HomeCommentaryBagong taon ng Simbahan

Bagong taon ng Simbahan

Kay ganda ng mundo na wala nang digmaan at war games o pagsasanay sa digmaan. Ito ang hinahangad nating mundo.

Happy New Year sa inyong lahat! Bagong taon na ngayon ng Simbahan. Ito ang unang Linggo ng Adbiento. Ang ibig sabihin ng salitang Advent o Adbiento ay Pagdating. Inaasahan natin ang pagdating. Oo, ang pagdating ng Pasko.

Apat na Linggo na lang Pasko na. Pero hindi lang pasko ang inaantay at inaabangan natin. Inaantay, inaabangan at pinananabikan natin ang muling pagdating ni Jesukristo. Dumating siya sa unang pasko sa anyo ng mahinang baby. Darating muli sila sa anyo ng makapangyarihan at makatarungang hari at hukom.

Ilan lang ang nakakita at nakakilala sa kanya sa Bethlehem. Pero ang kanyang muling pagdating ay magiging lantad sa lahat. Sinimulan ng anak ng Diyos ang kanyang gawaing magligtas noong siya ay isinilang. Kaya siya ay binigyan ng pangalang Jesus na ang kahulugan ay ang Diyos na magliligtas. Tatapusin at gagawing ganap ng Muling Nabuhay na Jesus ang gawain ng pagliligtas sa kanyang muling pagdating. Lubos nang matatalo ang kasamaan at kamatayan. Kaya mga kapatid, dapat nating abangan ito.



Kaya ang focus natin sa panahon ng Advent ay hindi lang ang pasko. Kasama dapat sa focus natin ang muling pagdating niya. Mas ito ang paghahandaan natin.

Pero inaabangan ba natin ang muling pagdating ni Jesus? Kung sa totoo lang – hindi! Kinatatakutan pa nga natin at sa loob-loob natin, sinasabi natin – huwag muna ngayon. Bakit? Bigla kasi ang pagdating ni Jesus at ayaw natin na mabigla. Mabuti pa ang pasko ay mabibilang natin – 28 days na lang Pasko na. Maka-calculate natin at matatantya natin ito. Pero itong muling pagdating ay hindi natin alam kung kailan.

Kaya ang babala ni Jesus sa ating ebanghelyo ay maingat kayo baka kayo mabigla tulad nang ang mga tao ay nabigla pagdating ng malaking baha noong panahon ni Noe. Patuloy sila sa kanilang pangkaraniwang buhay – nagtitinda, naglalaba, nagsasaka, nagtatayo ng bahay at hindi nila alam na babahain na pala silang lahat.

Ganoon kabigla iyan, tulad din na ganoon kabigla ang kamatayan para sa marami. Kasama mo lang sa trabaho at sa sumunod na araw patay na. Kasama lang sa bahay at sa pagtulog at hindi na nagising. Hindi natin hawak ang buhay natin at ang buhay ng sinumang mahal natin.

- Newsletter -

At aminin natin na mas malapit na bawat araw ang pagdating ni Jesus, tulad ng araw-araw nalalapit na ang ating kamatayan. Kaya huwag na tayong magpabaya. Gumising na. Maging listo na para sa kabutihan. Gusto man natin o hindi, talagang darating ang araw na iyan sa bawat isa sa atin. Pero huwag tayong matakot kasi darating siya bilang manliligtas.

Ang natatakot ay ang gumagawa ng masama o ang nagpapabaya at walang ginagawa. Katulad din yan ng pagdating ng pulis. Kung gumagawa ka ng masama, tulad ng nagnanakaw o nagdrodroga, matatakot ka sa pagdating ng pulis. Mahuhuli ka at mapaparusahan. Pero kung ikaw ay inaapi o pinagsasamantalahan, matutuwa ka at inaasahan mong dumating na agad ang pulis kasi ililigtas ka niya.

Kaya ang tingin natin sa pagdating muli ni Jesus ay nagdedepende sa takbo ng buhay natin ngayon. Kung pa-enjoy enjoy lang tayo sa mga makamundong bagay, ayaw natin na dumating na agad siya. Mawawala na ang mga makamundo at makalamang mga bagay na hawak natin – tulad ng ating pera, ng ating kaaliwan, at ng ating makamundong kapangyarihan.

Pero kung ang pinagkakaabalahan natin ay ang paggawa ng mabuti at ang maging kalugud-lugod sa Diyos, gusto natin na dumating na ang magbibigay ng gantimpala. Kung inaayawan natin ngayon sa buhay ang masasamang kalakaran na nangyayari sa bansa tulad ng pagsasamantala sa mahihirap, tulad ng pagpapakalat ng fake news, tulad ng pandaraya, gusto natin na dumating na ang manliligtas at matigil na ang mga ito. Dumating ka na Panginoon at panibaguhin mo na kami!

Huwag nating katakutan ang muling pagdating ni Jesus. Itatayo na niya sa piling natin ang kaharian ng langit. Kaya tulad ng narinig natin kay propeta Isaias sa unang pagbasa, anyayahan natin ang bawat isa: Halina kayo, pumunta na tayo sa bundok ng Panginoon. Tuturuan niya tayo ng kanyang mga aral at lalakad tayo sa kanyang daan, ang daan ng kaligtasan at kaganapan ng buhay. Sa pagdating ni Jesus, darating siya bilang dakilang hukom at siya na ang magpapalakad sa mundo. Babaguhin niya ang lahat.

Ngayon nababalitaan natin ang nangyayari sa Ukraine. Ang daming armas na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong dolyar ang pinapadala sa Ukraine ng America, ng UK, ng France, ng Germany. Ang dami ring mga bomba ang pinapalipad ng Russia at ng Iran sa Ukraine, na ang bawat isa noon ay nagkakahalaga ng ilang milyong dolyar. Ang daming pera ang nagugugol sa digmaan hindi lang sa Ukraine pero sa buong mundo. Ang daming kaalaman at technology ang ginagamit para gumawa ng mga sandata para lalong mabisa na pumatay at masira ng kaaway. Nagbabanta pa nga ng paggamit ng nuclear weapons. Mababang uri pa lang ang atomic bomb na ginamit sa Nagasaki noong 1945 at higit na 74,000 ang direktang napatay ng isang bomba lang, hindi pa dito nabibilang ang libo-libong nagkasakit ng cancer at leukemia.

Ano pa kaya ang mga nuclear bombs ngayon? Kay ganda sana ng mundo na wala nang sandata, digmaan at mga bomba. Ang pera na ginagamit sa paggawa ng mga bomba at mga baril ay ginugugol sana sa pagpatayo ng hospital, ng mga paaralan at mga palengke. Gagawin ng karit ang mga tabak, sabi ni Propeta Isaias. Gumagastos ng malalaking pera sa armas ang mga bansa pero walang pera ang mundo para sugpuin ang global warming at climate change. Kung kalahati lang ng pera na para sa armas ay gamitin sa pagbigay ng clean energy, ng gamot, ng pagkain, ng binhi at gamit sa mga magsasaka, mawawala na ang kahirapan sa mundo.

Kay ganda ng mundo na wala nang digmaan at war games o pagsasanay sa digmaan. Ito ang hinahangad nating mundo. Ito ang pagdating muli ni Jesus na dapat nating pinananabikan! Halina Jesus, dumating ka na!

Homily ni Bishop Broderick Pabillo, November 27, 2022, First Sunday of Advent, Is 2:1-5; Rom 13:11-14; Mt 24:37-44

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest