HomeCommentaryKRISTIYANONG KAPITBAHAYAN

KRISTIYANONG KAPITBAHAYAN

Kung hindi natin kilala ang isang tao, hindi tayo magiging malapit sa kanya dahil hindi natin alam paano makikitungo sa kanya. Ganoon din sa Diyos. Mahalagang makilala natin siya upang malaman natin paano tayo makikitungo sa kanya. Gusto nating makilala ang Diyos kasi gusto nating maging malapit sa kanya.

Paano ba natin makikilala ang Diyos? Makikilala natin siya sa kanyang mga ginawa. Kaya nakikilala natin siya sa pamamagitan ng sangnilikha. Sa pagmamasid natin sa mga ginawa ng Diyos nakikita natin na siya ay napakagaling, siya ay napakatalino, siya ay napakamakapangyarihan. Magaganda at mahiwaga ang lahat ng kanyang ginawa. Hanggang ngayon marami pa tayong nadidiskubreng mga bagay at mga batas sa nature. Hindi tayo makatitigil na mamangha sa mga ginawa niya. Talagang dakila siya!

Nakikilala din natin siya sa pamamagitan ng mga tao na malapit sa kanya, tulad ng mga propeta, ng mga santo at ng mga pinapadala niya. Ang mga taong ito ay may malalim na pag-unawa at pagkakilala sa Diyos.



Ngunit higit sa lahat nakikilala natin ang Diyos dahil siya mismo ay nagpapakilala sa atin. Ganoon niya tayo kamahal na nagpapakilala siya sa atin. Hindi siya malihim. Hindi lang sa mahal niya tayo. Gusto niya na mahalin din natin siya, kaya ipinakilala niya kung sino siya, kung ano ang balak niya, at kung ano ang gusto niya sa atin. Kaya Salamat sa Diyos na nakikilala natin siya.

Alam natin sa pamamagitan ng kalikasan at ng ating talino na ang tunay na Diyos ay iisa. Hindi siya magiging makapangyarihan sa lahat kung may iba pa na kapantay niya. Hindi lang siya iisa. Ipinakilala niya na siya ay isang Diyos ng pag-ibig. Ang iisang Diyos ay mapagmahal. Ito ang pagpapakilala niya kay Moises noong siya ay dumaan sa harap niya doon sa Bundok Sinai: “Akong Panginoon ay mapagmahal at maawain. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako’y nananatiling tapat.” Hindi natin ito malalaman kung hindi niya sinabi. At ganito nga siya kumilos sa mga Israelita. Ang haba ng pasensiya niya sa kanila. Palagi siyang nagpapatawad.

Noong dumating si Jesus mas lalong nakilala natin ang Diyos. Nagpakilala siya na siya ay ang anak ng Diyos na naging tao. Pinatunayan niya ito sa kanyang mga salita at gawa. Ang mga ginawa niya ay hindi magagawa ng sinumang tao – ang kanyang mga himala, ang mga pagpapagaling, ang pagpapatawad ng kasalanan, ang pagpapalayas ng demonyo, ang pagbubuhay sa mga patay. At higit sa lahat, ang kanyang muling pagkabuhay. Siya ang anak ng Diyos, at siya at ang Ama ay nagpadala ng Banal na Espiritu upang gabayan tayo sa katotohanan. Kaya si Jesus na anak ng Diyos ay nagpakilala na ang iisang Diyos ay Ama, Anak at Espiritu Santo. Iisa sila sa pagka-Diyos. Iisang Diyos sila pero sila ay tatlong persona: Ama, Anak at Espiritu Santo. Ang isang Diyos natin ay Trinity, na ang ibig sabihin ay ISA’TLO, ISANG TATLO. Ito ay isang hiwaga na hindi maabot ng ating kaisipan. Tinatanggap natin ito kasi ito ay sinabi mismo ng Diyos Anak, at naniniwala tayo na siya ang pinadala ng Ama at pinuspos siya ng Banal na Espiritu. Noong siya ay bininyagan, sa simula ng kanyang misyon, nandiyan ang Espiritu Santo na bumaba sa kanya sa anyo ng kalapati. May tinig na nagsalita sa ulap: “Ito ang aking anak na kinalulugdan, makinig kayo sa kanya.” Nandoon ang isa’tlong Diyos.

Sa ating ebanghelyo napakinggan naman natin ang pahayag sa atin na ganoon tayo kamahal ng Diyos na ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Pinadala ang anak hindi upang parusahan tayo kundi upang iligtas tayo. Ang pagliligtas na ito ay ang pagbigay sa atin ng buhay na walang hanggan. Iyan ang balak niya sa atin, na makasama niya tayo sa buhay na walang hanggan.

- Newsletter -

Ang paniniwala sa ISANG TATLONG Diyos ay siya rin ang pahayag ng mga apostol. Kaya madalas natin marinig sa mga sulat nila ang pagpaparangal sa Diyos Ama, sa pamamagitan ni Jesukristo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa ating ikalawang pagbasa ngayon narinig natin ang huling pagbati ni San Pablo sa mga taga-Corinto: “Sumainyo ang pagpapala ng Panginoong Jesukristo, ang pag-ibig ng Diyos Ama at ang pakikipagkaisa ng Espiritu Santo.” Ang pagbati niya ay ang Diyos na ISA’TLO.

Ang ating mga dasal sa misa ay palagi nating itinutuon sa Diyos Ama, sa pamamagitan ni Jesukristo kasama ng Espiritu Santo. Ang Diyos Ama ang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala. Siya ang pinanggalingan natin at sa kanya tayo babalik. Ang Diyos Anak ay naging tao. Kapwa na natin siya. Kaya kasama-sama natin siya. Siya ang halimbawa natin paano magiging anak ng Diyos kasi tao siya tulad natin sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan. Tandaan natin ang kasalanan ay hindi bahagi ng ating pagkatao. Si Jesus din ang kaisa-isang tulay natin patungo sa Ama. Hindi tayo makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan niya. Ang Espiritu Santo naman ang nananahan sa atin. Ito ay ang kapangyarihan ng Diyos na ibinigay sa atin upang gabayan tayo sa kabanalan. Nananahan siya sa atin. Ang Diyos Ama ay ang Diyos na nasa taas natin. Tumitingala tayo sa kaya. Siya ang manlilikha. Ang Diyos Anak ay ang Diyos na kasama natin. Siya ang Kapwa natin. Siya ang Diyos na manliligtas. Ang Espiritu Santo naman ay ang kapangyarihan ng Diyos na naninirahan sa atin. He is within us. Siya ay nasa loob natin. Siya ang Diyos na nagpapabanal sa atin. Sa ating pag-aantanda ng Krus binabangit natin na ang lahat ay ginagawa natin sa ngalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo.

Ang Diyos natin ay ang komunidad ng pagmamahalan. Ang Diyos natin ay isang samahan. Pantay sa pagka-Diyos ang isa’t-isa pero magkaiba sila, iba ang Ama sa Anak, iba ang Anak sa Espiritu Santo, iba ang Espiritu Santo sa Ama, pero iisang Diyos lang sila. Ito ay isang dakilang hiwaga na hindi gaano natin maunawaan pero matutularan natin. Ang tao ay hindi mag-isa. Hindi tayo mabubuhay na mag-isa. Kailangan natin ang iba para mabuhay. Natural sa atin na tayo ay nasa samahan, nasa samahan ng isang pamilya, ng isang grupo, ng isang simbahan, ng isang bayan. Hindi rin tayo magiging Kristiyano na mag-isa. Naging kristiyano tayo dahil sa iba at sa samahan ng mga Kristiyano tayo lumalago. Ganito tayo kasi tayo ay ginawa na kawangis ng Diyos na isang samahan din.

Sa isang samahan, pinag-iisa tayo pero magka-iba tayo. Hindi nalulusaw ang ating individuality o ang ating sariling pagkatao sa ating pagkakaisa sa samahan at hindi naman nagiging dahilan ng hindi pagkakaisa ang ating pagkakaiba. Sa halip ang pagkakaiba natin ay lalong nagpapatatag ng ating pagkakaisa. Ang bawat isa ay nag-aambag ng kanyang sariling kakayahan sa ating pagkakaisa.

Hindi ba iyan dapat ang ating Kriska, ang ating KRISTIYANONG KAPITBAHAYAN? Iba-ibang pamilya tayo, pero tayo ay nagkakaisa. Ang ating pagkakaisa ay nagpapatibay sa bawat miyembro. Ang ambag ng pagkakaiba ng mga miyembro ay nagpapatibay sa ating samahan. Kaya matutularan natin ang ating Diyos na ISANG TATLO.

Homiliya ni Bishop Broderick Pabillo, Holy Trinity Sunday Cycle A Basic Ecclesial Community Sunday, 04 Hunyo 2023; Ex 34:4-6.8-9 2 Cor 13:11-13 Jn 3:16-18

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest