HomeCommentary‘Move on’ na ba tayo sa Martial Law?

‘Move on’ na ba tayo sa Martial Law?

Ang pagsuporta sa isang tiwali at palpak na pinuno ay iresponsable, katulad ng hindi pagsusuot ng face mask sa kalagitnaan ng pandemya

Marami sa mga Pilipino ay parang bata. Ayaw mag-isip ng malalim, agad tinatanggap ang nakikita. Pinipiling maging masunurin sa magulang, gaano man kaabusado.

Ito ang ating nakikita sa buong bansa sa administrasyong Duterte, dala ng takot, kawalang-bahala, kamangmangan, o kaakuhan. Sa kasamaang-palad, nangyari na ito dati.

Halos limang dekada na ang lumipas mula nang ideklara ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar o Martial Law sa Pilipinas. Bagama’t sinabi niyang ito ay para sa seguridad ng bayan, lalo na laban sa mga komunista, naging halata na ito ay ginagamit na pagkakataon upang magtayo ng diktadurya na tatagal ng 14 taon.




Sa sobrang tindi ng mga epekto ng Batas Militar ay ramdam pa rin natin sila ngayon. Nang sipain si Marcos mula sa Malakanyang, hindi maganda ang estado ng ekonomiya ng Pilipinas dulot ng katiwalian at labis na pag-utang mula sa ibang bansa. Lalong lumala ang kahirapan, bumagsak ang halaga ng peso, at humina ang reputasyon ng bansa. Sa katunayan, tayo ngayon ang nagbabayad ng trilyong doylar na halaga ng utang mula sa pamumuno ni Marcos.

Sa kabila ng pagsisikap ng mga Marcos, hindi natin malilimutan na marami ang pinatay o dumaan sa torture sa naturang panahon. Walang dudang nilabag ang kanilang mga karapatan, nagdurusa ang kanilang pamilya, at wala man lang delikadesa na magpaumanhin o umamin sa mga krimen ang pamilya ng diktador.

Huwag nating asahang gagawin nila ito. Nasa kapangyarihan pa rin sila at malayang ipinapakita ang kanilang pamilya bilang mga tagapagligtas ng bayan. Tandaan nating napatunayang guilty sa pagnanakaw si Imelda Marcos noong 2018 at dapat na nakakulong, pero nananatili siyang malaya. At ngayon, mukhang mananalo sa 2022 ang pinakabago nilang pulitiko na hindi alam kung paano unawain ang resulta ng halalan sa Pilipinas dahil sa kaniyang apelyido at maling uri ng katapatan.

Gayunpaman, ang pinakamahalagang epekto ng panahon ng Batas Militar ay ang pagbibigay ng bagong pagpapahalaga sa ating kalayaan. Nang ibalik ang demokrasya sa Pilipinas noong 1986, nagkaroon ng pag-asa ang mga Pilipino na itama ang mga maling idinulot ng mga Marcos at ang kanilang mga kaalyado at ilagay ang ating bansa patungo sa pag-unlad.

An activist holds a poster urging the public not to forget the atrocities of martial law during a protest rally in Quezon City on September 21, 2020. (Photo by Jire Carreon)
- Newsletter -

Alam nating hindi naitama ang lahat ng mali at dapat sisihin ang mga sumunod na liderato. Pero ibang usapan na iyan. Hindi ito nangahuhulugang abswelto na ang kampo ng mga Marcos sa kanilang pagkakasala sa ating bansa. Hindi ito “mata sa mata,” hindi ito teleserye.

Kahit ang Guinness World Records ay itinuring si Marcos na responsable sa pinakamalaking pagnanakaw ng pamahalaan. Parang alam ng buong mundo na dapat maparusahan ang mga Marcos, maliban sa maraming Pilipino.

Malinaw na hindi nauunawaan ng marami sa atin ang tunay na kahulugan ng kalayaan. Ang kalayaang ipinaglaban ng mga pinaslang sa panahon ng Batas Militar ay ginagamit ngayon ng mga DDS at loyalista ng mga Marcos upang baguhin ang ating kasaysayan. Hindi dahil may salitang “libre” o “malaya,” ibig sabihin agad ay kaya niyo nang gawin ang anumang ninanais niyo nang walang kahihinatnan o kapalit.

Ang kalayaan ay pangkalahatan, ngunit hindi lubusan. Alam naman nating anumang labis ay masama. Mayroon tayong karapatan, pero may kasama itong responsibilidad at limitasyon. Kapag alam nating nakakasakit ng iba ang ating ginagawa, dito nagtatapos ang ating kalayaan. Ang punto nito ay hindi “Karapatan ko namang gawin ito,” kundi “Inabuso mo ang iyong kalayaan at nanakit ka ng iba”.

Ang pagsuporta sa isang tiwali at palpak na pinuno ay iresponsable, katulad ng hindi pagsusuot ng face mask sa kalagitnaan ng pandemya.

Kapag hinayaan natin ang sinuman na mang-abuso ng kaniyang karapatan, kalayaan, at kapangyarihan, ito ang kamatayan ng hustisya at pananagutan. Kapag hinayaan nating baguhin ng mga kriminal ang ating kasaysayan para sa kanilang sariling interes, ito ang kamatayan ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan.

Tignan natin ang ilan sa mga korporasyon. Ilang beses na nating nakikita ang pagkasira ng mga kagubatan, polusyon ng mga ilog at karagatan, at paghihirap ng mga komunidad dahil sa kanilang mga gawain upang pataasin ang kanilang kita? Pero dahil hindi sila napaparusahan, hindi natitigil ang ganitong mga pangyayari.

Protesters gather on University Avenue inside the University of the Philippines campus in Quezon City on September 21, 2020, to mark the 48th anniversary of the declaration of martial law. (Photo by Jire Carreon)

Ito ang hindi nauunawaan ng mga kagaya ni Toni Gonzaga, na inindorso ang kaniyang ninong sa kasal na si Bongbong Marcos sa halalan ng 2016. Sinusubukan niyang maging patas sa kaniyang pakikipagpanayam sa mga posibleng kandidato sa 2022, pero sabi nga nila, “with great power comes great responsibility.”

Kapag hinayaan natin ang katulad ni Bongbong Marcos na tanggihan at magsinungaling sa ginawa ng kaniyang pamilya mula sa deklarasyon ng Batas Militar, ito ay kalapastanganan sa mga biktima ng kanilang pang-aabuso at katiwalian. Kapag walang ipinakitang pagpapakumbaba sa maling gawain o pakikiramay sa iba, may pananagutan ka sa pagpapalala ng kultura ng karahasan, panloloko, at pagkakalat ng kasinugalingan na sumisira sa Pilipinas.

Kung susuriing maigi, natupad na ang pangarap ni Duterte na gayahin ang Batas Militar ni Marcos sa kalagitnaan ng pandemya. May lockdown, presensya ng militar kung saan hindi kailangan, labis na karahasan, hindi magandang kalagayan ng ekonomiya, biglaang pagyaman ng mga kaalyado, just like old times ba?




Dapat na maging aral ito sa ating lahat na maging ehemplo ng kasabihang “Never forget, never again.” Dapat nating labanan ang pagkakalat ng kasinungalingan at paglalapastangan ng ating kasaysayan tungkol sa Batas Militar ni Marcos o ang baryang bersyon ni Duterte, sa mga aklat at sa social media. Dapat nating siguruhin na mapapanagot ang mga tiwali at magnanakaw upang makamit ang hustisya. Hindi ito madaling laban at maaaring tumagal ito pagkatapos ng ating buhay, ngunit dapat natin ito ipaglaban kaysasa walang pag-aksyon.

Maniwala ka man o hindi, ang katotohanan ay isyu na pambansang interes ang pagresolba sa mga epekto ng Batas Militar ni Marcos. Lahat tayo ay may kinalaman at may karapatang siguruhing makakamit natin ang hustisya at hindi gawa-gawang pag-unlad. Wala nang neutral sa usaping ito.

Hindi tayo dapat mag-move on, hanggang hindi naitatama ang pagkakamali ni Marcos at ng kaniyang mga kaalyado. Kung isang bayani si Marcos, mas gugustuhin naming maging mga kontrabida. Sa totoo lang, mas gusto ng marami na manood ng mga kontrabida. Teka lang, kaya ba popular ang mga Marcos at Duterte?

Si John Leo ay isang advocate ng kalikasan at klima, at isang pangmamamayang mamahayag. Katulad mo, pagod na rin siya sa nakalalasong pulitikal na kultura sa Pilipinas.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest