HomeCommentaryKarapatan ng ina at anak, mayroon nga ba?

Karapatan ng ina at anak, mayroon nga ba?

Hindi lamang sa palabas at likhang sining makikita’t mababasa ang lantarang paglapastangan sa kapakanan at karapatan ng kababaihan

Nasa hukay ang paa kapag nanganganak, iyan ang lagi nating naririnig. Pero sa kabila ng kapahamakang maaaring mangyari sa isang ina, inaasam-asam pa rin ng marami ang magkaroon ng anak.

Hindi nga naman madali ang manganak. Sa isang ginawang virtual forum, sinabi ni Undersecretary Juan Antonio Perez III, MD, MPH, Commission on Population and Development (POPCOM) executive director na sa Pilipinas ay nakapagtala ng 111 maternal deaths kada 100,000 na babaeng nanganganak.

Hindi lamang din ina ang maaaring manganib ang buhay kundi maging ang isisilang nitong sanggol.




Changeling ni Angelina Jolie

Masakit ang mawalay sa anak. Lalong hindi mo mabibigyang tinig ang hagupit sa dibdib kapag namatay ang iyong supling.

Bigla ko tuloy naalala ang palabas na pinagbidahan ni Angelina Jolie na may pamagat na “Changeling”. Isang single mom si Christine Collins (Angelina Jolie).

Ipinakita sa naturang palabas ang hirap ng kalooban ng isang ina na nawalay sa kanyang anak. Iyong gagawin ang lahat ng paraan para lamang makita ang nawawalang anak.

- Newsletter -

Makalipas ang limang buwan, may natagpuang bata ang awtoridad na kapareho sa diskripsiyon ng anak ni Christine Collins. Ngunit nang makita nito ang bata, sinabi niyang hindi iyon ang anak niyang si Walter. Na iba ang batang ibinibigay sa kanya.

Dahil dito, ipinadala sa mental institution si Christine.

Sa movie, ipinakita na ang dikta at palakad ng awtoridad sa batas ay hindi laging tama. Na puwedeng baguhin ang pangyayari para sa sarili nilang kapakanan at maprotektahan ang kanilang posisyon. Hindi bale na nga namang magdusa sa lungkot at paghihirap ang isang babae o isang ina.

Hindi lamang si Christine Collins ang biktima ng mga taong pinagkakatiwalaan natin at inaasahang tutulong sa atin, kundi napakarami.

Changeling: Ipinakita sa naturang palabas ang hirap ng kalooban ng isang ina na nawalay sa kanyang anak. (Photo courtesy of Universal Studios)

Karapatan ng ina at anak

Kadalasan, napaka-unfair nga naman ng batas sa mga kababaihan. Kung sino rin ang nakaaangat at may kapit, nahahawakan nila ang kapangyarihan. Nagagawa nila itong laruin sa kanilang mga galamay.

Hindi pa rin talaga nabubura sa isipan at sa pagtrato ng marami ang lumang ideya na ang babae ay tagasunod lamang, mahina at walang boses.

Sariwa pa sa puso’t isipan natin ang nangyari kay baby River, ang namatay na tatlong buwang anak ng human rights advocate na si Reina Mae Nasino.

Sabihin mang political ang rason ng pagkakaaresto sa 23-years-old na si Reina, kagaya ng bawat ina ay karapatan pa rin niyang makita ang kanyang anak. At karapatan din ng kanyang anak na si baby River ang makapiling ang kanyang ina, ano pa man ang estado nito at ideolohiyang politikal.

“Every child has a right to survive, and the government has the obligation to do all it can to support parents and guardians in providing healthcare and nutrition, particularly access to breastmilk, so children will not die of preventable causes,” ayon sa isang press statement ni Atty. Alberto Muyot, Chief Executive Officer ng Save the Children Philippines.

Activist Reina Mae Nasino gives birth in a Manila hospital on July 1, 2020. (Photo courtesy of Kapatid)

Nananawagan ang Save the Children Philippines sa epektibong pagpapatupad ng Republic Act No. 11148 “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act” na naghahandog ng life-saving healthcare, services at resources sa mga buntis at lactating mother.

