HomeFeaturesCommunity Pantry: Pwera Usog Laging Busog

Community Pantry: Pwera Usog Laging Busog

Pwera usog lang pero aminin man natin o hindi, marami ang nabusog sa tila kabuteng pagsulpot ng mga community pantry

Nakabubuwisit ang mga pangyayari ngayon. Tumataas ang bilang ng tinatamaan ng COVID-19. Wala pa ring linaw kung ang pag-uusapan ay vaccine. Ito nga’t may nagsimula ng community pantry pero ni-red tag naman.  

Kunsabagay, lahat nga naman ng mayroong pagnanasang makaupo sa trono sa susunod na eleksiyon, pangangatugan ng tuhod. Kaya’t hinahanapan ng masamang anggulo ang kabutihang ginagawa ng mga ordinaryong Filipino, ang pagtutulungan ng masa.

Pwera usog lang pero aminin man natin o hindi, marami ang nabusog sa tila kabuteng pagsulpot ng mga community pantry. Maraming pamilya ang nalamnan ang tiyan at naiwasan ang pagkalam ng sikmura ng ilang araw dahil sa “mula sa masa at para sa masang” gawaing ito.




Bigla ko tuloy na naalala ang pinanood kong Filipino movie na “Pwera Usog.”

Sa probinsiya pa naman, napakaraming pinaniniwalaang kung ano-ano. Isa na nga iyong “usog.” Natatandaan ko pa nga dati na kapag may dumadalaw o nagtutungo sa bahay namin, nilalawayan kami para raw hindi mausog. Kapag din sumakit ang tiyan ng mga bata o kaya nagsuka, sinasabi kaagad ng mga nakatatanda na baka nausog. At ang makawawala lang ng pagsusuka o pagsakit ng tiyan ay ang laway nang nakausog.

May isa rin akong kaibigan na hindi siya lumalapit sa anak ko kapag gutom, baka raw kasi mausog. Pwera usog, naririnig ko pang sambit niya sabay dila ng daliri at dampi sa talampakan ng anak ko.

Pwera Usog

- Newsletter -

Hindi lang naman K-drama ang kinahuhumalingan kong panoorin kundi maging ang Pinoy movies. Siyempre, kailangan din naman nating mahalin at ipagmalaki ang sariling atin.

Ayan may naalala na naman ako.

May nabasa kasi akong online post. Ayon sa post, bakit daw pinayayaman ng marami sa atin ang kultura ng ibang lahi. Ang pinunto niya roon ay ang pagkahilig sa K-pop.

Okey, sabihin na nating hindi naman naiintindihan ng marami sa atin ang salita nila o maging ang ibig sabihin ng kanilang kinakanta. Universal ang pag-ibig. Hindi man iyan naiintindihan ng isip pero naiintindihan naman ng puso. So anong malaking problema roon? Saka kung kultura’t kultura lang din ang pag-uusapan, bahagi rin naman ng ating kultura ang alamin ang kultura ng ibang lahi o nasyon.

Kung bakit kasi ang hilig nating maghanap ng isyu. Pinalalaki ang mga walang kuwentang isyu. Pero ‘yung isyu tungkol sa pamahalaan at pamamahala, pinipikitan at laging pinagbibigyan.

Ay, ewan.

Promotional photo ng palabas na ‘Pwera Usog’

Ito na nga at napanood ko ang “Pwera Usog” na isang Philippine horror thriller film. Kaso lang, hindi ako natakot. Pero hindi man ako napasigaw at tinaasan ng balahibo sa batok, nagustuhan ko naman ang film.

Kahit na 2017 pa pala ito, marami kang makikitang koneksiyon sa mga nangyayari ngayon. Halimbawa na lang iyong pagpa-prank. Sa “Pwera Usog” pina-prank nina Jean Cordero (Sofia Andres), Val (Cherise Castro) at Bobby (Albie Casino) ang mga taong magustuhan nilang i-prank at pinalalabas nila online. Wala silang pakialam kung masaktan o mapahamak ang kanilang ipa-prank. Ang mahalaga sa kanila ay may mai-post at magkaroon ng sandamakmak na views.

Hindi ba nga, ngayong pandemya ay parang pina-prank tayo ng mga makapangyarihan. Tapos may mga napabalita ring mga vlogger o influencer na nagpa-prank ng mga naghahanapbuhay gaya ng mga delivery service. Hindi man lang inisip ang epekto noon sa driver. Bukod sa abala na, mawawala pa ang kakarampot nilang kita na dapat sana ay iuuwi nila sa kanilang pamilya.

Sa “Pwera Usog” ay nakatagpo ng katapat sina Jean, Val at Bobby sa katauhan ni Luna (Devon Seron). Hindi naman pala basta-basta homeless si Luna. May nakatagong kababalaghan at kasamaan sa presensiya nito.

At sa pagkukrus ng landas nina Luna, Jean at mga kaibigan nito ay doon nagsimula ang kanilang kalbaryo.

Ipakikita sa iyo ng movie na hindi lahat ng katuwaan o prank ay mabuti. At kadalasan, ito ang nagiging simula ng kalbaryo at problema.




Hanggang ngayon nga naman ay napakarami nating pinaniniwalaan. Hindi nga ba’t napaniwala rin tayo sa mga malulutong na salita’t napapakong pangako ng ilang mga namumuno gayundin ng mga alipores nila.

Iyong asang-asa tayo na kapag nailuklok na natin sila sa puwesto, matutuldukan na ang paghihirap ng bansa. Hindi pala ginhawa ang malalasap natin kundi walang patid na pagdurusa.

Sa “Pwera Usog” ay nakita nina Jean ang ginawa nilang pagkakamali. Sa totoong mundo kaya, may pag-asa pa kayang matauhan o magbago ang ating mga kababayang tila nausog ng ilang politiko?

Kailangan pa bang lawayan ang mga iyan?

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest

Pabaon sa paglisan

Chrism Mass

When priests cry