Marahil kung buhay na ako noong panahon ng Martial Law, hindi ako makatatagal. Iniisip ko pa lang kasi ang posibilidad na pagsamantalahan, bastusin at bugbugin ng sandamakmak na namumuno sa gobyerno, pinangangatugan na ako ng tuhod. Sumisikip na ang dibdib ko.
Pawang kuwento lamang ang naabutan ko tungkol sa Martial Law: kung paano yurakan at lapastanganin ang pagkababae ng maraming kababaihan na aktibista, kung paanong kahindik-hindik na takot ang madarama mo sa bawat pagdaan ng mga sandali. Hindi mo rin natitiyak kung sino ang kakampi mo at kaaway.
Nangunguna na sa mga kuwentong ito ang nobela ni Lualhati Bautista—ang Desaparesidos. Binabasa ko pa lang, kumakabog na ang dibdib ko.
Lagi kong sinasabing suwerte ako dahil hindi ko naranasan ang ganoong panahon. Oo, mayroon din namang nagsasabing gumanda ang buhay nila. Pero hindi dahil may gumanda ang buhay noong panahon ng diktadurya ay puwede na nating sabihing okey lang ang lahat ng iyon. Hindi okey. Kahit kailan, hindi ito magiging okey o katanggap-tanggap.
Wala iyan sa rami ng inabuso at winalang hiya kundi sa kung sino ang nang-abuso at kung gaano kalalim ang pagyurak nila sa ating pagkatao.
Ganito kami noon, ganito pa rin ba ngayon?
Nagkaroon ng diskusyon sa social media tungkol sa Martial Law na pinamagatang “Ganito kami noon, Ganito pa rin ba ngayon?” na hango ang title sa movie. Pinag-usapan ang tungkol sa pelikula, paniniil at pagpalag.
Nagbalik-tanaw sina Direk Joel Lamangan, at mga manunulat na sina Ricky Lee at Lualhati Bautista sa pinagdaanan nila noong panahon iyon. Samantalang sina Piolo Pascual naman, Vilma Santos at Glaiza De Castro ay nagbahagi ng kani-kanilang pagtingin at natutunan sa mga ginampanang karakter. Naging moderator ng online discussion sina Lourd De Veyra at Xiao Chua.
Hindi nga naman talaga maihihiwalay sa ating buhay ang mga pelikula o palabas. Noon pa man, ginagamit na natin ang pelikula upang maimulat ang bawat Filipino sa karahasang pinagdaraanan ng bansa. Kahirapan. Pagmamalupit.
Marami na rin namang mga pelikula ang nabuo na ang mensahe ay upang kalabitin ang natutulog na diwa ng ating mga kababayan. Ilan nga sa mga pelikulang nagpapamulat sa atin ay ang Maynila ni Lino Brocka, Batch ‘81 ni Mike De Leon, at Sister Stella L.
Nakabase ang Maynila ni Lino Brocka sa nobela ni Edgardo M. Reyes. Si Clodualdo del Mundo Jr. naman ang nagsulat ng script ng Batch ‘81.
Hindi rin siyempre nawawala ang Dekada ‘70 at Desaparesidos ni Lualhati Bautista. Ang mga nobelang ito na isinapelikula ay talaga namang dudurog sa iyong puso. Nahirapan akong basahin ang mga nabanggit na nobela ni Bautista. Pautay-utay ang naging pag-usad ko sa bawat pahina. Hindi ko kasi matagalan ang sakit na lumalapnos sa puso ko sa bawat pahina ng kanyang obra. Lumalatay sa sistema ko ang hapdi ng mga pangyayari.
Nariyan din ang 2018 independent film na Liway. Pinagbidahan naman ito ni Glaiza de Castro. At gaya ko nga, hindi rin niya naabutan ang Martial Law. Pero dahil sa pagganap niya bilang si Liway, alam kong naintindihan niya ang ipinaglalaban ng mga nakatatanda o mga taong dinanas ang pang-aalipusta ng batas militar.
Pero sa kabila ng kaliwa’t kanang mga palabas na tumatalakay sa dilim na binagtas ng bansa, nakalulungkot isiping marami pa ring mga Filipino ang tila nalalayo sa katotohanan. Napakahirap isipin na nasa harap mo na nga ang pang-aabuso, pero bulag ka pa rin dito.
