Nagpahayag ng pagkabahala ang obispo ng Puerto Princesa sa Palawan sa planong muling ipagpatuloy ang pagmimina sa bayan ng Brooke’s Point sa nasabing isla.
Ayon kay Bishop Socrates Mesiona ang pagmimina ang dahilan kung bakit ang Palawan ngayon ay madalas nang binabaha at lubos nang naaapektuhan ng iba’t ibang kalamidad.
“Ang kagubatan ay masasakripisyo na naman ng pagmimina,” ayon sa obispo.
“Marami na namang mga puno ang puputulin at bundok na papatagin at alam naman po natin ang epekto nito sa atin,” sabi ni Bishop Mesiona.
Aniya, maliban sa mga likas na yaman, apektado rin ng pagmimina ang mga katutubo na sapilitang pinapaalis sa kanilang mga lupang ninuno para maisakatuparan ang proyekto.
“May mga katutubo na namang maisasantabi at madi-dislocate dahil marami sa kanila ang nakatira sa kabundukan,” ayon sa obispo.
Nauna nang sinabi ng mga katutubo sa Brooke’s Point na hindi sila nagbigay pahintulot sa anumang pagmimina sa kanilang lugar.
Panawagan naman ni Bishop Mesiona sa mga kinauukulan na isaalang-alang ang magiging epekto ng mga binabalak na proyekto bago ito tuluyang ipatupad.
Nakasaad sa Laudato Si ni Pope Francis na mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng komunidad upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan.