Tiniyak ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang suporta para sa muling pagbubukas ng Commission on Elections (COMELEC) ng voters registration sa susunod na linggo.
“Ang PPCRV ay nakikiisa sa pagbubukas muli ng voters registration campaign natin,” bahagi ng pahayag ni PPCRV national coordinator Arwin Serrano sa Radio Veritas 846.
Ang voters registration ay magsisimula sa ika-siyam ng Disyembre hanggang sa ika-31 ng Enero 2023.
Pangungunahan ng PPCRV ang pagpapalaganap ng impormasyon at pagkumbinsi sa mga hindi pa rehistradong botante na samantalahin ang voters registration ng COMELEC.
Pinuri rin ni Serrano ang inisyatibo ng COMELEC na higit na mahikayat ang mamamayan na magparehistro sa pamamagitan ng Registration Anywhere Project.
Sa pamamagitan ng Registration Anywhere Project maaaring magpatala ang mga hindi pa rehistradong botante sa limang NCR malls ng Robinsons maging sa araw ng Sabado o Linggo mula ika-10 ng Disyembre hanggang ika-29 ng Enero 2023.
Sa muling pagbubukas ng voters registration ay inaasahan ng COMELEC na aabot sa limang milyon ang mga bagong botante na makapagpapatala.
Bagamat tutol ang iba’t ibang sektor ng lipunan, maging ang Simbahan sa pangunguna ng Caritas Philippines sa muling pagsuspendi sa halalang pambarangay, naniniwala naman ang Simbahan na mahalaga ang aktibong pakikisangkot ng bawat mamamayan sa kabuuang proseso ng halalan.