HomeFeaturesBuhayin ang Sining: 16 filmmakers kumasa

Buhayin ang Sining: 16 filmmakers kumasa

Kung may matatawag na take away mula sa mga pelikula, ang sining ay isang aparatu ng impormasyon at transpormasyon ng lipunan

Tunay nga namang mahirap ang bumuo ng film ngayong pandemya. Ngunit kumasa sa hamon ang 16 na filmmakers mula sa Luzon, Visayas, Mindanao at National Capital Region upang ipakita ang kanilang pinagdaraanang pagsubok ngayon sa pamamagitan ng kanilang napiling larangan — ang film.

Ayon pa kay National Committee on Cinema (NCC) chairperson Rolando Tolentino, kahalintulad ng buhay ng manonood at mamamayan, halaw ang kanilang kuwento sa ating kolektibong pagdanas at pagkadusta sa pandemiko. Binibigyang representasyon ng filmmakers hindi lang ang kanilang tinig at bisyon bilang artista ng bayan kundi ang tinig at bisyon na nagpupursigeng mabuhay ng marangal na manonood at mamamamayan ng ating bansa. Kung may matatawag na take away mula sa mga pelikula, ang sining ay isang aparatu ng impormasyon at transpormasyon  ng lipunan.




Eksena Part 1 of 2

Sa Eksena Part 1 of 2 ay mapapanood ang short films na “Walang Katapusang Hurno” ni Glenn Barit, “Soul Fish” ni Zurich Chan, “Lonely Girls” ni Pam Miras, “Joy Is My Mother’s Name” ni Carlo Enciso Catu, “Kalayo (Flame)” ni Keith Deligero, “K[u]adrado” ni Kyle Fermindoza, “The Right to Life” ni Arbi Barbarona at “From Itogon to London” ni Guillermo Ocampo.

Sa film ni Glenn Barit na “Walang Katapusang Hurno”, ipinakikita rito ang paglaban ng dalawang filmmakers na walang trabaho dahil sa coronavirus. Sa kawalan ng mapagkakakitaan ay bumili sila ng oven upang magkaroon ng income.

Sa sampung minutong film na ito ay pahapyaw kong nakita ang pagpapahiwatig kung anong klaseng gobyerno ang mayroon tayo ngayon.  

Isang pamilya na hindi makalabas dahil sa pandemya, iyan naman ang mababanaagan sa film ni Zurich Chan na “Soul Fish”. Sa labing-isang minutong pelikulang ito, sinusubukan ng pamilya Chan na malampasan ang hamon ng Covid-19 sa kanilang buhay.

- Newsletter -

Gaya nga naman ng isda sa aquarium, nakakulong ang marami sa atin sa sari-sarili nating tahanan.

Iba’t ibang emosyon naman ang maaabutan sa “Lonely Girls” ni Pam Miras—babaeng nag-aalala sa kanyang online work at naglalagas ang buhok, isang batang hindi makalabas ng kuwarto dahil sa kawalan ng koryente at ang yoga buff na may isyu sa katawan.

Nakasasakal ang quarantine, iyan ang napuna ko sa walong minutong palabas na ito.

Bigat ng dibdib, iyan naman ang ipadarama sa iyo ng sampung minutong film na “Joy Is My Mother’s Name” ni Carlo Enciso Catu. Isang pangyayaring ayon nga sa filmmaker na pinakamasakit ay ang mamatayan ng ina.

Gayunpaman, tuloy ang buhay sa kabila ng masasakit na pangyayari.

Repleksiyon ng sarili ang “Kalayo” ni Keith Deligero na pitong minuto ang haba. Ang tila mabilis na paglamon ng pandemya sa bawat isa sa atin.  

Pagkabagot at pag-iisa, iyan naman ang nababasa ko sa labing-isang minutong film na “K[u]adrado” ni Kyle Fermindoza. Nagsulat din siya sa papel na ginawa naman niyang bangka.

Tungkol naman sa Bakwit ang “The Right to Life” ni Arbi Barbarona. Ngunit sa pagbakwit ng Manobo mothers sa Talaingod at Kapalong, hindi na gulo ang naabutan nila doon kundi panibagong hamon—ang ma-lockdown dahil sa pandemic.

Engkuwentro ng isang young entrepreneur ang mapapanood sa labing-isang minutong film ni Guillermo Ocampo na “From Itogon to London”. Ipinakita rin sa palabas ang danas ng mga nagtatanim ng kape.

Eksena Part 2 of 2

Sa ikawalang bahagi ng Eksena ay masusubaybayan ang “Kneading Nothing” ni Hiyas Baldemor Bagabaldo, “Random People” ni Arden Rod Condez, “Alimungaw: Filming in a Time of Uncertainty” ni Bagane Fiola, “Akong Pinalangga (My Beloved)” ni Julienne Ilagan, “Gunam-Gunam x Guni-Guni” ni Khavn dela Cruz, “Mga Bag-ong Nawong sang Damgo kag Katingalahan (The New faces of Dreams and Mysteries)” ni Mark L. Garcia, “Hurop-hurop Kan Kapadagusan Kan Agi-agi Kan Gamgam na Adarna (A Meditation on the Possible Ending of the Mythical Bird Adarna)” ni Kristian Sendon Cordero at “Count” ni Adjani Arumpac.

Oras. Paglutang sa kawalan, iyan ang ipinakikita sa “Kneading Nothing” ni Hiyas Baldemor Bagabaldo na siyam na minuto ang haba.

Iba’t ibang couples naman ang masisilayan sa “Random People” ni Arden Rod Condez. Sa pitong minutong film na ito ay madarama ang nananalaytay na “romance” sa araw-araw na buhay ng mga nagmamahalan sa kabila ng kinahaharap na pagsubok ng bansa.

Sa sampung minutong film na “Alimungaw: Filming in a Time of Uncertainty” ni Bagane Fiola, mapapanood ang hirap sa pag-shoot ng pelikula ngayon dahil na rin sa health protocol at guidelines.

Pang-araw-araw na problema naman ang tinalakay sa sampung minutong film na “Akong Pinalangga” ni Julienne Ilagan. Pagkakaroon ng kapamilyang nurse na nagka-Covid. Hirap sa paghinga dahil sa face mask at face shield.

Kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ng dalawang karakter ang makikita sa sampung minutong film na “Gunam-Gunam x Guni-Guni” ni Khavn dela Cruz. Ibinabalik din tayo nito noong unang panahon.

Iba’t ibang mukha ang masisilayan sa “Mga Bag-ong Nawong sang Damgo kag Katingalahan” ni Mark L. Garcia”. Sampung minuto lang ang haba nito pero kinakitaan ko ng atake sa iba’t ibang mukha sa buhay at lipunan sa panahon ngayon.

Nagsimula sa itlog ang sampung minutong film ni Kristian Sendon Cordero na “Hurop-hurop Kan Kapadagusan Kan Agi-agi Kan Gamgam na Adarna”. Ginamit din ang mga librong magkuwento, gayundin ang mga kababaihan para mabuksan ang paksa tungkol sa cure mula sa “Ibon” na hindi lamang para sa Hari. Ngunit sa dulo ang sinasabing “mystical egg” ay niluto.

Panghuli ay ang “Count” ni Adjani Arumpac. Mababanaagan sa labintatlong minutong  film na ito ang pakikibaka sa panahon ng pandemya.  

Maiikli ang pelikula. Gayunpaman ay ganap na naipakita ang tila “virus” na pinagdaanan ng 16 na filmmakers sa ECQ: Eksena Cinema Quarantine (COVID-19 Filmmakers’ Diaries) na proyekto ng National Commission for Culture and the Arts – National Committee on Cinema (NCCA-NCC), sa pakikipagtulungan ng University of St. La Salle- Artists’ Hub.

“Sa gitna ng lockdown at pandemiko, mabuhay at kinakailangang buhayin ang sining para sa pagbabago ng mga katiwaliang dinanas at dinaranas sa lockdown,” wika pa ni Tolentino.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest