Nanawagan ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa mga deboto ng Poong Hesus Nazareno na makiisa sa “localized traslacion 2021” sa halip na dumagsa sa Quiapo church.
Ayon kay Father Danichi Hui, parochial vicar ng basilica, ginawang “localized” ang “traslacion” ngayong 2021 dahil sa banta ng COVID-19.
Humingi na ng tulong ang Quiapo Church sa mga simbahan sa Metro Manila at maging sa iba’t-ibang lalawigan upang magsagawa ng nobenaryo at mga Misa para sa kapistahan.
“Localize celebration, meaning sa provinces na pinagdalhan namin ng image ng Nazareno ay magsi-celebrate sila doon ng novena Masses at fiesta Mass,” ayon kay Father Hui.
“We also asked some parishes and dioceses to celebrate novena,” aniya.
Ibinahagi ng pari na kanilang hiniling sa mga lalawigan na may mas maluwag na panuntunan ng “community quarantine” ang pagsasagawa ng motorcade sa imahe ng Poong Nazareno.
“Ang hiling namin ay una, sumunod sa minimum health protocols, second, kung pupunta ng Quiapo, alamin muna ang mga entrance at exit para di maabala,” dagdag pa ni Father Hui.
Panawagan naman niya sa mga deboto na may karamdaman na huwag nang pumunta sa simbahan sa halip ay antabayanan at subaybayan na lamang sa social media pages ng Quiapo church ang selebrasyon.
Naniniwala ang basilica na sa pamamagitan ng “localized traslacion” ay mabawasan ang pagdagsa ng mga deboto sa Quiapo Church sa Enero 9.
Ilan sa mga lugar na bibisitahin ng imahe ng Poong Nazareno sa National Capital region ang Hospicio de San Jose; San Lazaro Hospital; Manila Cathedral; Greenbelt Chapel; Manila City Hall; Bureau of Fire Prevention sa Quezon City; Manila Police District; at ang Barangay 394 sa Maynila.
Bukod sa mga parokya sa National Capital Region ay may mga lugar din na bibisitahin ang replica image sa Northern at Southern Luzon.
Ipinapaalam din sa mga deboto na kanselado ang tradisyunal na “pahalik” sa image, sa halip ay gagawin ang “pagtanaw” kung saan ang imahe ng Poong Nazareno ay nakahimpil sa “canopy” ng simbahan sa harap ng Plaza Miranda na matatanaw ng mga deboto.
Sinabi ni Monsignor Hernando Coronel, rector ng basilica, na nakipag-ugnayan na ang mga opisyal ng Simbahan sa Santa Cruz Church at San Sebastian Church upang magsagawa ng Banal na Misa para sa kapistahan ng Poong Nazareno.
Pangungunahan ni Bishop Broderick Pabillo ng Maynila ang Misa sa araw ng kapistahan (January 9) ganap na alas kuwatro ng umaga.
Mula sa ulat ng Veritas 846