HomeNewsSumunod sa ‘safety health protocols’ sa Semana Santa, paalala ng mga obispo

Sumunod sa ‘safety health protocols’ sa Semana Santa, paalala ng mga obispo

Bukod sa pananalangin na tuluyan ng mawakasan ang pandemya, mahalaga rin ang patuloy na pagsunod sa mga ipinatutupad na “safety health protocols”

Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko na sumunod sa ipinatutupad na “safety health protocols” sa paggunita ng Semana Santa sa susunod na linggo.

Bagama’t bahagyang humuhupa na ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa, hindi pa rin dapat na maging kampante ang bawat isa, ayon kay Bishop Pablo Virgilio David, presidente ng CBCP.

Aniya, bukod sa pananalangin na tuluyan ng mawakasan ang pandemya, mahalaga rin ang patuloy na pagsunod sa mga ipinatutupad na “safety health protocols.”



“Let us not let our guards down, magpatuloy pa rin tayo sa pagsunod sa health protocols para talagang masupil na natin ang pandemyang ito ng sama-sama,” ayon kay Bishop David.

“Ipagpatuloy po natin ang pagsusuot natin ng facemask, hanggat maaari pagdidistansya kung kaya para ingatan natin ang isa’t isa at magdasal tayo,” dagdag ng obispo.

Muli naman niyang ipinaalala na ang pagkakawanggawa at pagtulong sa kapwa lalo na sa mga dukha ang pinakamahalagang uri ng pagpi-penitensya na maaring gawin.

“Hanggang ngayon ay dini-discourage pa rin [ang pisikal ni penitensya],” sabi ni Bishop David.

- Newsletter -

“Maraming ibang paraan ng pagsasakripisyo o pagpi-penitensya. Pinakamahalagang uri ng pagpi-penitensya ay pagkakawanggawa, lalong-lalo na para sa mga dukha,” aniya.

Kaugnay nito, umapela ang Department of Health sa Simbahang Katolika at sa publiko na iwasan muna ang ilang mga gawain sa paggunita ng Semana Santa.

Kabilang sa mga tinukoy ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ay ang pagpapahalik sa mga imahen ng mga Santo at ang pagpapapako sa krus na maaaring magdulot ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Umaapela naman si Archbishop Jose Palma ng Cebu sa mananampalataya na gawing makabuluhan ang pagdiriwang ng Mahal na Araw sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga banal na gawain.

“I would encourage people to participate in the celebrations of the Church, especially the Paschal Triduum instead of going somewhere or to the beach,” ayon sa arsobispo.

Aniya, bagamat pagkakataon ang Holy Week na makasama ang pamilya, mas mahalagang piliin ang pagbubuklod sa pananalangin lalo’t hindi pa tuluyang nawala ang banta ng COVID-19.

Batid ni Archbishop Palma na ang pagluwag ng “quarantine restrictions” sa bansa ay tugon sa mga panalangin ng mamamayan na mapahintulutang mabuksan ang simbahan sa religious activities.

Pinayuhan ng arsobispo ang mamamayan na ituon ang sarili sa pakikibahagi sa Mahal na Araw bilang paraan ng pagpapanibago sa pananampalataya at pakikiisa sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon.

Ikinagalak ng arsobispo na muling isasagawa sa Cebu ang mga nakaugaliang tradisyon tuwing Mahal na Araw tulad ng “religious processions” na isinantabi ng dalawang taon bilang pag-iingat sa
“virus transmission.”

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest