Nanawagan ang Commission on Youth ng Diocese of Malolos sa publiko, lalo na sa mga kabataan, na maging mapagbantay at mag-ingat sa lahat ng pagkakataon.
“Laganap pa rin po ang kasamaan at krimen kaya lagi tayo dapat mag-ingat hindi lamang ngayong may mga ganitong balita kundi lagi-lagi dapat,” ayon kay Father Alvin Pila, chairman ng Commission on Youth ng diyosesis.
Ginawa ng pari ang pahayag matapos maiulat ang pagkawala ng ilan umanong mga kabataan sa probinsya ng Bulacan at mga kalapit lugar.
“Sama-sama tayong magdasal at ingatan ang bawat isa. Maging mapagbantay at maging masunurin sa mga magulang, awtoridad at Simbahan,” ayon sa pari.
Paalala ng pari sa kabataan na tuwinang sundin ang payo at tagubilin ng mga magulang na walang ibang hangarin kundi ang kaligtasan.
“Sa mga pagkakataong ganito tayo lalo tinatawag na manampalataya,” dagdag ni Father Pila.
“Ngayon higit kailaman na pinapaalala sa atin, lalo na ng Simbahan, na bukod sa pag-iingat ng Diyos, dapat din natin ingatan ang ating mga sarili,” aniya.
Payo rin ng pari sa mga kabataan na huwag damdamin ang mga paalala ng kanilang mga magulang o ng mga nakatatanda na ang hangarin lamang ay magsilbing gabay para sa kanilang kaligtasan at matuwid na pamumuhay.
“Ang paalala ng magulang, maging ng Simbahan, ay tinig ng Diyos … wag tayo magdadamdam sa mga paalala,” aniya.
“Maraming kabataan kasi ang naiisip agad ay maglayas kapag nagtampo, pakaisipin natin ang ating kaligtasan at maraming mga taong mag-aalala sa atin,” sabi ni Father Pila sa panayam ng Veritas 846.
Una ng kumalat sa social media ang mga balita ng pagkawala umano ng ilang kabataang babae sa probinsya ng Bulacan.
Nilinaw naman ni Police Col. Charlie Cabradilla, provincial director ng pulisya, na tatlo sa apat na iniulat na nawawala ay hindi dinukot o kinidnap, sa halip ang dalawa ay umalis ng walang paalam, habang ang isa naman ang naglayas mula sa kanilang bahay. – mula sa ulat ng Radyo Veritas 846