HomeCommentaryBookworm Mother

Bookworm Mother

Ang pagkawili ko sa pagbabasa ay naging tulay upang matunton ang isa ko pang nais—ang pagsulat.

“Ke-bata-bata, lumalandi!”

Iyan ang sabi ng isa sa kapatid ng Papa ko nang minsang makitang nagbabasa ako ng libro. Nainis ako sa narinig. Nagdabog ako’t nagkulong sa kuwarto.

Kunsabagay, nagkaisip ako sa bahay na walang kahilig-hilig magbasa ng libro. Pero dahil nasa sistema ko na yata ang makipagkaibigan sa mga salita, madalas kaming nagrerenta ng pocketbooks ng mga kaibigan ko. Natatandaan ko pa ngang kahit na nagkaklase kami noon, wiling-wili kami sa pagbabasa ng mga ito.

Ang pagkawili ko sa pagbabasa ay naging tulay upang matunton ang isa ko pang nais—ang pagsulat.




Pagbabasa, pagsusulat at samu’t saring gawain

Sabi ng ilan, madali lang ang maging ina. O ang manatili sa bahay. Pero sa katunayan, napakahirap nito. Kung tutuusin, kulang ang buong araw para matapos ang kaliwa’t kanang gawain: pamamalengke, pagluluto, paglilinis ng bahay, paglalaba, pag-aalaga ng anak at asawa. Kung working mom ka pa kagaya ko, mas kailangan mong planuhin kung paano tatapusin ang lahat ng mga nabanggit.

Minsan pa nga, imbes na magsulat ay mas pinipili mong maglaba na lang lalo’t gabundok na ang tubal o labahin. Kumbaga, may mga pagkakataong mas gusto ko pang unahin ang ilang gawaing bahay kaysa sa pagsusulat at pagbabasa. Pero, dahil importante sa aking trabaho ang pagbabasa, nagnanakaw ako ng oras lagi para dito.

- Newsletter -

Walang oras ang pagbabasa ko. Wala ring oras ang pagsusulat. Ang may oras lang sa akin ay ang pamamalengke at pagluluto. Pero hindi ako nagluluto ng agahan. Tanghalian at hapunan lang. Madaling araw na rin kasi akong nakakatulog kaya’t tanghali na akong gumigising. Iyong gustong mag-agahan, bahala na silang maghanap ng kakainin. Kami kasi ni hubby, kape lang talaga kami sa umaga. Sinisiguro ko rin naman na laging may laman ang ref namin.

Noong editor pa ako ng isang pahayagan, nagbabasa ako habang nakasakay sa shuttle. Kung hindi nagbabasa, nagsusulat ako ng article gamit ang cellphone. Kumbaga, kahit saan at kahit na anong oras, nagagawa kong magbasa at magsulat. Target kong makatapos ng isang buong libro sa isang linggo.

Ngayong pandemya at nasa bahay lang ako, mas marami akong panahong magbasa at magsulat. Kapag nagandahan ako sa isang akda, pinapasadahan ko iyan ng isang upuan lang. Kapag naman medyo nabagot-bagot ako, umaabot ng tatlong araw hanggang isang linggo. Siyempre, depende rin naman sa kapal ng aklat.

Ang mag-asawang manunulat na sina Joel Pablo Salud at Che Sarigumba ay parehong contributing writer sa LiCAS.news. (Larawan mula sa Facebook page ni Joel Pablo Salud)

Basta’t nakapagluto na ako ng makakain ng buong pamilya, puwede na akong humilata at magbasa. O gawin ang mga gusto kong gawin: manood ng K-drama, magsulat ng nobela, sanaysay, tula at kung ano-ano pa. Mas nakapagsusulat ako ng tula gamit ang papel, notebook at ballpen. Mas nakabubuo ako ng mga talinghaga at tugma kapag sulat-kamay.

Mahilig din akong mag-multitasking. Halimbawa na lang ay nagsusulat ako ng nobela habang nagpapaikot ng mga labahin sa washing machine. Nagtitiklop ng mga damit habang nanonood ng K-drama. Minsan naman, nakikipagkuwentuhan kay hubby at Likha habang nag-iisip ng topic sa susulating sanaysay.

Suwerte ako at kahit na anim na taon pa lang ang anak namin ay tila ba may sarili na itong mundo. May sarili siyang routine. Pagkagising, mag-uusap sila ng pinsan niyang si Lexi sa Messenger Kids. Isasabay na rin nila ang paglalaro sa online. Habang nagtsa-charge ng cellphone, iyon naman ang panahong nanonood ng TV si Likha. Isasabay na rin niya sa panonood ang pagdo-drawing. May sariling oras din siya sa paglalaro ng scooter at pagba-bike sa loob ng bahay. Sa gabi bago matulog, nagbabasa rin siya ng paborito niyang libro. May isang libro siya na gustong-gusto niya. Kabisadong-kabisado na nga niya ang nakasulat sa bawat pahina.

Sa totoo lang, may katamaran pa nga ako lalo na ngayong pandemya. May mga panahong gusto ko lang magbasa at magsulat. May mga araw namang ayokong gumalaw o gumawa ng kahit na ano. Minsan nga, maging ang pag-attend sa press conference na online na nga lang gagawin, kinababagutan ko pa.

Pero sa tulong ni hubby at Likha, nagagawa ko ang mga gusto kong gawin gaya ng pagbabasa, pagsusulat at panonood ng iba’t ibang movies. Kapag napansin nang mag-ama ko na abalang-abala ako o may ginagawa, hindi na nila ako kinukulit. Kapag nagsusulat ako, dinadalhan ako ng kape at juice ni hubby. Minsan din, siya ang nagluluto kapag alam niyang naghahabol ako ng deadline.

Ruth, a Filipino mother of seven, takes motherhood as a full-time job. She is the first to wake up in the morning to feed the children and prepare them for school and the last to sleep after she cleans the house and washes everyone’s clothes. (Photo by Jed Regala for Oxfam)

Libro at ang ating mga anak

Marami sa atin ang hindi nahilig sa pagbabasa. May ilan din kasi akong kakilala na sinabihang tamad nang makitang may librong hawak. Ang ilan naman, nahihiyang malaman ng mga kakilala na mahilig sila sa aklat.

Hindi naman talaga maiiwasang mabansagan ang mga mahihilig sa aklat na “weird” o kaya naman “tamad.” Ako nga ‘di ba, sinabihang “lumalandi.” Libro ‘yung hawak, lumalandi? Buti sana kung iba ‘yung kinukutingting, ‘di ba?

Iyon nga, iba na ang panahon ngayon. Hindi na ito ang panahon na kapag nahilig kang magbasa ay mamarkahan kang bruha o baliw. Ako, bilang ina o babaeng lumaki sa pamilyang hindi nahilig sa libro, masasabi kong importante na ipakita natin sa ating mga anak o sa susunod na henerasyon ang kahalagahan ng pagbabasa. Habang maliliit pa lamang sila, ipakilala na natin sa kanila ang libro.

Alam ko na marami sa atin ang walang panahon para magbasa ng mga aklat o may perang panggastos para sa libro. Lugmok na tayo sa ating mga trabaho, gagastusin pa ba natin ang kakarampot na kinikita para sa aklat? ‘Ika nga, kailangan nating kumita at gamitin ang kinita para sa mga “importanteng” bagay. Pero, hindi lingid sa atin ang kasabihang kapag ayaw, may dahilan; kapag gusto, may paraan. Maraming paraan kung iyong nanaisin.

Kung noon ay lumaki ako sa bahay na walang libro, ngayon naman ay kakailanganin ko nang isang buong bahay para may mapaglagyan ng mga libro namin. May sarili akong library. Sandamakmak din ang libro ni hubby. Idagdag pa ang mga libro ng anim na taong gulang naming anak na si Likha.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest