Nagreklamo si propeta Habakuk sa ating unang pagbasa: “Panginoon, hanggang kailan ako daraing sa iyo at hindi mo ako diringgin?” Ano ang daing niya? “Hanggang kailan mo babayaang mamayani ang karahasan?”
Ang reklamo ni Habakuk ay siya ring madalas na reklamo natin. Bakit ba patuloy ang kasamaan? Hanggang kailan magtatagumpay ang masasamang tao? Ito ay reklamo natin kasi napapansin natin na mas umuunlad yata ang mga taong corrupt. Ang mga nagpapatuloy ng fake news ay may mararaming mga “likes” at pinaniniwalaan pa. Wala namang masamang nangyayari sa mga walang pakialam sa Diyos at sa kapwa. Malulusog pa nga sila at parang umaasenso pa. Nasaan ang katarungan, O Diyos?
Ang sagot ng Diyos kay Habakuk ay siyang sagot niya sa atin. “Ang hambog ay mabibigo sa kanyang kasamaan, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa kanyang pananalig. Itaga mo ito sa bato. Maaaring ito ay magtatagal pero tiyak na magaganap ito.” Kaya patuloy tayong manalig kahit na wala pa tayong nakikita. Maaasahan ang Diyos. Hindi siya pabaya.
Sa ganitong pangyayari sa ating buhay na para bang patuloy pa ang paglago ng mga masasama, at parang walang napapala ang ating pagpapakabuti, hilingin natin ang kahilingan ng mga alagad sa ating ebanghelyo: “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos.” Huwag sana tayong ma-discouraged; huwag sana tayong bumitaw sa Diyos at sa kanyang katuruan. “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig.”
Minsan, pagbaba ni Jesus sa bundok nakita niya na may pinagkakaguluhan ang mga tao at ang mga alagad niya. “Ano ang nangyayari?” Ang tanong niya. Nagsumbong ang isang lalaki. “Dinala ko po ang aking anak sa inyong mga alagad upang palayasin ang demonyo sa kanya, ngunit wala silang magawa.” “Kay hina ng inyong pananalig sa Diyos,” sabi ni Jesus. Nagmakaawa ang tatay noong ang kanyang anak ay nangisay. “Nananalig po ako, Panginoon. Dagdagan po ninyo ang aking pananalig!” Maaaring ito rin ang ating kahilingan. Nanalig po kami sa Diyos, Panginoong Jesus. Nanalig kami kaya nga kami nagsisimba, kaya nga kami nakikinig sa iyong salita, pero dagdagan pa ninyo ang aming pananalig. Nanghihina ito kapag kami ay sinusubok, kapag nababalitaan naming ang paglaganap ng kasamaan sa mundo, kapag kami ay naiinggit sa tagumpay ng masasama. Dagdagan po ninyo ang aming pananalig.
Kung nagdarasal tayo na dagdagan at palakasin ang ating pananalig, magsikap din tayo na ito ay lumakas. Ipinagdiriwang natin ngayon ang ika-apat na raang taon ng ating pananampalatayang Kristiyano dito sa Palawan. Ipinagdiriwang natin ito kasi alam natin na ito ay isang biyaya.
Ang pananalig sa Diyos ay una sa lahat isang biyaya. Kaya nga inihambing ito ni Jesus sa isang maliit na binhi. Ang binhi, kahit na maliit, ay may buhay. Ito iyong biyaya ng binhi. Pero para ito ay mabuhay, kailangan nito ng matabang lupa at ng pag-aalaga. Ganoon din ang pananampalataya. Ito ay regalo. Ibinigay ito sa atin noong tayo ay baby pa. Hindi man natin hiningi pero ginawa na tayong mga anak ng Diyos, naging kapatid na natin si Jesus at naging templo na tayo ng Espiritu Santo.
Pero itong maliit na binhi ng pananampalataya ay dapat alagaan. Kaya sinisigurado ng simbahan na ang mga sanggol na bibinyagan ay may mga magulang at mga ninong at ninang na magpapalago sa pananampalataya na binigay sa mga bata. Ngayong tayo ay malaki na, patuloy din tayong nagsisikap na palaguin ang ating panananalig sa Diyos, kasi hindi nagtatapos ang paglalim ng pananampalataya.
Paano natin inaalagaan ang pananampalataya? Maging masigasig tayo sa tungkuling tinanggap natin, sabi ni San Pablo kay Timoteo. Iyan ay tungkuling makinig sa Salita ng Diyos, tungkuling sumamba sa Diyos tuwing Linggo, tungkuling mahalin ang Diyos at ang ating kapwa. Tanggapin natin ang ating sarili na mga abang alipin ng Diyos. Tagasunod tayo ng Diyos. Hindi tayo ang bida o ang masusunod. Abang alipin lang tayo na gumagawa ng ipinagagawa ng ating Panginoon.
Sa talinhaga ni Jesus, ang alipin ay hindi nagrereklamo kapag siya ay inuutusan. Hindi niya dinadahilan: “Buong araw na nga akong nag-araro sa bukid, pagod na nga ako at ipagluluto ko pa siya ng pagkain.”
Nakokontento tayo na tayo ay inuutusan, na tayo ay pinapagawa kasi alipin lang naman tayo. Mas lalong hindi tayo maghihinanakit bilang alipin kasi ang ating amo ay ang Diyos na ubod ng kabutihan at pagmamahal. Nilikha niya tayo, ibinigay niya ang kanyang Anak para sa atin upang ibigay sa atin ang buhay na walang hanggan. Ibinigay ni Jesus ang kanyang katawan upang maging pagkain natin sa ating paglalakbay papunta sa Ama. Ang nag-uutos sa atin ay hindi isang walang pusong Amo, kundi ang Panginoon na puno ng habag. Inuutusan niya tayo hindi dahil sa siya ay tamad o dahil lang sa capricho niya, kundi dahil sa mahal niya tayo. Hindi niya kailangan ang ipinagagawa sa atin. Kailangan natin ito para sa ating ikabubuti. Mabuti sa atin na tayo ay magsimba, mabuti sa atin na tayo ay magdasal, mabuti sa atin na umiwas tayo sa bisyo, mabuti sa atin na maging responsableng magulang o anak. Isa-isahin natin ang mga gawain at mga turo sa atin ng simbahan. Iyan ay mabuti sa atin. Pati nga ang pagbabalik-handog ay mabuti sa atin. Mas nagiging generous tayo, mas nagbibigay ng panahon sa Diyos, mas nadedevelop ang ating mga talents. Sa ating pagbibigay sa balik-handog mas lumalalim ang ating pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Iniiwasan natin ang pagiging makasarili.
Mga kapatid, manalig tayo sa ipinagagawa ng Diyos sa atin. Mabuti iyan sa atin.
Mahalaga na mayroon tayong malalim na pananalig sa Diyos. Hindi tayo matitinag sa mga kasamaan na nangyayari sa atin kasi alam natin na hindi tayo pababayaan ng Diyos. Ang pananalig sa Diyos ay hindi lang paniniwala na mayroong Diyos. Pati na si Satanas ay naniniwala na mayroong Diyos at nanginginig pa nga siya sa harap ng Diyos. Ang pananalig sa Diyos ay ang pananalig na ang Diyos na makapangyarihan sa lahat ay nagmamahal sa atin. Ganoon niya tayo kamahal na itinaya na niya si Jesus para sa atin. Kaya anuman ang nangyayari o mangyayari sa ating buhay, kumakapit tayo sa kanya na nagmamahal sa atin.
Kung gusto natin na dagdagan ang ating pananalig, sikapin din natin na palaguin ito. At ang pananalig ay lumalago sa ating pagsisikap sa sumunod sa mga utos niya. Sumusunod tayo sa kanya bilang mga abang alipin na ginagawa ang anumang ipagagawa niya, kasi anuman ito, ito ay para sa ikabubuti natin. Sa paggawa ng mga utos ng Diyos nakikihati na tayo sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita. Mga kapatid, binibigyan tayo ng pagkakataon, ng privilege, na hindi lang makibahagi sa tagumpay ni Jesus kundi maghirap din na kasama niya. Para naman iyan sa kaligtasan.
Homily ni Bishop Broderick Pabillo ng Taytay, Palawan, para sa October 2, 2022, 27th Sunday in Ordinary Time Cycle C; Hak 1:2-3; 2:2-4; 2 Tim 1:6-8.13-14; Lk 17:5-10