Inaanyayahan ng Divine Mercy Philippines ang mananampalataya na makiisa sa isasagawang Luzon Apostolic Congress on Mercy o LUACOM 2023.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos ng Balanga, episcopal coordinator ng Divine Mercy Philippines and Asia, isa itong pagkakataong maranasan ng mananampalataya ang habag at awa ng Panginoon.
Sinabi ng obispo na sa pamamagitan ng pagtitipon ay muling ipamamalas ng tao ang dakilang pag-ibig ng Diyos, lalo na ang liwanag ng muling pagkabuhay ni Hesus.
“We, Filipinos have this very beautiful and realistic proverb. It is ‘Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.’ We are really maawain at mapangkawanggawa. With this Luzon Apostolic Congress on Mercy, we relive, commit and share God’s divine mercy to others,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Isasagawa ang LUACOM 2023 sa April 20 at 21 sa Malolos Convention Center sa Bulacan sa pangunguna ng Diocese of Malolos.
Apela ni Bishop Santos sa mamamayan na makiisa sa pananalangin para sa ikatatagumpay ng pagtitipon at mabanaagan ng tao ang awa ng Panginoon.
“I invite you to pray with us and join us on those memorable and holy days. Together, we think of mercy, we speak mercy and we do mercy,” ani Bishop Santos.
Bukod kay Bishop Santos, dadalo rin sa pagtitipon sina Malolos Bishop Dennis Villarojo, Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula gayundin si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown.
Matatandaang nagtalaga ang Santo Papa Francisco ng missionaries of mercy sa Pilipinas upang maging katuwang sa pagpapalaganap ng habag at awa ng Panginoon lalo na sa paggawad ng sakramento ng pagbabalik loob.
Mahigit sampung pari sa bansa ang binigyang special authority ng simbahan sa paggawad ng kapatawaran sa mga kasalanang bukod tanging Vatican ang may kakayahan tulad ng pagbabanta sa buhay ng Santo Papa at ang paglabag ng mga pari sa seal of confession.
May kapangyarihan din ang missionaries of mercy na magpatawad sa nagagawa ng aborsyon kung saan ang karapatan sa paggawad ng kapatawaran ay inilaan lamang sa mga obispo.
Sa Linggo, April 16, ay ipagdiriwang ng Simbahan ang kapistahan ng Divine Mercy.