Umapela si Bishop Alberto Uy ng Tagbilaran sa nasasakupan na panatilihin ang kasagraduhan sa pagdiriwang ng pista sa mga patron ng simbahan.
Ito ang panawagan ng obispo lalo’t nalalapit na ang buwan ng Mayo na tinaguriang “fiesta month” sa lalawigan ng Bohol.
“Nakikiusap ako sa lahat na panatilihin natin ang kasagraduhan ng mga pista na bahagi na ng ating buhay,” sabi ng obispo.
“Panawagan ko rin sa mga lider ng lokal na pamahalaan na magtulungan tayo sa pagpatupad ng mga pagtatanghal o programang naaayon sa pagdiriwang,” dagdag niya.
Iginiit ni Bishop Uy na ang mga kapistahan ay ipinagdiriwang ng sambayanang kristiyano bilang pasasalamat sa Panginoon sa mga handog na kaloob sa tulong ng panalangin ng mga patron.
Ayon sa obispo, kapansin-pansin na sa paglipas ng panahon ay nagkakaroon ng mahahalay na pagtatanghal sa paghahanda ng kapistahan gayundin ang kawalang regulasyon sa malalakas na sound-system tuwing may programa.
“Kahit na ang pista ay socio-cultural celebration, mananatili pa rin ang pagiging religious festival nito,” ayon kay Bishop Uy.
Umaasa ang obispo na iaaayon ang pagkakaroon ng mga pagtatanghal sa paghahanda ng kapistahan at bibigyang diin ang aspetong makatutulong sa paglago ng pananampalataya at pagbibigay parangal sa patron.
Sa buong buwan ng Mayo ay magdiriwang ng pista ang iba’t ibang parokya at kapilya sa Bohol na binubuo ng Diocese ng Tagbilaran at Talibon.