Pelikula at Pandemya
Ngayong panahon ng pandemya, may kahirapan ang pagbuo ng pelikula, ayon na rin kay Agot Isidro, ang projects committee head ng grupong AKTOR na aking nakapanayam. Hindi nga naman puwede ang mass gathering kaya’t karamihan ay sa digital lumalabas ang output ng mga artista. Pero paunti-unti naman daw ay bumabalik na sa dati ang pagbuo ng pelikula.
“First few month of the lockdown may mga na-produce na pelikula. May online series, ginamit ang lockdown sa story. Minsan ang mga artista na rin ang nagsu-shoot ng sarili. Kino-coach lang sila ng director, lighting director at kung paano aanggulo. Sariling sikap, ikaw ang gagawa. Iyong artista nagiging lighting director at camera man na rin,” kuwento pa sa akin ni Agot Isidro nang magkausap kami via video chat sa Messenger.
Limitado lang din daw ang galaw nila, halimbawa ay bawal ang mga kissing scene at maging ang paghawak.
“Inequality, ilabas at ipakita kung ano ang nangyayari. Hindi puwedeng pagandahin. Dapat iyong totoo lang na nangyayari,” wika pa nito nang pag-usapan namin ang tungkol sa pagpapalabas ng mga pelikula na nakabatay sa kinahaharap ng bansa ngayon.
“Tandaan natin ang mga Liway, Dekada ‘70 at iba pa,” ito naman ang sinabi ng awtor na si Lualhati Bautista. “Naipalabas iyan, matagal nang wala si Marcos. Tandaan natin, itong Film Development Council na ang mandato naman talaga ay suportahan ang pelikula sa pamamagitan ng financial support, sa pamamagitan ng ratings. Pero recently nagpalabas sila ng guidelines na gusto nilang i-regulate hindi lamang ang pelikula kundi pati ang telebisyon at ang online media. Sa online media kasi maraming documentary na lumabas na tungkol sa tokhang. May mga short film na tungkol sa kalagayan sa ngayon, tapos gustong i-regulate. Ibig sabihin papunta na ulit tayo sa panibagong uri ng censorship. Mas mabuti pa iyong panahon ni Marcos kasi deklarado ang Martial Law, alam natin kung sino ang kalaban natin. Alam natin kung saan tayo sisingit at papakiramdaman natin kung puwede o hindi. Alam natin kung paano tayo lalaban. Pero ngayon, hindi ganoon ang sitwasyon. Hindi nakadeklara ang Martial Law pero mayroon tayong anti-terror law. Kaya siguro kailangan nating pag-isipang mabuti kung bakit ang Film Development Council ay biglang naglalabas ng guidelines na gustong kontrolin, although ang salita nila ay i-regulate.”
Idinagdag pa ni Bautista na health protocol ang sinasabing dahilan pero hindi natin alam ang nasa likod nito. “Dapat tayong maging aware,” pagtatapos ni Bautista.
Martial Law at Ako
Malaki ang naitulong sa akin ng pagbabasa ng mga kuwentong nakabatay sa nangyayari sa ating lipunan upang maliwanagan ang aking isipan. Gayundin ang panonood ng mga pelikulang may patama o kumbaga may pahapyaw na pitik sa mundong ating ginagalawan.
Kaya’t minsan, nakapagtatakang may ilan pa ring ipinagkakait sa kanilang sarili ang katotohanan.
Sa kabilang banda, naiintindihan ko rin naman ang ilang millennials. Hindi ko naman nilalahat. Gaya ng iba, wala rin akong pakialam noon. Tutal ay hindi ko naman dinanas ang hirap at pang-aalipusta noong Martial Law, kaya’t dedma lang ako.
Pero mahirap ang magbulag-bulagan lalo na kung kusang namulat ang mata mo sa pang-aalipusta ng may kapangyarihan. Mahirap balewalain ang maling palakad ng mga namumuno.
Nagsisimula na ulit tayong pagkaitan ng karapatan. Lantaran na ring binabastos tayong mga kababaihan.
Ano pa ba ang kailangan nating hintayin para lang tayo matauhan?
Hindi ko dinanas ang martial law pero…
… hindi ko kalilimutan ang ginawang pagpapahirap hindi lamang sa bansang Filipinas kundi maging sa lahat ng Filipino.
Hindi ko inabutan ang Martial Law pero hindi ibig sabihin nito na tatahimik na lamang ako at ‘di papansinin ang maling palakad ng gobyerno ni Marcos. May karapatan akong magsalita. May karapatan tayo bilang Filipino na kilatisin ang mali at tama.
At kung mali, dapat natin itong punain.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news