HomeCommentaryTiwala ng katiwala

Tiwala ng katiwala

Napakahalaga ng pagkilala sa grasya ng Diyos o mga biyayang pinagkaloob na sa atin sa kasalukuyan

Pagkuhanan natin ng inspirasyon ang depinisyon ng pananampalataya sa pinaka-unang linya ng ating 2nd reading mula sa Heb 11:1, “Ang pananampalataya ay katuparan ng pinangangarap at katibayan para sa mga hindi pa nakikita.” Iuugnay natin ito sa tema ng pagiging MABUTING KATIWALA (good stewardship) na siya namang tema ng ating ebanghelyo.

Si Abraham ang ginawang huwaran ng ating second reading — dahil nagtiwala daw siya sa pangako ng Diyos — kaya iniwan niya ang bayang tinubuan at nanirahan bilang dayuhan sa ibang bayan. Nagtiwala din siya na magkakaanak pa siya sa katandaan, dahil pinangako din ito ng Diyos sa kanya. At hindi niya pinagkait na ialay ang anak niyang si Isaac, dahil din sa tiwala sa pangako ng Diyos!

Sa ebanghelyo, sabi ni Hesus, “Ikinatutuwa ng Ama na ipagkatiwala sa inyo ang kaharian.” Ibig sabihin, ang Ama ang magtatayo sa kaharian niya, hindi tayo. Pero kasama tayong magbibigay katuparan sa planong ito kung handa tayong makipagtrabaho sa kanya bilang mabuti at matapat na katiwala.”



Ito dalawang puntong ito ang pagtutuunan natin ng pagninilay: ang panampalataya bilang “katuparan ng pinangangarap” at “Katibayan para sa mga bagay na hindi pa nakikita.”

Ganyan naman talaga ang kinabukasan para sa tao, di ba? Laging nagsisimula sa isang layunin, isang pangarap. Para bang pinasisilip ng Diyos sa atin sa kasalukuyan ang hinaharap sa pamamagitan ng ating mga pangarap. Nangyayari ito lalo na sa ating pananalangin. Di ba sa ating pagdarasal, kahit mayroon tayong mga kahilingan, hinihiling pa rin natin na ang mga pangarap natin ay maayon sa kalooban niya para sa atin? Na sana’y ipaunawa niya sa atin ang plano niya para sa atin dahil nananalig tayo sa kanya. Pero kung minsan nakakalimutan natin na nananalig din siya sa atin.

Hindi naman mangyayari ang katuparan ng ating mga pangarap na para bang basta na lang mahuhulog mula sa langit. Sa Pilipino sinasabi natin, “Wala kang aanihin kung wala kang itinanim.” Ang batayan para sa aanihin natin sa hinaharap ay ang itinatanim natin sa kasalukuyan. Wala tayong aanihin bukas kapag hindi natin inalagaan ang itinanim na niya sa kasalukuyan. Kaya nga sa Ingles may salitang PONTENTIAL. Ibig sabihin, hindi pa nangyayari ngayon pero pwedeng pangyarihin.

Isipin ninyo ang maraming mga bagay na nagkatotoo na ngayong kasalukuyan pero pangarap lang ito noong nakaraan. Pag natupad, tinatawag natin ito sa Ingles na “answered prayers” or “wishes granted.” Halimbawa: pumasa sa board exam at ngayo’y isa nang duktor, o nangarap na magkabahay at ngayo’y nariyan na’t titirhan mo na. Hindi naman basta nahulog mula sa langit, di ba?

- Newsletter -

Magandang balik-tanawin ang mga pinagdaanan na humantong sa katuparan ng isang pangarap. Madalas kasi akala natin ang pagiging mabuting katiwala (o konsepto ng Stewardship) ay tungkol lamang sa mga materyal na bagay na nasa ating pangangalaga. Kasama din pala sa ang pangangalaga sa mga layunin, mga pangarap at panaginip. Mga bagay wala pa ngayon pero nasa anyo ng mga hangarin sa atin isip.

May isang kantang Espanyol na isinulat si Victor Jara na Tinagalog ng aking hipag na si Karina David at ang pamagat ay INIISIP KA. Sa una aakalain mo na isang simpleng romantikong awit ito. Hindi pala. Ang iniisip niya ay hindi lang ang minamahal kundi pati na ang mga pangarap na binubuo kasama ng kanyang minamahal. Sabi niya:

“Pag-uwi sa tahanan, iniisip ka,
at hinahabi natin ang ating mga mga panaginip
Iniisip ka, mahal, iniisip ka.
Ikaw kasama ng buhay at hinaharap,
sa matamis na sandali ng ligaya at pakikibaka,
sa simula ng kasaysayang di batid ang katapusan.”

Totoo ang sabi ni San Pablo. Ang pananampalataya ay may kinalaman hindi lang sa katuparan ng mga pinangangarap natin. May kinalaman din ito sa “katibayan para sa mga bagay na hindi pa natin nakikita sa kasalukuyan” (evidence of things not yet seen).

Maraming sa ating mga pangarap ang mananatiling hindi totoo o parang pantasya lamang kung walang batayan sa kasalukuyan. Kaya napakahalaga ng pagkilala sa grasya ng Diyos o mga biyayang pinagkaloob na sa atin sa kasalukuyan.

Hindi naman nagsisimula sa wala ang pagbubuo ng mga plano. Kahit na sinong arkitekto, aalamin muna niya ang lokasyon at sukat ng loteng pagtatayuan, ang budget ng nagpapatayo, ang mga materyales na meron na at hindi na bibilhin, bago siya guguhit ng plano. Ganyan din ang Diyos sa tuluyan niyang paglikha at pagliligtas sa daigdig at sangkatauhan. Gumagaya lang tayo sa kanya dahil ginawa niya tayong kawangis niya.

Kaya nagsisimula tayo sa kung ano ang mayroon na tayo ngayon na pwede pang pagyamanin, paunlarin at pwedeng maging daan ng mas higit pang mga posibilidad. Kaya ang mabuting katiwala ay hindi naghahanap ng wala. Kinikilala muna niya ang meron na ngayon at ipinagpapasalamat. Di ba ganoon ang ginawa ni Hesus nang pakainin ang limanglibo katao? Sa mga alagad parang imposible, kaya ang suggestion nila, pauwiin na lang ang mga tao dahil hindi naman daw sapat ang dala nilang limang tinapay at dalawang isda. Ano ang ginawa ni Hesus, kinuha niya ang meron sila, ipinagpasalamat, hinati at ibinigay. At ang sumunod na parang imposible ay naging posible, kumain ang lahat at sumobra pa.

Kaya nga di ba, may kuwento rin si Hesus tungkol sa tatlong taong pinagkatiwalaan ng iba’t-ibang sukat ng ginto? Ano ang ginawa ng pangatlo? Imbes na gamitin niya ang ginto, ibinaon daw niya at isinoli sa amo na walang labis, walang kulang. Bakit siya napagalitan kung hindi naman nawala ang ginto? Kasi pinagtiwalaan siya ng amo, pero sinira niya ang tiwalang ito. Pinangunahan siya ng takot at kawalan ng tiwala sa sarili.

Kaya siguro KATIWALA ang translation natin sa Tagalog sa salitang Ingles na stewardship. Hindi lang ito tungkol sa tiwala ng tao sa Diyos. Higit sa lahat ito’y tungkol din sa tiwala ng Diyos sa atin na makiisa sa pagtupad sa mga pangarap niya para sa atin, mga pangarap na itinatanim niya sa ating mga puso at isip.

Homiliya ni Bishop Pablo Virgilio David Para sa Ika-19 na Linggo ng Karaniwang Panahon, Ika-7 ng Agosto 2022, Lk 12:32-48

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest