Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang banal na Misa at pagbabasbas sa bagong Our Lady of the Most Holy Rosary Chapel sa SM Makati.
Kabilang ito sa mga bagong mission stations na layunin ni Cardinal Advincula upang mas palawakin at ipalaganap ang salita ng Diyos sa mas maraming mananampalataya.
“A mission station is a church closer to the people, not just in terms of physical space, but more so in the lived place,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Si Fr. Reginald Malicdem ang hinirang na chaplain ng SM Makati upang magsilbing gabay ng mga kawani, gayundin ang mga bumibisita at bumibili sa mall.
Nagagalak at nagpapasalamat naman si Fr. Malicdem sa natanggap na biyayang pamunuan ang bagong mission station na bagamat panibagong pagsubok ay naniniwalang mapapawi ang mga pangamba dahil sa tulong at gabay ng Mahal na Birheng Maria.
“Tuwang tuwa ako at sa isang banda ‘yung challenge din katulad ng sinabi ni [Cardinal Advincula] kanina na parang hindi madaling magbuo, magsimula, pero ipinagkatiwala ito sa akin. Kaya sa tulong ng Diyos at ni Mama Mary ay pagtutulong-tulungan ng community na mabuo itong simula ng chapel na ito.” pahayag ni Fr. Malicdem sa panayam ng Radio Veritas.
Si Fr. Malicdem ang dating rektor ng Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral sa Intramuros.
Samantala, pinasinayaan din sa pagtitipon ang unveiling ng marker bilang patunay ng patatalaga sa bagong chapel, at ang paglagda sa kasunduan sa pagitan ng Archdiocese of Manila at SM Investments Corporation sa pangunguna nina Ms. Tessie Sy-Coson at Mr. Herbert Sy.
Dumalo rin sa banal na pagdiriwang ang ilang mga pari at diyakono ng Archdiocese of Manila, at mga kawani ng mall.