Sa ating panahon ngayon, dahil sa mga fake news, nawawalan na ng halaga ang salita. Hindi na tayo naniniwala sa basta salita lamang. Kailangan pa natin ito i-verify. Kailangan pa natin ng ibang patotoo.
Mga kapatid, ang salita ng Diyos ay kakaiba. Hindi basta-basta nagsasalita ang Diyos. Ito ay salang-sala. Hindi nagsisinungaling ang Diyos. Siya ay totoo. Kaya ang kanyang salita ay katotohanan. At ang salita ng Diyos ay buhay at nagbibigay ng buhay. Kaya binanggit natin sa ating salmong tugunan: Your words, Lord, are Spirit and life.
Ang Diyos ay nagsasalita sa atin kasi mahal niya tayo. Hindi siya naglilihim sa atin. Kaya ang salita ng Diyos ay tanda ng kanyang pagmamahal sa atin. Nag-re-relate siya sa atin. Kaya magpasalamat tayo sa kanyang salita at magpasalamat tayo na nagsasalita siya sa atin.
Ang salita ng Diyos ay naaabot natin. Hindi ito malayo sa atin na kailangan pa natin sungkutin sa langit o kailangan pa tayong tumawid ng dagat o ng bundok para maabot. Sinabi ni Moises sa unang pagbasa natin na ito ay nasa inyong labi at nasa inyong puso.
Totoo ito kasi ang ating konsensya ay ang munting tinig ng Diyos sa ating budhi. Nalalaman natin ang pinapagawa ng Diyos at ang ayaw niya kung pakikinggan lamang natin ang ating budhi. Hindi nga naglilihim ang Diyos sa atin. Pakinggan lang natin at sundin ang ating budhi.
Ganyan ang ginawa ng Samaritano sa talinhaga ni Jesus. Masama ang tingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano. Para sa kanila hindi sila totoong tagasunod ni Moises. Mali ang kanilang paniniwala sa Diyos. Hindi tamang salita ng Diyos ang alam nila.
Pero ang Samaritano sa kwento ni Jesus ay nagpadala sa kanyang mahabaging puso. Noong makita niya ang nakahandusay at sugatan na tao sa daan, naawa siya sa kanyang kapwa tao. Hindi man niya inusisa kung sino siya, kung taga-saan siya o kung ano ang kanyang relihiyon. Nakita niya ang isang kapwa tao na nangangailangan. Agad tumigil siya sa anumang lakad niya.
Walang mas mahalaga kaysa isang kapwa tao. Kung anuman ang mayroon siya ay kanyang binigay para makatulong. Wala naman siyang kahandaan o training para magbigay ng first aid. Nilinis niya ang dugo, binuhusan ng langis at alak na dala niya. Maaaring ito ay baon niyang pagkain sa daan. Isinakay sa kanyang asno at pinaalaga sa bahay tuluyan na may pangako na hindi niya ito pababayaan. Babalikan niya at babayaran kung may gastos sa pag-aalaga sa kanya.
Ang habag sa kapwa na nasa puso niya ay kanyang isinagawa. Spontaneous ang kanyang ginawa. Hindi siya nagbasa ng Bibliya o nagkonsulta muna sa isang dalubhasa. Kakaiba siya sa mga tao na dapat alam ang batas ng Diyos kasi sila ay malapit sa templo — sa isang pari at isang sacristan.
Palagi silang nagkikinig sa salita ng Diyos na binabasa sa kanila. Palagi silang sumasamba sa Diyos sa templo. Nakita nila ang tao pero dinaanan lang. Nakita nila pero hindi sila nahabag. Nawala ang kanilang pagkatao.
Ang kwentong ito ay sagot ni Jesus sa tanong sa kanya kung anong gagawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ang sagot ay nasa Banal na Kasulatan – mahalin ang Diyos ng higit sa lahat at mahalin ang kapwa ng tulad ng sarili. Tama naman ang sagot. Walang problema ang pagmamahal sa Diyos. Isa lang ang Diyos na dapat mahalin. Pero mayroong maraming kapwa tao.
Kaya ang tanong: Sino ba ang aking kapwa? Ang tanong ay, sino ba ang aking kapwa na mamahalin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Tanong din natin iyan — ang kamag-anak ko ba? Ang kapwa kristiyano ba? Ang matuwid na tao ba?
Sa pamamagitan ng kwentong ito, nagbago ang tanong. Sino ba ang naging kapwa ng taong nabiktima ng mga tulisan? Ang sagot ay ang nahabag sa kanya. Sinasabi sa atin ni Jesus: huwag mong hanapin ang kapwa na dapat mahalin. Sa halip, maging kapwa ka sa kanino mang taong nahihirapan. Makipagkapwa ka sa kanya na makakatagpo mo sa daan na nangangailangan.
Magagawa mo lamang ito kung kumikilos ka ayon sa habag na nakatanim sa iyong puso. Ang habag na iyon ay ang salita ng Diyos na nakatanim sa ating budhi. Gawin natin ito at tayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
Committed ang Diyos sa atin na ang kanyang salita ay nasa budhi ng bawat isa sa atin. Hindi lang! Ganoon siya ka-committed sa kanyang Salita na ito ay nagkaroon ng laman. Ang Salita ng Diyos ay naging tao. Kaya nagkaroon ng mukha ang salita ng Diyos. Ito ay si Jesukristo. Siya ang mukha ng Diyos na hindi nakikita.
Kaya ang salita ng Diyos ay hindi lang nasa puso natin. Ito ay kasama na natin sa ating paglalakbay. Tinuruan niya tayo at pinakita niya sa atin kung papaano magmahal sa Diyos at sa kapwa. Ito ang ipinagdiriwang natin sa bawat Misa — ang pag-aalay ni Jesus sa Diyos Ama. Mahal niya ang Diyos Ama nang higit sa lahat, higit pa sa kanyang sariling buhay. Inialay din ni Jesus ang sarili niya para sa atin kahit na makasalanan tayo. Walang siyang pinipili kung sino ang mamahalin niya. Lahat, lalo na ang mga makasalanan, ay minamahal niya. Sa Banal na Misa walang makasasabi na hindi ako karapat-dapat mahalin ng Diyos. Ang kanyang dugo ay ibinuhos para sa lahat!
Nandito ang salita ng Diyos upang gabayan tayo sa buhay na walang hanggan. Gawin natin ito. Sa ating panahon, parang tumitigas na ang ating puso. Nawawala na ang habag. Nagiging manhid na ang ating konsensya. Nangyayari ito kasi nagiging makasarili na lang tayo. Wala na tayong pakialam sa iba, laloung-lalo na sa mga hindi natin kaano-ano.
Pinupukaw uli tayo ng salita ng Diyos na makipagkapwa sa kaninumang nangangailangan. Maglaan palagi ng kahit kaunti upang makatulong sa kapwa. Ito ang diwa ng Pondo ng Pinoy. Araw-araw nagtatabi tayo ng kahit na kaunti para sa nangangailangan upang magbigay ng puwang sa habag para sa iba. Kahit na tayo mismo ay may pangangailangan, may mga tao pang mas nangangailangan.
Matuto tayo palagi na maging open to give, bukas para magbahagi! Iyan ang patungong langit!
Homiliya ni Bishop Broderick Pabillo ng Taytay, Palawan.