Homiliya Para sa Paskong Hatinggabi, Ika-25 ng Disyembre 2023, Luk 2:1-14
Noong nakaraang taon, nasabi ko sa inyo na kung nakinig kayong mabuti sa kuwento ni San Lukas, ang unang dapat itanong ninyo ay kung bakit ayon sa kanya, “may mga pastol na nasa parang, nagpupuyat sa pagbabantay sa kanilang mga tupa.”
Hindi kasi normal sa mga pastol ang magbantay ng kanilang mga tupa kapag gabi. Sa araw sila nagpapastol; at pagkagat ng dilim, inuuwi na nila ang mga tupa, binibilang pa nga habang pumapasok sa mga kuwadra sa loob ng mga kuweba. Pag may kulang hahanapin niya.
Pero may panahon pala na kailangan talagang magpuyat ang mga pastol sa pagbabantay sa gabi, katulad ng binasa natin sa kuwento ni San Lukas—at iyun ay kapag panahon ng panganganak ng mga buntis na tupa.
Alam ng mga pastol na kapag hindi sila naglamay sa paglabas ng mga batang tupa (sa Kastila, “cordero”), delikadong maaksidente ang mga ito. Pwede silang maipit o mapisa at mamatay. Pwedeng matapakan o ma-stampede ng ibang mga tupa sa kwadra ang mga isisilang na bisero kapag hindi ibinukod ng pastol ang mga buntis. At kahit hindi mamatay ang mga ito, kapag nasugatan o napilayan, hindi na pwedeng ialay ito sa templo bilang sakripisyo.
Sa panahon ng panganganak ng mga buntis na tupa, ang pastol mismo ang nagsisilbing parang komadrona. Hinihintay niyang lumabas ang bawat kordero. Nililinis ang bawat isa at binabalutan ng lampin na parang bata, at inihihiga muna sa sabsaban na may dayami para hayaan muna itong makabawi. Para kapag ready nang pakawalan mas malakas na at mas matatag na ang tayo at lakad nito.
Nag-viral sa social media kamakailan si Fr. Ponpon Vasquez, parish priest ng OLGP dahil nagpaanak siya ng buntis na tupa pero hindi ang anak kundi ang nanay ang nadisgrasya at namatay. Kaya napilitan siyang alagaan ang kawawang batang tupa na kulay itim (black sheep) pa mandin at pinangalanan niyang “Jero.” Naging pet siya ngayon ng pari at pinatutulog sa kuwarto at balita ko’y dina-diaper niya para hindi pumanghi ang kuwarto. Sabi ng mga parishioners: “Si Fr. Ponpon ay nag-ampon ng anak ng tupa.” Ngayon sunod nang sunod kay Fr. Ponpon, akala siguro ang pari ang nanay niya.
Hindi lang pala si Mama Mary ang nanganganak nang paskong gabing iyon. Ayon kay San Lukas, sinabihan daw ng anghel ang mga pastol na ito daw ang palatandaan: matatagpuan daw nila ang isang sanggol na nakabalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban. Kasi ang inaasahan nilang makita sa kuwebang silungan ng mga pinapastulan ay mga bagong silang na kordero na binalutan ng lampin at inihiga sa sabsaban. Bakit ito palatandaan? Palatandaan ng ano?
Ang kuwentong Pasko ni San Lukas ay napakamatalinghaga ang dating. Ang mahalaga ay ang mensaheng ibig niyang ipahatid sa atin. Sabi daw ng anghel, “Ako’y may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan…” Hindi lang para sa mga Hudyo, kundi “para sa lahat ng tao.”
Ang bagong silang na Tagapagligtas ay magpapastol, hindi lang sa Israel kundi sa buong sanlibutan. Siya ang mabuting pastol na mag-iingat sa mga maliliit. Kaya nasa piling siya ng mga maliliit, mahihina at bagong silang na kordero, at tulad nila, nakabalot din ng lampin.
Palatandaan ito dahil gayundin ang magiging kapalaran niya: ang maging korderong sakripisyo para sa katubusan ng mga makasalanan.
Pagdating sa kuwadra, nakita daw ng mga pastol ang malaking pulutong ng mga anghel. Kung ako si San Lukas, kumbaga sa pancit luglog ng Kapampangan, dadagdagan ko pa ng kaunting palabok ang kuwento para mas malasa.
Sabi ni San Lukas, lumitaw daw ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Di ba ganoon din ang lumitaw sa panaginip ni Jacob sa Genesis 28? Dalawang linya ang inaawit ng mga anghel: ang una ay ang awit ng hukbo ng mga anghel na nakatingala at paakyat: “Papuri sa Diyos sa kaitaasan.” At ang ikalawa ay ang awit ng mga nakatingin pababa: “At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.”
Inaawitan nila ang Diyos ng langit sa kaitaasan, at ang Anak ng Diyos na bumaba sa lupa at isinilang bilang tao upang ipahayag ang mabuting balita: na kinalulugdan ng Diyos ang tao. Siya ang Anak ng Diyos na ngayo’y naging anak ng tao, nakahiga sa sabsaban at nakabalot ng lampin na parang korderong isasakripisyo upang matupad ang kanyang misyon. Wala siyang ibang misyon kundi ang maging hagdan na tagapag-ugnay ng langit at lupa, daan sa pagitan ng Diyos at sangkatauhan na dating pinaghiwalay ng kasalanan.
Siya ang tutupad sa misyon ng Israel—ang bayang tinawag ng Diyos upang maging tagapamagitan ng tipan, maging tagapag-ugnay. Kaya ang unang awit-pasko ay hindi ang kanta ni Josemari Chan, kundi ang awit ng mga anghel: ang GLORIA IN EXCELSIS DEO. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay mararanasan ng buong daigdig—ang mabuting balita ay hindi lang para sa mga Hudyo o mga Kristiyano kundi para sa lahat, anumang lahi, kulay o wika. Ang hinahanap ng Diyos at ibig gawing tahanan ay kapayapaan at kabutihan ng kalooban. Ito ang matabang lupa para sa binhi ng bagong sanlibutan.
Luwagan ang tolda, sigaw ni Papa Francisco para sa pagtataguyod ng simbahang sinodal. Luwag-luwagan ang pag-iisip, lawakan ang pananaw, huwag magsasara ng pinto sa Sagrada Pamilya. Huwag itataboy ang Diyos na dumarating sa ating piling bilang dukha, gutom, uhaw, maysakit, o naghahanap ng masisilungan. Huwag palalampasin ang pagkakataong magpatulóy sa Diyos na nakikipanuluyan sa atin. Kapayapaan lang ang hanap niya at mabuting kalooban.
Mahirap magbukas ang mga taong masama ang loob, nagkikimkim ng galit at hinanakit.
Magiging masikip ang bahay at buhay niya di lang para sa iba kundi maging para sa sarili. Kawawa ang mga taong nagsasara ng isip, nagtitikom ng palad, nagtataboy at nanlalait sa maliliit. Kawawa ang mayaman pero maramot, ang marangyang buhay na walang kasama at walang kasalo sa mesa. Hindi langit kundi impyerno ang masikip na pag-iisip.
Luwagan ang tolda, bigyang puwang kahit hindi kaugali, kaisip, o kauri. Lahat tayo ay tinawag sa maluwag niyang tahanan. Sabi nga niya nang bago siya lumisan, “Sa bahay ng aking ama, maraming silid, maluwag, may lugar para sa lahat.” Siya ang gagabay sa atin patungo sa Belen kung handa tayong makisama sa mga abang pastol, kung handa tayong makipanirahan sa mga hayop, kung handa tayong tumingala sa langit kasama ang mga pantas, upang masundan ang mga yapak ng ating Mesiyas, ang nag-iisang Star of Bethlehem, ang daan, katotohanan at buhay.
Maligayang Pasko sa inyong lahat.