HomeFeaturesMga nanay na hindi umaatras sa hamon

Mga nanay na hindi umaatras sa hamon

Mahirap maging isang ina. Hindi biro ang mga responsibilidad. Ngunit kaakibat ng hirap ang walang katumbas na kaligayahan.

Tayo nga namang mga nanay, kailanman ay walang inuurungang hamon. Walang inaatrasang laban.

Hindi madali ang maging isang ina. Madalas akong kinakantiyawan noon ng mga katrabaho ko’t kaibigan. Eight years na daw kasi kami ni hubby pero wala pa rin kaming anak. 

Pero desisyon ko ang huwag kaagad magkaanak. Mga three years pa lang kaming nagsasama ni hubby nang tanungin niya ako kung okay na ba raw sa akin ang magkaanak kami. Mabilis ang naging sagot ko. Hindi. Matigas pa ang pagkakabanggit niyon. 




Nang mga panahong iyon kasi, hindi ko nakikita ang sarili kong magkaroon ng anak. Hindi rin handa ang katawan ko at isipan. Pinangungunahan ako ng takot. Pakiwari ko ay hindi ko kakayanin lalo na’t sinasabi sa akin ni hubby na magbabago ang buhay ko kapag nagkaroon na kami ng anak. Umukilkil sa aking isipan ang iba’t ibang tanong at pag-aalala. 

At para naman matahimik ang loob ni hubby, sinabi ko sa kanya na kapag ready na akong magbuntis, ipaaalam ko sa kanya. Agad-agad. 

Taong 2013 nang ako mismo ang magbukas ng usapan tungkol sa pagkakaroon ng anak. Sinabi ko kay hubby na ready na ako. Malakas na ang loob ko nang mga pagkakataong iyon. Excited na rin akong makita ang magiging bunga ng pagmamahalan namin. Birthday namin ni hubby nang sabihin kong gusto ko nang magkaanak. December 2014, buntis na ako. 

Mula sa pagbubuntis, paglilihi, pagluluwal at hanggang ngayon sa pagpapalaki ng anak namin, masasabi kong hindi madali. May mga igi-give up ka para sa anak mo. Kulang-kulang ang tulog. Kumakain habang karga-karga ang anak. Matataranta ka kapag nagkasakit. 

- Newsletter -

Mahirap maging isang ina. Hindi biro ang mga responsibilidad. Ngunit kaakibat ng hirap ang walang katumbas na kaligayahan. Naglalaho ang pagod kapag nginingitian ka ng anak mo. Kapag sinosorpresa ka niya at gumagawa siya ng card kapag birthday mo o kagaya ngayon na Mother’s Day.

Oo, minsan ay nakaiinis lalo na kung marunong na silang sumagot-sagot. Pero madalas naman, matatawa ka sa kung paano sila mangatuwiran. Kung paano nila ipipilit ang gusto nila. Kung gaano sila kagaling humabi ng mga dahilan at paraan. 

Hindi basta-basta ang pagkakaroon ng anak. Malaking responsibilidad ang kaakibat nito. Parang paghahamon lang, kaakibat nito ang responsibilidad ng salita mo. Kaya dapat mong panindigan. Hindi iyong uurong sa laban. 

In Certain Seasons: Mothers Write In The Time Of Covid

At dahil nasa usapan na rin tayo ng laban, paninindigan at ang hindi pag-ayaw sa hamon, isang halimbawa ang nais kong ibahagi, ang In Certain Seasons: Mothers Write In The Time Of Covid na isang bilingual e-book. Ini-launch ito noong January 2021.

Ako ang editor sa Filipino ng proyektong ito ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at Philippine PEN. Si Jenny Ortuoste naman ang editor sa English.

Tinawagan ako ni Bebang Siy para sa proyekto. Sumang-ayon kaagad ako lalo’t ipakikita sa koleksiyong ito ang galing ng isang ina.

Sa totoo lang, kabado ako nang simulan ang project. Forty writers: twenty sa Filipino at twenty sa English. Okay lang kung writers, marami kaming kaibigan at kakilala. Ang kaso, kailangan ay pawang mga nanay na manunulat ang isasama sa koleksiyon. 

Naghanap kami ng mga nanay na writers. Inilista ang lahat ng mga kakilala namin. Hindi naging madali lalo’t ang nais naming makapag-ambag ng akda ay hindi lamang mga nanay na nakatira sa Luzon kundi maging ang mga nanay sa Visayas at Mindanao.

At ang kumasa sa hamon ay ang 41 na mga ina na manunulat ng bansa. Nagkaisa sa koleksiyong ito ang mga batikan at umuusbong pa lang na manunulat. May iba pa ngang hindi namin naisama dahil sobra na ang nagpadala ng kanilang akda.

Maaaring mai-download ng libre ang e-book sa https://www.mediafire.com/…/In_Certain_Seasons…/file. Sa huling bilang namin, umabot na sa 5k ang downloads.

Sa bilingual na koleksiyong ito, napakarami kong natutunan. Iba’t ibang danas ng bawat ina. Sa mga akdang nakapaloob sa naturang koleksiyon, masisipat mo ang iyong sarili. Maihahalintulad mo ang pinagdaraanan mo sa pinagdaraanan ng ibang ina. Maeengganyo ka ring maging malakas at matatag.

Masasabi kong walang katulad ang isang ina. Walang kahit na anong inuurungang hamon—sa buhay man, lipunan, pamilya o pagiging ina. Lumalaban sa kabila ng kinahaharap na pandemya.

Pagpupugay sa lahat ng mga ina. Gayundin sa mga single dad na tumayong ina at ama sa kanilang mga anak. Sa mga humaharap sa hamon, walang atrasan.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest