HomeCommentaryPagmamalaki

Pagmamalaki

Walang may karapatang magmalaki dito sa mundo kundi ang mga maliliit na walang ipinagmamalaki kundi ang Diyos na nagpalaki sa kanila sa kabila ng kanilang kaliitan

Homiliya para sa Pampitong na Araw ng Simbang Gabi, Huwebes ng Pang-apat na Linggo ng Adbiyento, Ika-22 ng Disyembre 2022, Luk 1:46-50

MAPAGMALAKI ang tawag natin sa mayayabang. In general, negative ang meaning nito. Pero pwede rin bang maging positive? Oo. At sa araw na ito, para makuha natin ang positive meaning ng PAGMAMALAKI, ito ang gagamitin kong translation para sa salitang Latin na “MAGNIFICAT” na naugnay sa sikat na awit ni Mama Mary na siyang binasa natin ngayon sa ebanghelyo. Kaya ang title ng homily na ito ay “ANG PAGMAMALAKI NI MARIA.”

Sa Unang Sulat niya sa mga Taga-Corinto 1:31, sinabi ni San Pablo: “Ang sinumang ibig magmalaki ay walang dapat ipagmalaki kundi ang gawain ng Diyos.” At ito nga ang lumabas sa bibig ni Maria matapos na ipagmalaki siya ni Elisabet, “Mapalad ka sa babaeng lahat, at mapalad rin ang ibubunga ng iyong sinapupunan.” At ang sagot dito ni Maria ay ang Magnificat. Ang punto niya ay simple lamang, “Ate Beth, hindi ako kundi ang Diyos ang dapat ipagmalaki.”

Ang kuwento ni Elisabet na narinig natin sa nagdaang mga araw ay parang pag-uulit ng kuwento ni Anna na narinig natin sa ating unang pagbasa sa Unang Aklat ni Samuel. Si Anna ay ang nanay ni Samuel, ang propetang tinawag mula sa pagkabata. Dating baog si Anna kaya humiling siya ng anak sa Diyos at nangakong kung pagkakalooban siya ng Diyos ng anak na lalaki, iaalay niya ito para maging tagapaglingkod ng pari sa templo. Sayang at pinutol ang kuwento. Kung tinuloy-tuloy hanggang chapter 2, narinig sana natin ang original na Magnificat ng Old Testament — ang Awit ni Anna.



Alam ninyong mahilig akong manghiram ng mga linya mula sa mga tula at lyrics ng mga kanta. Ganyan din si San Lukas; obvious na ang kanta ni Anna ang pinagkuhanan niya ng inspirasyon para sa Magnificat ni Maria. Sa totoo lang, si Elisabet ang ine-expect ko na aawit nito. May hinala ako na binago ni San Lukas ang balangkas ng komposisyon niya. Kasi sa pagtatagpo ng magpinsan, ang inaasahan kong magsasabing “Mapalad ka sa babaeng lahat at mapalad din ang ibubunga ng iyong sinapupunan” ay si Maria kay Elisabet. Kung paanong si Anna ang naging ina ng dakilang propetang si Samuel, gayundin si Elisabet ay magiging ina ng dakilang propetang si Juan Bautista.

Ibinigay pa nga ng anghel kay Maria bilang tanda ang balita tungkol sa pagbubuntis ni Elisabet. Tanda na totoo ang kanyang ipinahahayag kay Maria. Pero binigyan ng “twist” ni San Lukas ang kuwento. Hindi niya pinagbigyan ang mambabasa sa ine-expect niya. Ang twist na gagawin niya ay ito: Ang nagdadala ng sorpresa ang siyang masosorpresa. Si Maria ang may alam sa pagbubuntis na itinago ni Elisabet, kaya dapat si Elisabet ang masosorpresa sa pagdalaw ng pinsan niya. Pero baligtad ang mangyayari: si Maria ang masosorpresa; uunahan siya ni Elisabet. “Mapalad ka…at mapalad ang ibubunga ng sinapupunan mo.” Ibig sabihin alam rin ni Elisabet na nagdadalantao si Maria. Hindi niya ito nalaman sa pamamagitan ng anghel, kundi sa pamamagitan ng sanggol sa tiyan niya na “naglulundag” daw sa tuwa. Dahil napuspos ang nanay niya ng Espiritu Santo siguro naramdaman din niya ang presensya ng Mesiyas sa tiyan ni Maria.

Ang Magnificat ni Maria ay awit ng sangkatauhan at sa pangarap ng Diyos para sa sanlibutan. Isang rebolusyonaryong awit tungkol sa Diyos na patas at makatarungan. Kumbaga sa mga sinaunang tindero ng bigas na tinatakal sa salop, pinupuno ang salop, kinakalos ang labis dinadagdagan pag kulang. Pakinggan ang pagkakahawig nito sa Magnificat ni Anna na dapat sana ay kasunod ng ating first reading.

- Newsletter -

Sa Unang Samuel 2:1-10, inawit ni Anna: “Nagagalak ako sa Panginoon! Dahil sa kanyang ginawa, hindi na ako mapapahiya. Tinatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway. Nagagalak ako sa pagliligtas niya sa akin. Walang ibang banal maliban sa Panginoon. Wala siyang katulad. Walang Bato na kanlungan tulad ng ating Diyos. Walang sinumang makapagyayabang dahil alam ng Panginoong Diyos ang lahat ng bagay, at hinahatulan niya ang mga gawa ng tao. Ibinabagsak niya ang mga makapangyarihan, ngunit pinalalakas ang mga mahihina. Ang mayayaman noon ay maghahanap-buhay ngayon para may makain. Ngunit ang mahihirap noon ay sagana na ngayon … Ang Panginoon ang nagpapadukha at nagpapayaman. Itinataas niya ang iba at ang iba naman ay kanyang ibinababa. Ibinabangon niya ang mga mahihirap sa kanilang kahirapan. Pinauupo niya sila kasama ng mga maharlika at pinararangalan …. Walang sinumang magtatagumpay sa pamamagitan ng sarili niyang kalakasan … Dahil sa kanya, magiging makapangyarihan at laging magtatagumpay ang kanyang hinirang.”

Tulad ni Anna, walang ipinagmamalaki si Maria kundi ang Diyos, katulad ng binanggit natin sa simula na kay San Pablo naman nanggaling, “Ang sino mang magmamalaki ay walang dapat ipagmalaki kundi ang gawain ng Diyos.”

Actually, conclusion na iyon ng awit ni San Pablo na parang Magnificat din ang dating: Bago ang linyang iyon, sa verses 27-28 ng 1 Cor 1, sinasabi niya: “… pinili ng Diyos ang mga itinuturing ng mundo na mangmang upang hiyain ang marurunong. Pinili ng Diyos ang mga itinuturing ng mundo na mahihina upang hiyain ang malalakas. At pinili ng Diyos ang mga itinuturing ng mundo na mababa at walang halaga upang mapawalang-halaga ang itinuturing ng mundo na mahalaga.”

Ipinagmamalaki rin niya ang Diyos na pumili sa kanya sa kabila ng kanyang kaliitan at pagiging di-karapat-dapat. Ito ang punto. Walang may karapatang magmalaki dito sa mundo kundi ang mga maliliit na walang ipinagmamalaki kundi ang Diyos na nagpalaki sa kanila sa kabila ng kanilang kaliitan.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest