HomeFeaturesIsang kontemporaryong kwento ng paglikas

Isang kontemporaryong kwento ng paglikas

Nagpapasalamat si Evelyn Cordonia na nakabalik na siya sa Pilipinas at ang kanyang pamilya matapos ang matinding paghihirap sa walang habas na pambobomba ng Israel sa Gaza. Isa siya sa mga Pilipinong napilitang sumunod sa utos ng Israel na lumikas mula sa Gaza sa pagsisimula ng panibagong giyera noong Oktubre 7.

Hindi lamang ang matinding takot mula sa mga bomba ang kanilang dinanas. Nagpahirap din sa kanila ang iba’t ibang uri ng karahasan mula sa kaniyang tinutuguriang “kabila.” Si Evelyn ay 18 taong nanirahan sa Gaza, kasama ang kanyang Palestinong asawa at kanilang anak.

“Wala kaming kuryente, walang tubig, walang wi-fi dahil pinutol lahat ito ng kabila. Nasira ang aming sasakyan kaya wala kaming magamit sa paglikas,” ani Evelyn sa isang media forum sa Lungsod Quezon noong Biyernes.



Hindi lamang galing sa lumulusob na zionistang estado ng Israel ang utos na lumikas na ang lahat sa Gaza. Panay na rin ang tawag ng embahada ng Pilipinas sa Amman, Jordan kina Evelyn at iba pang Pilipino na umalis na sa Gaza dahil sa bantang delubyo.

Sa kabutihang palad, may sasakyan ang isa nilang kapitbahay na gusto na ring lumikas. Subalit ang sasakyang iyon ay wala namang gasolina. “Kaya kinailangan naming ilipat ang gasolina mula sa sira naming sasakyan sa kanilang sasakyan,” kwento ni Evelyn.

Pagdating ng pamilya sa Raffa Crossing papasok ng Ehipto mula sa Gaza, inakala nina Evelyn na ligtas na silang mag-anak. Subalit tanging si Evelyn lamang ang naisumiteng pangalan ng embahada sa listahan at wala ang kaniyang asawa at anak. “Hindi ko maiwan ang aking mag-ama,” aniya kung kaya hindi siya tumawid.

Bumalik ang mag-anak sa kanilang bahay at kinailangan nilang magbayad ng mahal sa isang drayber upang sila’y ibalik sa binobombang erya. Muli nilang dinanas ang pagpapa-ulan ng bomba ng Israel gabi-gabi. “Naroon kami sa basement ng aming apartment building, patong-patong kami sa isang sulok, sinusubukang takpan ng aming mga katawan ang isa’t isa,” kanyang kwento.

- Newsletter -

Makalipas ang ilang araw ay may nahanap siyang isa pang kapitbahay na may generator kaya nakapag-charge ng telepono si Evelyn. Kumontak siya sa embahada ng Pilipinas at nakiusap na isama ang kanyang anak at asawa sa listahan ng mga lilikas. Muli silang pinabalik sa crossing sa kabila ng tumindi pang panganib sa biyahe.

“Ngunit sa pagbalik namin doon, ang anak ko lamang ang naidagdag, wala ang aking asawa sa listahan. Muli kaming nagpasya na walang lalabas ng Gaza na hindi kami kumpletong mag-anak,” kwento ni Evelyn.

Naulit ang kanilang hilakbot sa  muling pag-uwi upang hintayin ang pag-aayos ng embahada sa listahan. Sa ikatlong pagbabalik sa crossing, nasa listahan na ang kanyang asawa. Ngunit hindi agad binuksan ng Ehipto ang border at dalawang araw pa silang naghintay, walang matuluyan o masilungan man lamang. “Naglatag kami ng karton sa sahig kahit maginaw na,” ani Evelyn. Noon napagtanto nina Evelyn na sa kanilang panic, kung ano-ano na lamang ang kanilang nabitbit sa kanilang paglikas. “May nai-empake nga akong sapatos na walang pares,” aniya.

Sa kabila ng kanilang mahirap na kalagayan, pinagana ni Evelyn ang kanyang angking tapang at pagka-malikhain.  Gamit ang natitira nilang pera, namili si Evelyn sa mga kapwa bakwit ng kung ano-anong maaring ibenta. “Tinawag ko itong Manila Market. Ang kinita ko roon ay ipinambili ko naman ng aming kailangan, lalo na ng pagkain,” kanyang kwento.

Matapos ang dalawang araw at gabi, nakatawid na sila sa Ehipto. “Pangatlong batch na kami ng mga Pilipinong nakalabas sa Gaza,” aniya.

Subalit may panibagong hamon ang mga bakwit na tulad nina Evelyn pagdating dito sa Pilipinas. Samantalang may mga kapatid pa siyang nagpapatuloy sa kanila ng ilang araw, ninanais niyang may mas permanente silang matutuluyan habang naririto sa bansa. Umaalingawngaw sa kanyang isipan ang tanong sa kanya ng kanilang anak” “Paano na ang buhay natin, Mama?”

Para kay Evelyn, ang Gaza at Palestina ang kanilang tahanan at nais pa rin nilang bumalik sa lalong madaling panahon. Kung tutuusin, si Evelyn at ang kanyang pamilya ay parang sina Maria, Jose at Hesus na lumikas mula sa Palestina patungong Ehipto mahigit dalawang libong taon na ang nakakaraan. Tulad nila, sana ay makabalik rin sila sa lalong madaling panahon. 

Ang ulat na ito ay unang inilimbag ng KODAO Productions

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest