HomeCommentaryWeder-weder lang ang kapangyarihan, kahit ng media

Weder-weder lang ang kapangyarihan, kahit ng media

Huwag kukurap dahil ang ebolusyon ng media at papel nito sa lipunan ay hindi talaga ebolusyon na mabagal kundi rebolusyong nangyayari sa kisap-mata

Napabunghalit ako ng tawa nang mabasa ko sa huling talata ng aking nakaraang artikulo ang paglalarawan sa akin ng kaibigan kong editor ng news agency na ito. Ang sabi niya: “Si Fort Nicolas ay isang mamahayag at editor na nasa ‘retirement mode’ na pero di pa rin mapipigilan ang kati sa kamay na magsulat.”

Nakakatawa kasi ay totoo. Nakakalungkot din dahil ito’y totoo nga. Sino nga ba ang nagsabi na sa likod ng bawat comedy ay isang tragedy?

Iba na kasi ang mass media ngayon. Mas kumplikado dahil sa teknolohiya. Hindi na kaya ng powers ko. Kung pasulat-sulat lang ang usapan ay game tayo diyan. Umusad na kasi nang napakabilis ang teknolohiya at ipinalamon na ng alikabok ang mga “Jurassic” na mamahayag na hindi makasabay o kaya ay mga pinipigilang matuto ng mga bago at iba’t ibang skill na kailangan sa online journalism.



Hindi katulad dati na paisa-isa lang ang kailangang skill (kung reporter ka ay magsulat ka lang, kung photographer ka ay kumuha ka lang ng litrato), ang maging journalist ngayon ay nagde-demand na maging multi-skilled ka. Hindi ka lang writer kundi photographer, videographer, broadcaster, at video editor ka rin dapat. Sa madaling salita, para kang Swiss knife na maraming kapabilidad.

Pero bago magawi ang piyesang ito tungkol sa akin, ibig kong linawin na ito’y isang kwento ng isang diyaristang naipit sa dalawang nag-uumpugang bato—ang old-school at bagong paraan ng pamamahayag.

Sa aking tingin, ganito ang proseso kung paanong ang isang balita ay nagiging isang pambansang isyu: Ilalabas ng diyaryo ang balita, ie-echo ito ng radyo na maraming nakikinig, sasaluhin ang isyung ito ng telebisyon na dahil visual at animated ay malakas ang impact sa kamalayan ng madala.

Kung sa pagtitimbang ng mga nasa kapangyarihan—pulitiko sa Senado, Mababang Kapulungan, Malacanang, at mga namumuno sa iba’t ibang sangay ng ehekutibo—ay marami na ang ang nakapansin sa isyu, pag-aaksayahan na nila ito ng panahon at magkokomento na sila tungkol dito.

- Newsletter -

Sa madaling sabi, ang diyaryo ang pinagmumulan ng agenda ng bansa at ang nagdidikta ng pag-uusapan ng populasyon.

Dito ako na-fascinate kaya pinili kong mag-aral ng journalism sa kolehiyo. Lalo akong nalulong sa industriyang ito nang mabasa ko ang “The Kingdom and the Power” ni Gay Talese at ang “The Powers That Be” ni David Halberstam, dalawang librong nagsisiwalat kung gaano kalakas ang impluwensya ng mass media, lalo na ang diyaryo, sa buhay ng bansang Estados Unidos at pati na sa buong mundo.

Parehong Amerikano sina Talese at Halberstam at pareho ring nagsulat para sa The New York Times, isa sa pinakamatatag, pinakamayaman, at pinaka-prestihiyosong diyaryo sa Estados Unidos at maging sa buong mundo. Ngayon ay pati ang “di-matitinag” na The New York Times ay nagdedelikado na rin dahil sa pagsulpot ng Internet at social media.

Ang mga kwento ng dalawang awtor ng mga pangyayari sa likod ng mga makasaysayang balitang nababasa ng mga tao ang nagsilbing matibay na lubid na humila sa akin patungo sa karera ng pagsusulat, pagiging editor, at kolumnista.

Kung alam ko lang na magiging ganito pala kabilis ang transisyon ng kapangyarihan mula sa diyaryo patungong telebisyon at ngayon ay social media, sana ay nag-request ako sa nanay ko na ipanganak na lang ako nang mas maaga. Siguro ay mas maaga nang isa’t kalahating dekada.

A Pakistani reads a local edition of the International New York Times, which shows a single-column blank space on the front page. An opinion piece in the paper criticized Pakistan’s powerful army was censored by its local publisher. (Photo by Aamir Qureshi/AFP)

Kung ipinanganak sana ako noong 1950, siguro ay nagsusulat at nag-e-edit na ako sa diyaryo nang bandang 1970 hanggang sa kalagitnaan o buntot ng 1990s.

Namamayagpag pa ang diyaryo noon. Bagama’t noong 1970s ay sinasabing “dark age” ng pamamahayag dahil nga sa paghihigpit sa ilalim ng Martial Law, tuwang-tuwa pa rin ako sa mga kwento ng mga nakaranas ng panahong ito tulad ni Mr. Joe Pavia ng Philippine News Agency at iba pang beterano ng industriya.

Fast forward tayo ngayon. Halos pantay na ang impluwensya ng social media sa Internet ang tradisyonal na mga institusyon ng pamamahayag, salamat sa smartphone. Hindi tulad ng dati, bihira na akong makakita ng mga naglalakad sa kalsada na may bitbit na diyaryo sa kanilang kili-kili.

Ang smartphone ay parte na ng katawan ng mga tao ngayon. Ito ang nagsisilbing telepono, radyo, telebisyon, sine, mapa, navigator, at iba pa. Imbes na magbasa ng mga kolumnista, ang bagong henerasyon ay nagbabasa, nakikinig, at nanonood ng bloggers at vloggers upang intindihin ang mga pangyayari sa lipunan at pulitika.

Lalong ramdam ang presensya at impluwensiya ng huli sa pambansang diskusyon sa panahong ito ng eleksyon. Malinaw na panahon nila ngayon. Kung hanggang kailan ay hindi natin alam. Kapana-panabik na abangan at obserbahan ang ebolusyon ng media at kung paano nito iimpluwensyahan ang susunod na eleksyon.

Huwag kukurap dahil ang ebolusyon ng media at papel nito sa lipunan ay hindi talaga ebolusyon na mabagal kundi rebolusyong nangyayari sa kisap-mata.

Napakabilis ng panahon. Weder-weder talaga ang buhay. Nagpapasalamat na lamang ako sa Maykapal na hindi pa niya binabawi ang regalong makapagsulat-sulat. Tama ang paglalarawan sa akin ng editor ng news agency na ito na nasa “retirement mode” na ako. Iba naman.

At yon na nga po! Siya na mismo ang nagsabi. Si Fort Nicolas ay isang mamahayag at editor na nasa ‘retirement mode’ na pero di pa rin mapipigilan ang kati sa kamay na magsulat. Sana nga ipinanganak siya noong 1950s, pero dahil wala pa siya noon, di niya nasabi sa nanay niya. – Editor

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest