Ang pagbibinyag sa ating Panginoong Jesus ay nagpapaalaala sa atin ng ating binyag, ngunit hindi magkapareho ang ating binyag sa kanyang binyag. Ang pagbibinyag na ginagawa ni Juan Bautista sa mga tao noong panahon niya ay tanda ng pagsisisi ng kanilang mga kasalanan. Kinikilala ng mga tao ang kanilang pagkakasala dahil sa pahayag ni Juan; nagsisisi sila at inaamin nila ang mga kasalanan nila, at sila ay binibinyagan o hinugasan ni Juan sa ilog, tanda ng pagsisisi nila.
Si Jesus ay wala namang kasalanan pero siya ay dumating sa mundo upang akuin ang ating mga kasalanan at tanggalin ito sa pag-aalay ng kanyang sarili sa krus para sa atin. Wala siyang kasalanan pero nakikiisa siya sa ating kalagayang makasalanan. Inako pa nga niya ang ating kasalanan. Sinabi nga ni Propeta Isaias: “Dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan.
Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya.” Ito rin ang sinulat na Tito na ating narinig sa ating ikalawang pagbasa: “Ibinigay niya ang kanyang sarili upang iligtas tayo sa lahat ng kalikuan at linisin para maging kanyang bayan na nakatalagang gumawa ng mabuti.” Ang pagbibinyag ni Jesus ay ang simula ng kanyang pagmimisyon. Dito nakiisa na siya sa ating kalagayan. Dahil dito nagpabinyag siya. Ipinahihiwatig niya na siya rin ay makasalanan tulad natin.
Iba ang ating binyag. Talagang makasalanan tayo. Kailangan tayong linisin sa ating kasalanan, kaya tayo ay nagpapabinyag. Dahil sa ating binyag inagaw na tayo mula sa kuko ng demonyo at ginawa na tayong anak ng Diyos na nakikiisa sa buhay ng Diyos. Dahil dito hinihikayat tayo na pabinyagan ang ating mga anak sa lalong madaling panahon. Papatagalin pa ba natin na ang anak natin ay nasa kapangyarihan ng demonyon? Kaya ang binyag ng mga bata ay hindi nagdedepende kung may panghanda ba tayo o wala. Hindi pera o handa ang considerasyon dito kundi grasya ng Diyos, kaya nga tinanggal na ang bayad para sa binyag para hindi maging hadlang sa binyag ang pera.
Ang ating binyag ay may kaugnayan sa pananampalataya. Dahil sa nananalig tayo na si Jesus ay tagapagligtas, nakikiisa tayo sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay sa sakramento ng binyag. Ang mga sanggol ay binibinyagan sa pananampalataya ng kanyang mga magulang at mga ninong at ninang. Ang mga magulang at mga ninong at ninang ang sasagot para sa mga bata at may pananagutan sila na palalakihin ang mga anak nila ayon sa katuruan ni Jesus. Dahil dito pipiliin naman natin ang mga ninong at ninang ng mga anak natin na nagpapahalaga sa kanilang pananampalatayang Kristiyano at isinasabuhay ito.
Kahit na magkaiba ang binyag ni Jesus sa ating binyag, kasi wala naman si Jesus na kasalanan na dapat tanggalin pero tayo ay may kasalanan na dapat linisin ng tubig ng binyag, pero may isang malaking pagkapareho ang binyag natin sa binyag ni Jesus. Noong si Jesus ay bininyagan nagsimula na siya sa kanyang pagmimisyon. Iniwan ni niya ang Nazareth kung saan siya lumaki at naglakbay na siya sa mga nayon ng Galilee upang mangaral sa mga tao na dumating na ang paghahari ng Diyos. Ang kanyang binyag ay kaugnay sa kanyang misyon. Tayo rin, dahil sa tayo ay bininyagan may misyon din tayo, at iyan ay ang pagpatuloy ng misyon ni Jesus. Kaya nga ang bawat binyagan ay misyonero. Kailangan natin ipakilala si Jesus sa pamamagitan ng ating pamumuhay na naaayon sa kanyang mga aral, sa pamamagitan ng pagseserbisyo sa paggawa ng kabutihan, at sa ating pakikiisa sa mga gawain ng simbahan. Maging conscious po sana tayo na ang dakilang biyaya ng binyag na tayo ay naging anak na ng Diyos, ay may kaakibat na pananagutan, na kumilos tayo para lumawak ang paghahari ng Diyos, pati na sa larangan ng politika at ng kapaligiran. Kaya ang tunay na binyagan ay hindi nagwawalang kibo sa mga kasamaan na nangyayari sa ating lipunan at sa pagkasira ng ating kapaligiran.
Palaging ipaghanda natin ang daraanan ng Panginoon. Dumadating siya sa ating mundo at sa ating buhay. Ito ang nagbibigay sa atin ng tapang sa ating misyon sa mundo. Sinasabi natin: “Narito ang iyong Diyos.” Hindi siya pabaya. Dumarating ang ating Diyos na makapangyarihan at kakalingain niya tayo patungo sa kanya.
Noong binyagan si Jesus, nandoon ang isang tatlong Diyos. Habang nagdarasal si Jesus na anak ng Diyos na naging tao pagkatapos ng kanyang binyag, bumaba sa kanya ang Espiritu Santo sa hugis ng kalapati at may boses na nanggaling sa langit na nagsabi sa kanya: “Ikaw ang minamahal kong anak; lubos kitang kinalulugdan.” Involved ang Sang-tatlong Diyos sa binyag ni Jesus. Involved din ang Sang-tatlong Diyos sa binyag ng bawat isa sa atin. Nagiging kapatid tayo ni Jesus, naging Ama natin ang Diyos Ama at naging templo tayo ng Espiritu Santo na nananahan na sa ating katawan. Sana po palaging manatili ang ating relasyon sa Sang-tatlong Diyos sa ating buhay. Manatili sana tayong kapatid at kaibigan natin ni Jesus na tinutularan natin ang kanyang halimbawa. Gamitin natin nang maayos at pahalagahan ang ating katawan. Nananahan sa atin ang Espiritu Santo. Maging masunurin tayo sa Diyos Ama bilang mabubuting anak niya. Noong tayo ay bininyagan sinabi ng Diyos Ama sa bawat isa sa atin: “Ikaw ang minamahal kong anak.” Masasabi pa ba niya sa atin ngayon: “Lubos kitang kinalulugdan?” Sana po palagi tayong nabubuhay sa paraan na kinagigiliwan tayo ng Diyos.
Homily of Bishop Broderick Pabillo of Taytay for the Feast of the Baptism of the Lord, January 12, 2025.