HomeCommentaryAng ating panalangin

Ang ating panalangin

Sa araw na ito, pansinin, pakinggan at alagaan natin ang ating mga matatanda, ang ating mga lolo at lola

Tayong lahat na nandito na nagsisimba, lahat naman tayo ay gustong magdasal. Kaya nga tayo nandito. Hindi lang na gusto nating magdasal. Nagsisikap tayong manalangin.

Sa ating pagsisikap nararanasan natin na hindi madaling magdasal. Madalas nararamdaman natin na hindi mabisa ang ating dasal. Tinatamad din tayong magdasal. Minsan hindi natin alam ano ang dadasalin. Kaya ang kahilingan ng mga alagad kay Jesus ay siya ring kahilingan natin: “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin.”

Hiniling nila ito kasi nakikita nila si Jesus na madalas na nagdarasal, at maaaring naaakit sila sa pagdarasal ng Panginoon – taimtim siya, at nakikita sa kanyang mukha na talagang naniniwala siya at talagang nakikipag-usap sa Diyos. Hiniling nila ito kasi si Juan Bautista mismo ay tinuruan ang kanyang mga alagad na magdasal.



Hindi naman sila binigo ni Jesus. Tinuro ni Jesus kung ano ang dadasalin natin. Ibinigay niya ang dasal na tinatawag nating AMA NAMIN.

Mayroong maraming dasal at ang mga ito ay pinapalaganap pa sa internet. May nababasa tayo o may nagsasabi sa atin na ang ganitong dasal daw ay mabisa. Latin yata ito. O kaya ito ay dasal galing sa isang santo o dasal ng isang Santo Papa.

Wala nang mas magaling pang dasal kaysa ang galing kay Panginoong Jesus mismo – ang AMA NAMIN. Ituro natin ito sa mga anak natin at dasalin natin ito ng taimtim.

Naalaala ko na noong bata pa ako, may mga gabi na hindi ako makatulog o natatakot akong matulog. Nagtatalukbong lang ako ng kumot at dahan-dahan na nagdarasal ng AMA NAMIN. Ito ang nagpapahinahon sa anumang takot o kaba ko at nakakatulog agad ako.

- Newsletter -

Pero ang bisa ng dasal na AMA NAMIN ay hind lang sa formula na nito. Maganda din ang nilalaman nito. Ang lahat ng dasal natin ay dapat patterned sa OUR FATHER.

Una, hangarin natin na mangyari ang kagustuhan ng Diyos at dumating ang kanyang paghahari. Unahin natin ang concern ng Diyos. Pangalawa, humingi tayo ng ating pangangailangan araw-araw, hindi buwan-buwan o taon-taon. Humingi din tayo ng kapatawaran sa ating mga kasalanan at tayo ay makakahingi na patawarin tayo kasi tayo ay nagpapatawad din. Hingin natin na hindi tayo mahulog sa kasalanan. Simple lang ang nilalaman ng dasal na ito pero ang mga ito ay mahahalaga sa buhay natin.

Hindi lang tayo tinuruan ni Jesus kung ano ang dadasalin. Tinuruan din tayo ng attitude sa ating pagdarasal. Huwag dapat tayo magsawa sa pagdarasal. Huwag tayong tumigil magdasal kahit na parang tinanggihan tayo. Kulitin natin ang Diyos tulad nang pangungulit ng isang tao sa kanyang kapitbahay sa paghingi ng tinapay. Ang ating pangungulit sa Diyos ay tanda ng tiwala natin na ang Diyos ay ating mapagmahal na Ama. Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa atin.

Kung tayo na masasama at minsan ay matigas ang puso ay nagbibigay sa ating mga anak ng mga pangangailangan nila, ang Diyos pa kaya na butihing Ama sa langit? Hindi lang siya magbibigay ng mabubuting bagay. Ibibigay pa niya ang Espiritu Santo na siyang pinakamabuting maibibigay niya. Hindi madamot ang Diyos. Hindi siya mapagkait. Naniniwala tayo na siya ay mapagbigay.

Ito ay naranasan ni Abraham. Sa ating unang pagbasa narinig natin ang kakulitan ni Abraham. Nakipagtawaran siya sa Diyos, at ang laki ng tawad na nakuha niya – mula sa singkwenta hanggang sa sampu. Ang unang tawad niya ay kung may singkwenta bang mabubuting tao sa Sodoma, sisirain pa ba ng Diyos ang lunsod? Alang-alang sa limampu, hindi sisirain ang Sodoma, sabi ng Diyos. Ano kung kulang nang lima, kuwarenta’y singko lang? Hindi niya ito sisirain. Ano kung apatnapu lang – at patuloy siya sa pagtatawad hanggang makarating sa sampu. Palaging pinagbibigyan ng Diyos ang kahilingan niya.

Ang pagkakamali lang ni Abraham ay tumigil siya sa sampu. Siya na ang nagsawa sa katatawad. Siguro akala niya at least mayroon namang sampung mabubuting tao sa Sodoma. Mali siya. Apat lang ang mabubuting tao doon – si Lot, ang asawa niya at ang dalawang anak nila. Hindi nga naligtas ang lunsod, pinaulanan ito nang apoy, pero hindi isinama ang mababait sa pagkasira nito. Pinalikas muna sila bago bumagsak ang apoy. Hindi hahayaan ng Diyos na idadamay ang mabubuti sa pagpaparusa sa masasama. Hindi siya tulad ng isang teacher na ang buong klase ay pinalabas ng classroom at pinagtrabaho kasi maingay ang klase. Idinamay na dito ang ilang estudyante na tahimik naman.

Kung tumawad pa si Abraham hanggang sa isa, papayag ang Diyos. Kasi ganito nga ang nangyari sa atin. Dahil sa iisang mabait na tao – si Jesus, ang buong sangkatauhan ay nagkakaroon ng kaligtasan. Dahil kay Jesus ang kasalanan ng buong mundo ay pinatawad at ang parusa sa atin ay binayaran na niya. Mapagbigay ang Diyos. Huwag tayong mag-alangan na kulitin siya. Siya ay mapagbigay ng kabutihan, magtiyaga tayong humingi sa kanya. Seryosohin natin ang kanyang salita: “Humingi kayo at kayo ay bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo at ang pinto’y bubuksan para sa inyo.”

Ngayong Linggo ay ang araw para sa mga matatanda at mga lolo at lola. Itinakda ni Papa Francisco na taon-taon ang Araw ng Linggo na pinakamalapit sa July 26, ang kapistahan ni San Joaquin at Santa Ana, ang mga lolo at lola si Jesus, ay World Day of the Elderly and the Grandparents.

Sa ating panahon ngayon dumadami ang mga matatanda dahil sa humahaba ang buhay ng tao. Dala ito ng mga gamot at ng mga kaalaman natin sa medisina. Ngunit ang mas pinapansin at pinahahalagahan ng ating mundo ay ang mga kabataan – kabataang singer, kabataang artista, kabataang athlete. Sila kasi ang kumikita, sila ang napapakinabangan ng lipunan sa mga material na bagay.

Ang tingin natin sa matatanda ay laos na, wala nang maiaambag sa lipunan, pabigat na lang sa pamilya. Gastos na lang ang matatanda. Kaya marami ang tumatanda na malungkot. Iniiwan na sila ng mga anak na pinalaki nila.

Sinasabi ni Papa Francisco na mahalaga ang mga matatanda sa lipunan. Sila ang alaala natin. Dala nila ang ating kasaysayan. May tangi silang karunungan na galing sa mga karanasan sa buhay. Hindi ito makukuha sa anumang aklat o anumang research.

Mayroon silang tenderness na dala ng kanilang kahinaan. May panahon sila na mag-alaga at magkuwento. Sila din ang tagapagdasal natin kaya sila madalas ang laman ng mga simbahan natin. Sila ang ating prayer warriors. Pansinin, pakinggan at alagaan natin ang ating mga matatanda, ang ating mga lolo at lola. Ipagdasal natin sila sa ating misa ngayon.

Homiliya ni Bishop Broderick Pabillo ng Prelatura ng para sa July 24, 2022, 17th Sunday Year C

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Previous articleSearch for safe quarters
Next articleForgiveness first

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest