Nasa simula pa lang tayo ng taong 2022. Parang hindi maganda ang simula ng taon – kaagad nandiyan ang Omicron variant ng COVID-19 at bigla ang pagtaas ng infections. Hindi pa natin alam ano ang dadalhin ng taong ito. Mayroon pang mahalagang halalan na darating. Maging matalino na ba tayong botante sa Mayo?
Kaya mahalaga na mayroon tayong gabay na maasahan, so we will know how to navigate with whatever comes. Maganda na pinapaalaala sa atin sa linggong ito ang tungkol sa paraan na magbibigay sa atin ng gabay at lakas paano harapin ang masalimuot na mga pangyayari. Ito ay ang Salita ng Diyos.
Itinalaga ni Papa Francisco na ang bawat ikatlong Linggo ng taon sa buong Simbahan ay Sunday of the Word of God. Tandaan natin na ang lahat ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Salita. “Sa simula ay ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos …. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Salita. Ang nilikha sa kanya ay may buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan.” Ang Diyos natin ay nagko-communicate sa atin sapagkat siya ay nagmamahal sa atin. Ang Salita ng Diyos ay ang kanyang communication, ang kanyang pakikipag-ugnay sa atin.
Dumadating sa atin ang communication ng Diyos, ang kanyang Salita, sa maraming paraan. Nakikilala natin ang Diyos sa pamamagitan ng kalikasan. Ito ay aklat ng Diyos na nakikita at nararamdaman ng lahat. Nagsasalita din ang Diyos sa mga pangyayari sa kasaysayan. He is the Lord of History. He guides the events of history. Ito rin ay may sinasabi sa atin kung pinakikinggan natin siya. Nagsasalita din ang Diyos nang personal sa atin sa ating konsiyensiya at kapag tayo ay nagdarasal.
This Sunday we are in the Week of Prayer for Christian Unity. Pinapahalagahan din natin ang ibang mga Kristiyanong grupo at pati na nga ang ibang mga relihiyon kasi sa kanila din may pahayag ang Diyos. The seed of God’s Word is broadcasted in all cultures and religions. Kaya mga kapatid hindi nananahimik ang Diyos.
Pero higit sa lahat ang Salita ng Diyos ay naging tao at nakipamayan sa atin. Ito po ay si Hesukristo. He is the ultimate and definitive revelation of God. Siya ang mukhang nakikita ng Diyos na hindi nakikita. Tunay na makikilala ang Diyos sa pamamagitan lamang ni Jesus. Ang mga salita at gawa ni Jesus ay matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan.
Ang isang katangi-tanging paraan na dumadating sa atin ang Salita ng Diyos ay sa pamamagitan ng Biblia. Ito ay ang Salita ng Diyos na nakasulat. Dahil sa ito ay nakasulat, ito ay masusuri at mababalik-balikan natin, at dahil sa ating pagdadasal nito at pag-aaral, mas lalong mapapalalim ang ating kaalaman dito. Kaya ngayong Sunday of the Word of God pinapahalagahan natin ang Bible, lalo na next week na National Bible Week dito sa Pilipinas.
Nakita po natin ang kahalagahan ng Banal na Kasulatan sa ating mga pagbasa. Ang mga Hudyo na bumalik sa Judea at sa Jerusalem mula ng pagkatapon sa kanila sa ibang mga lupain ay nakatagpo ng matinding kahirapan. Nasira ang kanilang mga lunsod at ang kanilang hanap buhay. Binabantaan sila ng mga tao na umagaw sa kanilang mga lupain. Sila mismo ay hindi naging tapat sa lahat ng mga utos ng Diyos.
Upang sila ay pag-isahin at gabayan, nagpatawag ng general assembly ang kanilang political leader na si Nehemias at ang kanilang religious leader na si Ezra. Sa asembleyang ito binasa ni Ezra ang batas ng Diyos sa lahat ng tao — mga lalaki, mga babae at mga bata na marunong nang umunawa.
Pinaliwanag ng mga Levita ang kasulatan na binasa. Noong maintindihan na ng mga tao ang Banal na Kasulatan, nagsiiyakan sila kasi hindi pala nila tinutupad ang nakasulat doon. Hinikayat ni Nehemias at ni Ezra na huwag silang umiyak. Sa halip, magdiwang sila at magsaya. Uminom sila at kumain at magbahagi sa mga wala kasi ang maging lakas dapat nila ay ang kagalakan ng Panginoon.
Totoo, minsan tinutuligsa tayo ng Salita ng Diyos, pero ang dahilan nito ay upang dalhin tayo sa kagalakan ng Diyos. The joy of the Lord will be our strength.
Kaya sa maraming kahirapan at kalituhan na dala ng bagong taon, hayaan nating gabayan tayo ng Salita ng Diyos na matatagpuan sa Bible. Basahin natin ito at unawain, at dito tayo makakarating sa kagalakan ng Diyos, kahit na magulo ang panahon.
Si Jesus mismo ay ginabayan ng Banal na Kasulatan. Doon sa Nazareth pumasok siya sa sinagoga at inanyayahan siyang manguna sa kanilang pagsamba. Binasa niya ang isang bahagi ng aklat ni propeta Isaias. Pagkatapos naupo siya at pinaliwanag ito. Simple lang ang kanyang paliwanag – na nangyayari na ang sinabi ng propeta: na siya ay pinuspos ng Espiritu Santo at hinirang na ipangaral ang mabuting balita sa mga dukha, na ang ibig sabihin ay bigyang kalayaan ang mga bihag, bigyang paningin ang mga bulag, bigyang kaluwagan ang mga sinisiil at ipaabot ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.
Hindi ba ito ang gawain ni Jesus? Siya ay naparito upang tuparin ang sinabi tungkol sa kanya sa Banal na Kasulatan. Si Jesus mismo ay nagpagabay sa Biblia. At alam niya ang Bible! Ang mga panangga niya sa tukso ng demonyo sa disyerto ay ang Salita ng Diyos. Nasusulat, aniya: Ang tao ay hindi lang nabubuhay sa tinapay kundi sa bawat salita na nanggagaling sa bibig ng Diyos. Nasusulat aniya, na huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos. Nasusulat aniya, Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lamang ang dapat mong paglingkuran. Alam ni Jesus ang Bible.
At maliwag na sinabi niya na hindi siya naparito upang ibaliwala o palitan ang Banal na Kasulatan kundi bigyan ito ng kaganapan. Kung si Jesus mismo ay nagpapagabay sa Salita ng Diyos, tayo pa kaya?
Kaya, ano ang dapat nating gawin? May Bible ba tayo? Hindi natin ito magagamit kung wala tayo nito. Kaya ang bawat pamilya ay dapat may Bible. May Bible ba kayo? Kung mayroon na, binabasa ba? Matutulungan lang tayo ng Bible kung ito ay binabasa. Kaya nga sinulat ang Biblia para basahin ito. At basahin natin ng buo ang Bible – hindi naman agad-agad pero kung aaraw-arawin nating babasahin ito, darating ang araw na mababasa na natin ito ng buo.
Sa isang Bible Study, tinanong ko kung mayroon nang nakabasa ng buong Bible. Sa mga singkwentang tao na naroon, may mga limang kamay na tumaas. Tinanong ko ang isa – ilang beses na? Ang sagot niya: twenty times na. Napahanga ako sa kanya!
Sa pagbabasa natin ng Bible makikita natin na maraming mga bagay na hindi pa natin naiintindihan. Kaya iyong nakabasa ng 20 times na ng Bible ay nagba-Bible study pa, at siya pa ang maraming tanong!
Ang Biblia ay inaalam natin upang lalong makilala natin si Jesus. Ang salita ng Diyos na sinulat ay nagdadala sa atin sa malalim na pagkilala sa Salita ng Diyos na naging tao. Ang magliligtas sa atin ay hindi ang Bible kundi si Jesus. Ang Bible ay nakakatulong sa atin na makipag-usap kay Jesus. The Bible helps us to pray. And finally, kung mahal natin si Jesus gagawin natin ang kanyang utos, at ang utos niya ay nasa Bible. Maliwag doon ang ipagagawa sa atin ng Diyos.
Kaya mga kapatid, sa panahon ng kahirapan noong panahon ni Nehemias at ni Ezra, ang Salita ng Diyos ay nagbigay ng pagkakaisa, pagtutulungan at kagalakan sa mga tao. Ganoon din ang gagawin sa atin ng Salita ng Diyos kung ito ay binabasa, inuunawa at ginagawa natin. Naparito si Jesus upang bigyang katuparan ang sinulat tungkol sa kanya. Kapag binabasa natin ang Bible mas lalo nating makikilala si Jesus at matutularan natin siya. Sa anumang desisyon natin, sana ginagabayan tayo ng Salita ng Diyos.
Homiliya ni Bishop Broderick Pabillo para sa January 23, 2022, 3rd Sunday of Ordinary Time