HomeCommentarySimula ng katapusan ng mga ‘troll’

Simula ng katapusan ng mga ‘troll’

Pana-panahon lang talaga. Time’s up na para sa mga troll. Bistado na ang kanilang modus operandi. Katotohanan naman.

Noong tradisyonal na pamamahayag pa ang mga namamayani ay hindi gaano kadalasan ang makatanggap ng “letter to the editor,” lalo’t mula sa malayong probinsya. Kaya agad naming ilalathala ang mga ito kung may darating man.

Sa ngayon na nagkalat na ang online news sites — nandyan pa ang FB, Twitter, Tiktok, at kung anu-ano pa — out of control na ang daloy ng “letters to the editor” o anumang komento na nagmumula sa mga mambabasa.

Ang kapansin-pansin ay sobrang matatapang, walang pakundangan, at bastos pa nga ang karamihan ng mga ito.

Wala na ring habas ang “misinformation” at “disinformation.” May kaibahan ba ang dalawa? Mayroon.




Ang una ay pagbabandera ng isang kasinungalingan o wala-sa-kontekstong kaalaman ngunit maaaring wala namang intensyon manligaw ng kaisipan. Ang pangalawa, nananadyang manipulahin ng pag-iisip ng mga tao.

Dahil napakadaling sumagot sa online platforms tulad ng FB at YouTube, tamang-tama ang klima at kondisyong ito sa “troll.” Panahon pa naman ng eleksyon. Ito ang panahong bentang-benta sa mga pulitiko ang mga troll na ang talento ay ang i-manipula ang persepsyon at opinyon ng mga tao.

Espesyalisasyon nila ang kunin ang atensyon ng mga netizen, i-maniobra ito, at lumikha ng gulo sa pamamagitan ng kanilang mga post at komento. Oras na magawa nila ito, makahihinga na sila nang maluwag, ngingiti, at magsasabing, “Mission accomplished!”

- Newsletter -

Ano nga ba ang “troll” at talaga bang matindi ang impluwensya nito?

Ang terminong “troll” ay isang katagang ginagamit sa internet na tumutukoy sa taong ang misyon ay mang-away at maminsala sa ibang netizen na hindi sumasang-ayon sa kanyang paniniwala.

Malakas makaimpluwensya ang troll dahil nakagigigil ang istilo niya ng pagkomenta, kaya kung mahina ang pangontrol mo ay papatulan mo talaga siya.

Ang hindi alam ng marami ay patibong ito. Dahil maraming usisero sa maiinit na palitan ng mga kuro-kuro, captive audience na sila sa mga argumento ng troll. Marami rin sa kanila ang nakukumbinse niya. Mabulaklak kasi magsalita ang troll. Talent niya ang manghila sa mga mambabasa palapit sa “kanyang katotohanan.”

Ngunit hindi dapat tuluyang mag-alala dahil ang kanyang katotohanan ay parang isda na madaling mabilasa. Ito ay tulad ng ibang produkto na may “expiration date” at limitado ang “shelf life.”

Tulad ng sinabi ni US President Abraham Lincoln, na nagbigay ng kalayaan sa mga alilang itim sa Amerika noong ika-19 na siglo, “you may fool all the people some of the time or fool some people all the time, but you cannot fool all the people all the time.”

Kung isasalin natin ito sa ating wika ang ibig sabihin ni Lincoln ay hindi araw-araw Pasko para sa mga manloloko. Dumarating ang punto na nagsasawa rin ang mga tao. Matatalino ang mga netizen at nahahalata nila ang mga kasinungalingan.

Ang tanong ay ganito: Mahahalata na ba ng mga disenteng netizen ang panlilinlang ng mga troll bago mag-eleksyon sa Mayo a-nuwebe? Magtatagumpay ba silang mai-rambol-rambol ang mga katotohanan sa kasaysayan ng ating bansa, lalo na ang mga pangyayari sa panahon ng Martial Law? Magtatagumpay ba silang makapagpinta ng isang larawan ng kalayaan at kasaganahan sa panahong ito noong 1970s?

Marami ang nagrereklamo sa pagpapaulan ng mga troll ng katakut-takot na “fake news” sa internet nitong nakaraang anim na taon tungkol sa anila’y tunay na mga pangyayari noong Martial Law.

Bilib rin naman ako sa resistensya ng mga ito. Kung ordinaryong tao ang gagawa nito, dapat ay humahagok na ito dahil sa pagod. O baka naman bilang na rin ang araw ng mga troll?

Kunsabagay, walang forever kung ang isang gawain ay nakaangkla sa kasinungalingan. Mahirap isustena ang isang kasinungalinga dahil mabibisto at mabibisto ka talaga. Tanungin ninyo ang mga may itinatagong kabit.

Eh kung si Joseph Goebbels nga, ang “ultimate PR man” na bata ni Adolf Hitler (siya ang nagsabing “kapag isang libong beses mo ipinahayag ang isang kasinungalingan ay nagiging totoo na ito”) ay nabisto rin kalaunan sa kanyang pagmamanipula ng katotohanan.

Nang magkabistuhan nga ng kasinungalingan ay nagsimula ang pagbulusok ng kapangyarihan ni Hitler at mga Nazi, ang pasimuno ng World War II, hanggang sumuko ang puwersa ng Alemanya noong 1945.

Tulad ng mga Nazi, maaaring mamayagpag ang mga troll sumandali o kaya ay sa matagal na panahon. Pero tulad ng puwersa ni Hitler, may katapusan ang kanilang paghahari.

Ang mamayani pa rin ay ang katotohanan, at dito ay magsisimula tayong lumaya. “You shall know the truth and the truth shall set you free,” ‘ika nga ni Hesus sa Ebanghelyo.

Pana-panahon lang talaga. Time’s up na para sa mga troll. Bistado na ang kanilang modus operandi. Katotohanan naman.

Parami na nang parami ang nagigising sa mahimbing na pagkakatulog. Tatayo sila at kukunin ang walis tinnting o anumang pambambo upang itaboy ang mga troll patungo sa mga maalamat na kweba ng Scandinavia kung saan sila ay dapat manatiling nakakulong sa habang panahon.

Si Fort Nicolas ay isang mamahayag at editor na, aniya, ay nasa ‘retirement mode’ na pero di pa rin mapipigilan ang kati sa kamay na magsulat. 

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest