HomeFeatures‘I Care A Lot’: May malasakit ka ba talaga?

‘I Care A Lot’: May malasakit ka ba talaga?

Totoo nga bang walang mabait na tao sa mundo? Kung totoo man ito, tama bang magpakasama na lang tayo?

Gigil. Inis. Asar. Iyan ang naramdaman ko habang pinanonood ang “I Care A Lot.” Pambihira rin naman kasi ang acting ni Rosamund Pike bilang Marla Grayson, talagang game na game. Manggigigil ka. Kaiinisan mo ang pagkibot ng kanyang labi. Kaaasaran mo ang tingin at maging ang pagtaas ng kanyang kilay.

Nagsimula ang lahat sa pangarap na yumaman. Para nga naman sa pangarap, gagawin ng kahit na sino ang lahat matupad lamang iyon. Kahit pa ang tumulay sa alambre. O kaya naman, ang gumapang sa butas ng karayom.

Sobrang smooth ang pagmamaniobra ni Marla Grayson sa ari-arian ng mga nagiging kliyente niya. O mas maganda ngang sabihing mga napapaniwala niya. May go signal pa nga ng judge ang pagiging guardian niya sa mga matatandang hindi raw kayang alagaan ang sarili o walang kapamilya, pero maraming ari-arian.




Ngunit nagbago ang lahat nang magkrus ang landas nila ni Jennifer Peterson (Dianne Wiest). Akala nga naman ni Marla, tiba-tiba na siya nang maging legal guardian siya ni Jennifer Peterson. Pero ito pala ang magiging mitsa para dumaan sa bingit ang kanyang buhay, at ang buhay ng taong mahalaga sa kanya, si Fran (Eiza Gonzalez).

Kung ikokonekta natin ang mga eksena sa “I Care A Lot” at sa nangyayari sa buhay at lipunan ngayon, ang dami-dami nating makikita. Ang dami-dami nating mabubuo at maiisip.

Halimbawa na lang ang pagiging legal na guardian ni Marla Grayson sa mga matatandang hindi kayang alagaan ang kanilang sarili, gayundin ang kanilang ari-arian. At dahil estado na ang nagbigay ng signal kay Marla Grayson, hawak na nito ang buhay ng kanyang kliyente gayundin ang mga pag-aari: alahas, bahay, pera sa bangko gayundin ang buhay.  

Dito sa atin, hindi gaanong nagwo-work ang pagkakaroon ng guardian na estado ang nagdesisyon. Magkakapamilya at magkakamag-anak nga nagpapatayan na dahil sa pera at pagkakataon, paano pa kung may ibang taong umeksena na hindi nila kadugo. Siyempre hindi nila papayagan.

- Newsletter -

Ang daling sabihing “I care a lot”. Ang ganda ng ibig sabihin. Pero kung hihimay-himayin natin ang mga salitang ito, makikita natin ang negatibong meaning nito. May pakialam kasi may makukuha. Hindi naman pala sa tao may “care” kundi sa yaman.

Napaikot ni Marla Grayson ang judge gamit ang kanyang kapani-paniwalang mga salita. Parang ang mga Filipino lang, hanggang ngayon ay pinaiikot pa rin ng ilang politiko.  

Si Rosamund Pike bilang Marla Grayson sa pelikulang ‘I care a lot’ (Promotional photo)

Ipinakita rin sa palabas na “I Care A Lot” ang matinding pag-ibig sa magulang. Kung ano ang kayang gawin ng isang anak, ni Roman Lunyov (Peter Dinklage) para sa kanyang inang si Jennifer.

Pag-iibigan ng kapwa babae at ang suporta sa isa’t isa, isa pa iyan sa mapapansin mo sa naturang palabas.

Mapapanood din sa “I Care A Lot” na kapag pera na ang pinag-uusapan, nagkakasundo ang kahit na sino, kahit pa ang magkakaaway. Lumalabas din na ang mga taong masasama ay hindi agad-agad namamatay.

Sabagay, sa totoong mundo nga ay hindi makatarungan, sa palabas pa kaya?

Gagawin nga naman ng kahit na sino ang lahat para maabot ang kanyang pangarap. Marami ang nakakayang manapak o gumamit ng kapwa kagaya na nga lang ni Marla Grayson. Pero mahirap namang manlamang ng kapwa para lang maabot ang rurok ng tagumpay. Kung alam mong nanloko ka, hindi rin magiging buo ang kaligayahan mo. Kasi siyempre, kukulitin ka ng konsensiya mo. Iyon ay kung may konsensiya ka. Hindi ka patutulugin. Ewan ko lang ang iba, lalo na iyong ibang nasa kapangyarihan. Parang anino iyang ipaaalala nang ipaaalala sa iyo ang ginawang pananapak ng kapwa para maabot ang pangarap mo.




Lahat nga naman ng kabutihang ginagawa natin ay may balik na maganda. At lahat din ng kasamaang ginagawa natin, may kaakibat na kaparusahan. Kagaya na lang ng nangyari kay Marla Grayson, oo nga’t naging successful siya pero pinagbayaran pa rin niya ang mga hindi makatarungan niyang gawi. Umabot man siya sa rurok ng kanyang tagumpay pero hindi niya rin ito nalasap. Hindi niya rin na-enjoy.

Kaya naman, huwag nating sanayin ang ating mga sarili sa paggawa ng masama. Kasi minsan, sa sobrang sanay na natin sa paggawa ng masama ay naloloko na natin pati ang ating mga sarili. Napapaniwala na natin maging ang ating isipan. Iyong tipong tulog lang pala tayo nang tulog pero feeling natin ang dami-dami nating ginagawa sa mundo.

Totoo nga bang walang mabait na tao sa mundo, batay na rin sa ipinahihiwatig ng palabas? Kung totoo man ito, tama bang magpakasama na lang tayo?

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest