“May jowa ka na ba?”
Iyan ang madalas kong itinatanong kapag nag-i-interview ako ng mga estudyanteng gustong mag-OJT sa pinagtatrabahuan ko dating diyaryo. Madalas kasi ay ako ang nagha-handle sa kanila.
Tinitingnan nila ako ng may pagtataka. Hindi pa nga sila nakasasagot, dinudugtungan ko na. “Kapag naging journalist kayo, wala na kayong panahong magka-jowa kaya ngayon pa lang, maghanap na kayo.”
Nagtatawanan ang mga estudyante. Tingin nila siguro ay nagbibiro ako. Hindi pa nila naiisip na may bahid ng katotohanang ang mga salitang binitawan ko.
Kunsabagay, may mga naging OJT din naman akong hindi talaga bukal sa loob ang maging journalist. Kailangan lang para makapasa at maka-graduate.
At sa walong taong itinagal ko sa dati kong pinagtrabahuang diyaryo, klase-klaseng estudyante ang nakasalamuha ko. May ilan na pursigidong matuto. Iyong hindi mo na kailangang i-holding hands. Mayroon din namang kulang na lang ay isubo mo ang lahat mula sa title ng topic na ipasusulat mo hanggang sa itatakbo ng artikulo o istorya.
May ilan pa nga na stepping stone daw nila para sa pangarap nilang maging model ang pagti-training sa diyaryo. Napaiiling na lang ako sa ganoon.
Career vs love
Suwerte ako dahil nang magsimula akong maging diyarista, may love life na ako. Kung wala, malamang ay naburo ang beauty ko.
Mahirap naman talaga ang maging diyarista. Walang oras ang trabaho. Madalas, kahit dayoff mo ay kailangan mong magtrabaho.
Pero hindi rin naman dapat idahilan ang sangkatutak na gawain sa trabaho o career upang hindi natin pagtuunan ng pansin ang love.
Hindi naman natin kailangang pahirapan ang mga sarili natin. Kumbaga, bakit ka pipili ng isa kung puwede namang pareho. Kung puwede namang pagsabayin ang career at love.
Ang poproblemahin mo nga lang ay ang pagdating ng true love mo. Baka dahil sa pandemic at wala pa ring available na vaccine, ma-delay rin ang pagdating.
‘Ang Henerasyong Sumuko sa Love‘
Naengganyo akong panoorin ang movie na “Ang Henerasyong Sumuko sa Love”. Kuwento ito ng magkakaibigang sina Ma-an (Jane Oineza), Denzel (Jerome Ponce), Hadji (Albie Casino), Junamae (Myrtle Sarrosa) at Kurt (Tony Labrusca).
Nagustuhan ko ang pag-arte ni Jerome Ponce. Mapangahas ang kanyang karakter.
Sa kuwento, hinanap ko ang dahilan kung bakit sila sumuko sa love. Lalo’t mapusok sa pag-ibig ang gayong mga edad.
Ang dami kong napansin sa palabas na ito. Marami kang makikitang hindi mo dapat pikitan. Kumbaga, may repleksiyon sa totoong buhay o pangyayari ang naturang movie.
Una, sa pag-abot ng pangarap. Oo, hindi tayo dapat na sumukong mangarap. Pero madalas, para maabot ang pangarap na inaasam-asam natin ay nakagagawa tayo ng labag sa ating loob o nakatatapak tayo ng tao.
Wala nga namang madali sa mundo, lalo na ang pag-abot ng pangarap. Pero mas masarap tamasain ang tagumpay kung alam mong wala kang naagrabiyadong tao.
Sa movie na “Ang Henerasyong Sumuko sa Love,” napilitan si Ma-an na gawin ang isang bagay na hindi niya gusto—ang magpa-sexy at gumiling sa kanyang pagba-vlog. Pero dahil iyon ang tila ba nakaaakit para mapansin ang vlog niya at para maabot ang pangarap niyang viewers ginawa niya.
Nakita ko sa palabas na maraming sakripisyo ring ginagawa ang mga influencer na kagaya nga ni Ma-an. Gayunpaman, may mga hangganan din dapat. Kumbaga, bilang influencer, kailangang alam din natin kung kailan tayo dapat na tumigil.
Ikalawa, hindi lahat ng picture perfect ay totoo. Kumbaga, may mga dilim o problema rin iyang pilit ikinukubli. Ngumingiti pero durog na durog na pala ang pakiramdam. Iyong tipong magaganda ang mga binibitawang salita pero iba pala ang itinatakbo ng isipan. Halimbawa na nga lang ang ibang politiko natin. Kung nakayayaman nga lang ang mabulaklak nilang salita, malamang ay yumaman na ang maraming Filipino na nakarinig.
Ikatlo, hindi kayang bilhin ng pera ang pag-ibig. Ang boto, oo. Pero ang tunay na pag-ibig, hindi. At hindi rin porke’t may pera ka ay magagawa mo na ang lahat ng naisin o gustuhin mo.
Ikaapat, may mga magulang na kung minsan ay hindi na napapansin ang nararamdaman at pinagdaraanan ng kanilang anak. Kaya tuloy hindi maiwasang sumagi sa isip ng mga anak o kabataan ang kitlin ang sariling buhay.
Muntikan na itong gawin ni Kurt. Buti na lang at naisip niyang hindi tama ang gagawin niya. Nakatulong din ang pagkakaroon niya ng kaibigan.
Pero bilang magulang, dapat ay sa atin tumatakbo ang atin anak at hindi sa kanilang mga kaibigan
Ikalima, lumaban tayo sa kabila ng salimuot at gulo ng buhay. Hindi sagot ang pagsuko sa anumang problemang kinahaharap natin.
Hinanap ko ang dahilan ng pagsuko sa pag-ibig sa palabas. Ngunit iba ang naabutan kong dahilan. Kumbaga, napakaraming factor kung kaya’t sumusuko sa love ang isang tao gaya ng pangarap, obligasyon at pamilya.
Bawat isa sa atin ay mayroong pangarap, obligasyon at pamilya. Gamitin natin ang mga ito upang mabago ang lumiliko-likong pananaw at umaandap-andap na paniniwala ng maraming Filipino.
Huwag nating sukuan ang pag-ibig. Huwag din nating sukuan ang pag-asam ng pagbabago—sa sarili, sa pamilya at lalong-lalo na sa mga nangyayari sa lipunan.
Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news