila ang natulungan. Tayo bilang sambayanang Pilipino ang nanalo. Nagtutulungan tayo. Lumapit tayo sa mahihirap at natulungan na natin sila. Ito ang klaseng pangangampaya na ang ating itaguyod. Hindi mahalaga kung sino ang nanalo. Pansamantala lang iyan. Ang mahalaga ay ang taong bayan ay nanalo at natulungan ngayon na ang taong bayan, at hindi lang sa mga pangako ng mga politiko na madalas ay hanggang pangako lang. Sana ganito mangampanya ang lahat ng mga kandidato.
Ulitin ko po ang summary ng Salita ng Diyos sa atin ngayong araw: Ang lahat ay magwawakas. Hindi natin alam kung kailan ito. May gantimpala sa kabutihan at may parusa sa kasamaan. Maging palaging listo tayo sa paggawa ng kabutihan sa mga mahihirap. Sa paraang ito naisusulat ang ating pangalan sa aklat ng Diyos at magniningning tayo na parang tala sa kalangitan magpakailanman.
Ito ay homiliya ni Bishop Broderick Pabillo ng Taytay para sa Nov. 14, 2021