HomeCommentary‘Desaparesidos’ sa Panahon ng Facebook

‘Desaparesidos’ sa Panahon ng Facebook

“H’wag ka nang malumbay, Inang Pilipinas…kahit may kung ilang anak kang nalagas…mamamayang pilit dinurog ng dahas, nangakatindig at may tangan na armas!” – “Desaparesidos”ni Lualhati Bautista

Minabuti na rin ng tadhana na hindi ko inabot ang kalupitan ng Martial Law. Hindi rin ako nakasisiguro kung ano ang aking gagawin.

Katatapos lang din ng People Power nang ipanganak ako. Pero hindi ito naging hadlang para kalimutan ko ang paghihirap ng ating bansa. Masuwerte ako sa pagkakaroon ng maraming paraan para mapunan ang puwang na dulot ng aking edad—at isa nga rito ay ang mga obra ni Lualhati Bautista.

Bata pa ako nang nahilig akong magbasá. At nang magseryoso nga ako sa pagsusulat, isa sa mga iniregalo sa akin ng asawa ko ay ang mga aklat ni Lualhati Bautista.

Nakilala ko sa mga nobelang ito sina Lea Bustamante at Maya sa “Bata, Bata…Pa’no Ka Ginawa”; Angela sa “Bulaklak sa City Jail”; Amanda Bartolome sa “Dekada ’70” at sina Anna at Malaya sa “Desaparesidos”.




Unti-unti, namulat ang mga mata ko sa masaklap na pinagdaanan ng bansa at ng mga Filipino.

Sa mga aklat ni Bautista—lalo na ang “Dekada ’70” at “Desaparesidos”— kailangan ng tapang sa pagbabasá nito. Sa mga pahina ay ipakikita sa iyo ng manunulat ang pagmamaltrato o pambababoy ng mga militar, gayundin ang tapang ng taumbayan, dahilan ng paglaban para sa pagtataguyod ng kanilang mga karapatan.

- Newsletter -

Kasabay ng pagbubulatlat sa pinagdaraanan ng mga karakter, may dulot itong sugat sa dibdib. Ramdam ang karahasan sa bawat linya: ang paglatay sa balat ng mga sampal, sipa, suntok at tadyak, at panggagahasa sa mga kababaihan.  

Gayundin ang lungkot na bumalot sa pamilya ng mga desaparesidos— dinukot ng mga makapangyarihan at nawala na lang na parang bula.

Poster ng isang dula batay sa libro na “Desaparesidos” ni Lualhati Bautista.

Desaparesidos at mga karanasan

Sa naging interview ko kay Bautista, sinabi nitong ang nag-udyok sa kanyang sulatin ang “Desaparesidos”—isang kuwento tungkol sa pang-aabuso noong martial law—ay ang mga karanasan, hindi man personal, kundi ng mga kaibigan.

Inisa-isa rin nito ang mga kakilala niyang nahuli noong panahon ng martial law na isinama pati ang mga anak sa kulungan—minsan dahil walang mapag-iwanan at minsan naman ay basta na lamang isinama.

Ang iba’y pinagbantaang papatayin sa harap ang anak kapag hindi nila ibinunyag ang pangalan ng mga kasamahan. Kinidnap ng mga sundalo ang anak para lumitaw ang magulang. Hindi na rin bago ang nire-rape ang political detainee na babae, minsan pa ng buong tropa ng mga sundalo.

Unang ginawa ni Bautista ang “Desaparesidos” para sa teleplay. Ipinalabas ito ng GMA7 at ginampanan nina Lorna Tolentino at Christopher de Leon.

“Nang magkaroon ng Philippine Centennial Literary Contest noong si Joseph Estrada ang presidente, may screenplay category. Malaki ang premyo, one million sa first prize. Dali-dali kong ginawang screenplay at isinali. Nanalo naman pero third prize lang. Tapos, gusto ni Vic del Rosario ng Viva Films na gawin itong sine. Ang gusto niya talaga, ‘yung ‘Dekada,’ pero at the time na kausapin niya ako, naka-oo na ako sa Star Cinema.  Binayaran niya sa akin ang script, pero matagal iyon, over 20 years ago na kaya expired na ang usapan. Pinag-aralan ko ang script, nakita ko ang mga loopholes, inayos ko.  Pero hindi rin natuloy sa Viva. Sabi ni Vic sa akin, baka daw hindi kayanin ang production budget kasi, masyadong malaki.  After a few years, isinalin ko sa nobela. After nobela, naging play ang ‘Desaparesidos,’ na ipinalabas sa Ateneo at critically acclaimed along with ‘Dekada 70,’” dagdag pa ni Bautista.

Lualhati Bautista at Social Media

Mula sa pagsulat ng mga nobela, ngayon nama’y aktibo ang awtor sa “pakikibaka” gamit ang social media.

Isa si Lualhati Bautista sa kino-quote ng mga netizen dahil sa matatapang nitong mga post. Naging makabuluhan din para sa nobelista ang paggamit ng Facebook.

“Una, dahil naipararating ko ang saloobin ko sa pamamagitan ng Facebook,” ani Bautista.  “Lagi kong sinasabi na mahalaga ang boses ng mga mamamayan. Two, dumadami ang kaibigan.  Marami diyan na makikilala ko lang sa Facebook, tapos ay gusto nang magpunta sa bahay para magpa-autograph. Tinatanggap ko naman siyempre, at nagiging kaibigan ko na. Three, pag may umorder sa akin ng books, marami sa kanila ang ipino-post sa Facebook at nakikita ng marami pa, at ayon, dumadami ang order. Pagod nga lang sa kasusulat ng personal message at autograph.”

Lualhati Bautista (Photo supplied)

Manunulat at ang Kontribusyon sa Bayan

Nakakatuwang isipin na sa lahat ng pinagdaanan ni Bautista ay nagawa niyang mag-transform at kabisahin ang teknolohiya. At ang pag-adopt niya sa makabagong paraan ay lalong nagpatalas ng kanyang mata at isipan upang higit na makita ang mga kamaliang ginagawa ng mga nakaupo sa gobyerno. Naging daan din ito upang mapaisip ang kanyang followers.

Kung si Bautista ay naging matapang sa kanyang puna sa nangyayari sa lipunan, may ibang manunulat namang naging tikom ang bibig. Ang iba nga ay tila inuudyok pa ang estado na ipagpatuloy ang maling ginagawa.

Ayon kay Bautista, ito ay karapatan nila at magkokomento lang siya kung kaharap niya ang mga manunulat na ito na itinuring na rin niyang mga kaibigan.

“Kung napapansin n’yo, hindi ako nagsasalita laban sa kahit kanino,” ani Baustista.  Kanya-kanya tayo ng paninindigan.  Malungkot pero karapatan nila iyon.  Maaari lang akong magsalita sa kanila sa harapan, hindi sa social media, bilang respeto sa pagkakaibigan namin. May mga kaibigan nga akong DDS pero as long as nirerespeto nila ang espasyo ko, wala kaming pagtatalunan.  Malay mo na na pagdating ng oras, magbago ang pananaw nila.  Sabi nga, the only permanent thing is change.”

Mahalaga ang tinig ng manunulat, wika pa ni Bautista. “Pero sa palagay ko, ando’n lang ang tunay na halaga niyon kung may kapantay na paninindigan. Kung iba ang paninindigan mo sa mga obra mo, ano ang saysay ng mga obra mo?  Nawawalan ng authenticity hindi lang ang obra mo kundi pati ikaw.  Mahalaga bilang manunulat na mahalin mo ang mga karakter na binuo mo, ituring sila na karugtong ng sarili mong buhay, dala nila ang paninindigan mo, lipunan mo ang kanilang lipunan. Hindi lang naman sa literatura kundi sa lahat ng sangay ng sining.  Nakakalungkot kung ang isang pelikula mo halimbawa, ay ituturing mo lang na isang palabas, isang trabaho lang, pero hindi mo isinapuso ang papel na ginampanan mo, hindi mo minahal ang karakter na ibinigay sa iyo.”

Ang ating mga kuwento ng buhay ay sumasalamin sa pananaw ng manunulat, pagbibigay-diin ni Bautista. Applicable din daw ito sa genre ng romance novels. “Nakabasa ako ng obra ng mga bagong manunulat sa isang platform na hindi romance kundi pornography.  Ipinagkakamali nila ang sexual violence sa pag-ibig. Kinakabahan ako na baka lumaganap iyung gano’ng pananaw, lalo na at pulos mga kabataan din ang bumabasa sa kanila.”

Idinagdag pa niya, “Parang gusto ko tuloy magkaroon ng ibang espasyo na mapagkukuwentuhan ng mga karanasan at pananaw ko bilang manunulat.  Parang gusto ko na ngang mag-blog.  Sikat pa ba ang blog?  Vlog na ngayon e.”

Sa pinagdaraanan ng bansa ngayon, kailangan nating balikan at basahin ang “Desaparesidos,” gayundin ang mga obrang kapareho nito. Dahil ang “Desaparesidos” ay kapilas ng ating pakikibaka. Kadikit ng ating nakaraan.

Isa rin itong tulay upang maalisan ng piring ang ating mga mata at makita nang mas maliwanag ang maling ginagawa ng mga nasa katungkulan.  

Karapatan nating makita ang katotohanan. Karapatan nating mabigyan ng boses ang mga binubusalan ang bibig.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest