Galing lang ako sa prusisyon ng Nazareno. Minamaliit ng iba ang “popular piety”. Tinatawag nila ito sa iba’t-ibang pangalan — “panatisismo, superstisyon, pamahiin”. Sa Cebuano, “tuo-tuo” (dili tinuod nga pagtuo kondili tuo-tuo lang).
Pero ayon kay Pope Francis, ito ay “inculturated gospel” (ebanghelyong isinabuhay sa loob ng kultura), “people’s mysticism” (mistisismo ng sambayanan), “spirituality inculturated in the culture of the lowly” (espiritualidad sa laylayan), pananampalatayng ipinahahayag sa pamamagita ng mga simbolo at katawan, hindi sa isip at talakayan (EG, 126)
Sinabi rin ni Pope Paul VI, ang mga ito ay nagpapakita ng “masidhing pagkauhaw sa Diyos na ang mga mahihirap at simpleng tao lamang ang nakakaalam”. “It makes people capable of generosity and sacrifice even to the point of heroism, when it is a question of bearing witness to belief” (EN, 48).
Umaga na noong ako ay dumating. Pero ang mga naabutan ko doon ay gising at naglalakad na mula pa kagabi. Naglakad sila na nakaapak sagisag ng kanilang sakrispisyo. Hindi lang mga lalaki ang nakasalang. Nandoon din ang mga babae at mga Nanay. Hindi lang matatanda. Puno ang lansangan ng mga bata. Ang daming bata. Sila ang nakasakay sa mga maliliit na karosa at taga-punas nga mga tuwalya sa poon. Hindi natin malalaman ang mga nasa isip nila. Pero sigurado ako na kapag lumaki sila, nandito rin sila.
Sinubukan kong lumapit sa Poon. Mararamdaman mo ang init ng mga katawan. Pero ramdam mo rin ang init ng pananalig sa Kanya.
May Tatay, tinataas niya ang kanyang maliit na anak habang dumadaan ang Nazareno. Hindi ko lang alam kung ano ang panalangin niya para sa kanyang sanggol.
May matandang Nanay, si Teresita, na nakaupo sa gilid. Taon-taon siya naghihintay sa Poon sa may kanto ng San Marcelino. Mahina na siya. Pero may hinihiling siya sa Kanya. Sabi ng news ngayon, tumataas ang “inflation rate”, ang halaga ng mga bilihin. Kaugnay kaya nito ang kanilang panalangin?
Sabi ng mga sumalang, naputol daw ang isang lubid na humihila sa Poon. Kaya isa na lang ang kanilang hinahawakan. Nakuha ng iba ang kapiraso ng lubid. Pinahati-hatian nila ang mga hibla. Maganda raw ito dahil galing sa Kanya.
Magulo daw ang prusisyon ng Nazareno. Walang sistema. Pero bakit ang tuwalyang tinatapon at ipinunas sa Poon bumabalik sa may-ari? Dikit-dikit ang mga katawan pero bakit walang na-hold up at nananakawan?
Tahimik ang karamihan habang nagdarasal. Pero pumapalakpak rin sila kung umuusog ang prusisyon. May nagdadala ng kanila. May mga namimigay ng sandwich o taho. May nagbibinta rin ng mais at mani, itlog at pusit.
Ang totoong pananampalataya ay nalalasahan, naaamoy, naririnig at nararamdaman ng buong katawan at hindi ng isip lamang. Ng buong komunidad at hindi ng isang tao lamang.
Nais daw ng pamahalaan at simbahan na maintidihan ang nasa laylayan. Hindi raw maintidihan ng mga dalubhasa, ng mga politiko o ng mga teologo ang ordinaryong mamamayan. Nandito ang laylayan. Nandito ang Simbahan. Sa labas ng gusali — sumasamba, nag-aalay ng kanilang mga hinaing, nananampalataya, sumasamo sa Kanya. Dito natin sila hanapin at samahan. Dahil nandito ang simpleng mamamayan.
Ayon kay Pope Francis: “Popular piety, as a fruit of the inculturated Gospel, is an active evangelizing power which we must not underestimate: to do so would be to fail to recognize the work of the Holy Spirit. Instead, we are called to promote and strengthen it, in order to deepen the never-ending process of inculturation. Expressions of popular piety have much to teach us; for those who are capable of reading them, they are a locus theologicus which demands our attention, especially at a time when we are looking to the new evangelization (EG, 126).
Father Daniel Franklin Pilario, C.M., is the President of Adamson University in Manila. He is a theologian, professor, and pastor of an urban poor community on the outskirts of the Philippine capital. He is also Vincentian Chair for Social Justice at St. John’s University in New York.