Gayundin sa mga kapapanganak pa lamang upang masiguro ang karapatan ng bawat bata sa health, survival, protection at development.

Sa Republic Act 11148 na kilala rin bilang “First 1,000 Days Law,” sinisiguro nito ang karapatan ng bawat bata na ma-access ang exclusive breastfeeding during the first hour of birth hanggang six months, at tuloy-tuloy na pagpapasuso hangang sa tumuntong ito ng dalawang taon.

Ayon na rin kay Atty. Muyot, si baby River ay ipinanganak na mababa ang timbang at may kahinaan ang baga. “She has the right to get access to proper health and nutrition, including breastmilk, even if her mother is a person deprived of civil liberty.”

Sinabi rin ni Dr. Amado Parawan, Health and Nutrition Advisor ng Save the Children Philippines, na maaaring maiwasan ang nangyari kay Baby River kung nalaman kaagad ang senyales at sintomas ng acute distress syndrome gaya ng fever, cough at hirap sa paghinga.

“Breastmilk is considered as the first vaccine for babies since it provides many anti-bodies against diseases. Babies should not be separated from their mothers so that breastfeeding will be initiated early and for exclusive breastfeeding to be successful. This is the reason why rooming-in is encouraged and skin-to-skin is promoted under the Unang Yakap program of the Department of Health,” paliwanag pa ni Parawan.

Detained activist Reina Mae Nasino weeps as she attends the burial of her three-month-old baby, River, who died of pneumonia, on October 16. (Photo by Basilio Sepe)

Batas nga ba ang tawag kahit ‘di naman makatao?

Naghahalong lungkot at galit ang nararamdaman ko sa nangyari kay baby River. Iyong ibang mayayamang politikong nakulong, nagkasakit lang ang ama, pinayagang makadalaw. Ang iba, dahil matanda na, hindi na ikinulong. Pero si Reina na gustong madalaw at makita ang tatlong buwang anak na nasa bingit ng kamatayan ay hindi man lang pinagbigyan. Pinagkaitan ng karapatan.  

Hindi lamang sa palabas at likhang sining makikita’t mababasa ang lantarang paglapastangan sa kapakanan at karapatan ng kababaihan kundi nararanasan ito ng ating mga kababayan, ng kapwa natin Filipino.

Hindi tayo nanonood ng sine o K-drama na puwede nating pikitan ang ganitong mga klaseng eksena. Hindi sapat na tumingin lang tayo’t palampasin ang karumaldumal na pagtanggal sa ating karapatang pantao. Ang legal ay hindi laging tama o makatao. Talasan natin ang ating mata’t isipan. Huwag na nating hintayin pang kumatok sa ating mga pintuan ang ganitong pangyayari bago tayo umaksiyon at mag-isip.

Masasabi o matatawag pa ba natin itong batas kung hindi naman makatao?

Huwag nating hayaang ang ganitong klaseng mundo ang makalakihan ng ating mga anak. Hangga’t maaari, gumawa tayo ng paraan upang huwag maranasan ng susunod na henerasyon ang dinaranas natin ngayon: lantarang kasinungalingan at pananapak ng kapuwa, bastos na pagtrato sa kababaihan, hindi pantay na hustisya at ang kaliwa’t kanang patayan.

Mga anak natin ang aani sa pagtikom at pagbubulag-bulagan natin sa mukha ng pang-aabuso.

Marahil para sa ilan, hindi nila nakikita ang magiging epekto ng ganitong klaseng mundo para sa kanilang mga anak o maging sa mga apo. Pero kung patuloy tayong mananahimik at pababayaan natin ang ganitong palakad, paano na ang susunod na henerasyon?

Malupit ang mundo. Pero mas lulupit ito kung hahayaan nating hagupitin tayo ng mga nagmamataas at nagkakamkam ng kapangyarihan. 

Higit sa lahat, hindi naman kailangang magkaroon ng anak para lang maunawaan at maramdaman ang pighati at tarak ng balaraw sa puso ng isang inang namatayan ng anak.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Leave a Reply

Make a difference!

We work tirelessly each day to support the mission of the Church by giving voice to the voiceless.
Your donation will add volume to our effort.
Monthly pledge

Latest