HomeFeaturesSaya at Pighati: Mga alaala kay F. Sionil Jose

Saya at Pighati: Mga alaala kay F. Sionil Jose

Siguro, ganoon talaga, may mga magkakaibigan na nagkakasundo sa isang bagay at mayroon din namang hindi

Hindi ko matandaan ang unang pagtatagpo namin ni Manong Frankie (Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan F. Sionil Jose). Pero simula nang tumuntong ako sa Solidaridad Bookshop sa Padre Faura sa Ermita at maging miyembro ng Philippine PEN, napalapit ang loob ko hindi lamang kay Manong Frankie kundi maging sa asawa nitong si Tita Tessie. Naging saksi rin ako sa pagkakaibigan nina Manong Frankie at hubby Joel Pablo Salud.

Madalas kami sa Solidaridad. Kapag may event, pinapupunta kami ni Manong. Book launch. Kapag may dumating na mga writer mula sa iba’t ibang bansa. O kahit na mga simpleng araw lang at gusto niyang makita si hubby. May mga pagkakataon ding pinapupunta niya kami dahil gusto niya kaming i-treat sa paborito niyang Japanese restaurant.

Naaalala ko pa nga, buntis ako noon, ipinatawag si hubby ni Manong Frankie. May pag-uusapan daw sila. Alam kong hindi lang si hubby ang inimbitahan kundi maraming mga manunulat na miyembro ng PEN. At alam ko na ring gagabihin si hubby. Alas-dos ng madaling araw, iyan ang pagkakatanda ko sa oras nang makauwi siya. Natatandaan ko dahil nang tumabi siya sa akin, sinabihan kong maligo dahil ang baho-baho niya.



Nainis sa akin si hubby. Sa tagal nga naman ng pagsasama namin, hindi ko pa siya nasasabihan ng ganoon. At sa totoo lang, hindi naman talaga siya nagkakaamoy kahit pa hindi siya maligo ng ilang araw. Pero pinagpipilitan kong maligo siya. “Alas-dos na ng madaling araw,” sabi pa ni hubby.

“Wala akong pakialam,” sagot ko naman. Hindi si hubby ang naaamoy ko kundi ang pabango niya. Paborito ko ang amoy ng pabangong gamit niya. Lagi ko nga ‘yung ipinagagamit sa kaniya dahil sarap na sarap akong singhutin. Oo, singhutin talaga. Pero nang mga sandaling iyon, masakit sa ilong ang dulot niyon sa aking pang-amoy. O baka nagdadahilan lang ang ilong ko dahil buntis ako.  

Isa rin si Manong Frankie sa tumawag sa amin nang malaman ang gender nang ipinagbubuntis ko. Taong 2014 iyon. Seven years old na ngayon si Likha. “It’s all over Facebook,” ang tanda ko pang sagot niya kay hubby nang tanungin siya kung paano niya nalaman. O ‘di ba, updated si Manong Frankie.

Sa mga umpukan, hindi ako gaanong masalita. Tagapagmatiyag lang ako. Tagapakinig. Pinoproseso ko lagi sa isip ko ang mga naririnig. Tinatandaan. Wala naman kasing kaedaran ko ang kasali sa umpukan. Pawang ‘di hamak na mas matanda sa akin. Biro ko nga kay hubby, kapag nagkawalaan na ang mga kaibigan namin, maiiwan akong walang kaibigan.

- Newsletter -

Pero may mga pagkakataong tinatanong ako ni Manong Frankie kung ano ang opinyon ko sa isang bagay. Sinabihan niya rin akong huwag kong sarilinin ang pagsusulat ko ng nobela. Ibahagi ko. Ikuwento sa iba. Para daw makapagkomento ang iba at maipakita sa akin ang mga kakulangan o hindi ko nakikita sa mga isinusulat.

Ang manunulat na si F Sionil Jose kasama ang mga kaibigan at kapwa manunulat. (Larawan mula kay Che Sarigumba)

Kaya naman, nang palarin akong maging bahagi ng 57th UP National Writers Workshop for Mid-Career Authors’ noong 2018, bungad ko sa panel gayundin sa mga kasamang fellow: Ayoko nang may nagkokomento sa gawa ko. (Lalo na kung hindi pa ito buo. Para sa akin kasi, maiintindihan mo lang ang isang akda kung nabasa mo ang kabuuan nito). Pero idinagdag ko ring dahil sa sinabi ni Manong Frankie na dapat may ibang nakaririnig at nakababasa sa isinusulat mo hindi pa man ito natatapos, payag na ako.

Sabagay, may punto nga naman si Manong. Makatutulong ang mga komento, kritisismo at puna ng mga kakilala’t kaibigan para matahak mo ang landas para sa ikagaganda ng isang nobela. Masakit man ang mga kritisismong natanggap ko sa nasabing workshop, naging malaking tulong naman ito sa pag-unlad hindi lang ng aking sarili, kundi maging ng aking pagsusulat.

Nakapag-book launch din ako sa Solidaridad. Isa ako sa Tres Marias. Kasama kong nag-launch sina Mookie Katigbak-Lacuesta at Alice Sun-Cua. Katangi-tanging nag-book lauch ako pero wala namang available na kopya ng libro. Naubos na kasi. Ang nakalulungkot, hindi na nag-second printing ang publisher ko.

Sa mga event din ng Philippines Graphic lalo na ang Nick Joaquin Literary Awards, laging ako ang nag-aasikaso kina Tita Tessie at Manong Frankie. Ibinibilin lagi sa akin ni hubby na siyang editor-in-chief noon ng Graphic. Kaya’t pagdating nila, inaayos ko na ang lahat.

Fast forward. Nagsimula ang pandemic. Hindi na kami nakadadalaw sa Solidaridad, kay Manong Frankie at kay Tita Tessie. May mga komento at opinyon si Manong Frankie na ipinagtataka ko. Napag-uusapan namin siya ni hubby. Madalas ko ring sinasabi kay hubby na intindihin. Pero higit kanino man, alam kong nasasaktan si hubby sa mga sinasabi ni Manong Frankie. Kasi naging malapit sila sa isa’t isa.

Ang may-akda na si Che Sarigumba (kaliwa) sa “book launching” ng kanyang aklat sa Solidaridad Bookshop ni F Sionil Jose. (Larawan mula kay Che Sarigumba)

Siguro, ganoon talaga, may mga magkakaibigan na nagkakasundo sa isang bagay at mayroon din namang hindi. Nang umalis na ng Graphic si hubby, lalo silang nawalan ng pagkakataong magkita ni Manong Frankie. O maayos man lang ang namuong ‘di pagkakaunawaan.

Nakalulungkot na hindi man lang namin siya nakita. Nakalulungkot din dahil maiiwan sa marami sa atin ang mga pananalita niya na taliwas sa ating demokrasya. Mga opinyon na maging sa amin ni hubby ay nagdulot ng malalim na sugat sa puso.

Bakit ko nga ba isinusulat ito? Hindi ko rin alam. Puwedeng para maglabas ng pighati. Ngayon lang naman ako nagsalita ng tungkol kay Manong Frankie. Maaaring upang alalahanin ang mga panahong nakakakuwentuhan siya, nakakahalakhakan, nakakasamang kumain at uminom.

Mahirap tanggapin ang pagkawala ng isang kaibigan. Masakit lalo’t ang namuong gusot ay hindi na naituwid pa. Inaalala na lang namin sa ngayon ang magiging kinabukasan ni Tita Tessie na sinasamahan namin sa kaniyang pagdadalamhati wala man kami sa tabi niya.

Maluwalhating paglalakbay, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Francisco Sionil Jose.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest