HomeCommentaryAng habag ng Diyos

Ang habag ng Diyos

Huwag po tayong magbigay ng dahilan na hindi na ako karapat-dapat sa Diyos. Kahit gaano tayo kasama, tinatanggap tayo ng Diyos.

Marami sa atin ay nagkakaroon ng paningin sa Diyos galing sa mga Greek at Roman philosophers at kahit na sa mga “rationalist philosophers of enlightenment.” Ang tingin natin sa Diyos ay siya ay perfect. Dahil sa siya ay perfect hindi siya nagbabago. Nakikita niya ang lahat ng kasalanan natin at ito ay kanyang pinaparusahan. Kaya tayong nagsisikap na lumapit sa kanya ay dapat walang kasalanan. Ang ganitong pananaw sa Diyos ay hindi naaayon sa Biblia.

Sa ating unang pagbasa, habang si Moises ay nasa bundok ng Sinai na tumatanggap ng batas ng Diyos, ang mga tao sa pangunguna ni Aaron ay tumalikod na sa Diyos. Gumawa sila ng gintong guya at sinabi nila sa mga Israelita na ito ang Diyos na nagligtas sa kanila sa Ehipto. Ang unang utos ng Diyos ay huwag silang sumamba sa mga larawan ng mga hayop at ngayon, sinuway na nila ito. Galit na galit ang Diyos kaya pinababa na niya si Moises at lilipulin niya ang mga tao. Talagang matitigas ang ulo ng mga taong ito kaya gagawa na lang siya ng bagong bayan mula sa lahi ni Moises.

Pinakiusapan siya ni Moises. Pinaalaala niya sa Diyos ang kanyang pangako sa kanilang mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob na gagawa ng isang dakilang lahi mula sa kanila. At napakiusapan naman si Yahweh. Hindi na niya nilipol ang bayan. Nagbabago ang Diyos dahil sa kanyang habag. Hindi nga itinuloy ng Panginoon ang balak na paglipol sa mga Israelita. Hindi parusa ang umiral kundi habag.



Iyan din ang karanasan ni Pablo. Siya ay taga-usig kay Kristo sa kanyang pagpapakulong sa mga Kristiyano. Kahit na ganito ang kanyang nakaraan, pinatawad siya ng Diyos at pinagkatiwalaan pa siya ng misyon na maging tagapagpahayag ng pagpapatawad ng Diyos. Ito ay naranasan niya mismo. Nagbabago ang Diyos sa kanyang pakikitungo sa atin.

Tama ang sinulat ni San Pablo: Narito ang isang katotohanang dapat tanggapi’t paniwalaan ng lahat: Si Kristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. Hindi ito naiintindihan ng mga Pariseo at Escriba, mga taong dapat alam ang Banal na kasulatan.

Binigay ni Jesus ang tatlong talinhaga sa ating ebanghelyo – ang nawawalang tupa, ang nawawalang salaping pilak, at ang nawawalang anak. Sa tatlong talinhagang ito ipinapakita ang pagmamalasakit na hanapin ang nawawala. Iniwan ang siyamnapu’t siyam na tupa upang hanapin ang isang nawawala. Nagwalis nang masinsinan sa bahay upang matagpuan ang nawawalang pilak. Tandaan natin na noong unang panahon, ang mga bahay ay walang sahig. Lupa ang kanilang sahig. At hindi madali magwalis sa lupa. Ang matandang tatay ay araw-araw nag-aabang sa pagbalik ng kanyang umalis na anak. At noong makita siyang dumarating, patakbo pa siyang sinalubong.

At sa tatlong talinhaga nagkaroon ng matinding kasiyahan noong matagpuan ang nawawala. Talagang totoo ang sinabi ni Jesus na magkakaroon ng matinding kasiyahan sa langit sa isang makasalanan na nagbalik loob sa Diyos.

- Newsletter -

Lahat ay nakisaya, maliban sa isang self-righteous na panganay na anak. Ito ay iyong mga nagsisikap na maglingkod sa Diyos sa sarili nilang makakayanan. Nagtatrabaho siya para sa kanyang ama pero wala siyang “loving relationship” sa kanya. Ang kanyang ginagawa ay trabaho lang. Kaya kapag ito ay hindi na-recognize, nasasaktan siya. Parang hindi siya appreciated. Hindi niya nakita na dahil nasa bahay siya ng ama ang lahat nga ng sa ama ay kanya rin. Hindi niya nakita na siya ay anak at hindi lang manggagawa.

Pino-promote natin ngayon ang “spirituality of stewardship,” “stewardship of time,” “stewardship of talent” at “stewardship of treasure.” Ang pinakamahalaga dito ay ang “Stewardship of Time.”

Magbibigay tayo ng panahon para sa Diyos upang madevelop ang ating relationship sa kanya. Hindi tayo nagkakaroon ng relationship sa isang tao o sa Diyos man kung hindi tayo magbibigay ng panahon para sa kanya – na tayo ay magdasal, na tayo ay magbasa ng Biblia, na tayo ay magsisimba upang lalu siyang makilala. Nagkakaroon tayo ng relationship sa mga tao at sa Diyos na pinag-uukulan natin ng panahon.

Huwag po tayong magbigay ng dahilan na hindi na ako karapat-dapat sa Diyos. Kahit gaano tayo kasama, tinatanggap tayo ng Diyos. Ang ating nakaraan ay hindi hadlang sa pagtanggap sa atin ng Diyos. Sinabi ko kanina na hindi totoo na hindi nagbabago ang Diyos. Hindi pala eksakto ang sinabi ko. Hindi nga talaga nagbabago ang Diyos. Ang hindi nagbabago sa Diyos ay ang kanyang habag. Dahil sa kanyang habag makakalapit tayo palagi sa Diyos. Tatanggapin niya tayo.

Homiliya ni Bishop Broderick Pabillo ng Taytay, Palawan, para sa 24th Sunday, Year Cycle C,
Ex 32:7-11, 13-14 1 Tim 1:12-17 Lk 15:1-10

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest