Magsasagawa ng “Biseklita de Traslacion” ang parokya ng Sto. Niño sa Mabini, Davao De Oro, bilang paggunita sa “traslacion” ng imahe ng Poong Hesus Nazareno sa Maynila.
Ayon kay Father Emerson Luego, kura paroko, bagama’t hindi maaring makapagsagawa ng nakaugaliang “traslacion” ang Diocese ng Tagum dahil sa pandemya, mas maluwag naman ang polisiya sa parokya na nasa Davao de Oro.
Ayon sa pari, nagsimula na ang Novena Masses bilang paghahanda sa “kapistahan” ng Poong Hesus Nazareno.
“Ara-araw po meron kaming traslacion,” ayon kay Father Luego sa panayam sa Radio Veritas 846.
Ayon sa pari, bilang tugon sa patuloy na ipinatutupad na health protocols, napagdesisyunan ng parokya na magsagawa ng “Biseklita de Traslacion,” isang “motorcade” ng imahe ng Mahal na Poong Hesus Nazareno habang nakasunod ang mga naka-bisikletang deboto.
Inaanyayahan din maging ang mga debotong hindi marunong magbisikleta na makibahagi sa “traslacion” maging sa pamamagitan ng mga motor at mga sasakyan.
“Kakaibang paraan ngayon dahil binabase po namin sa kung ano yung approve ng [pamahalaan],” ayon kay Father Luego.
Aniya, maraming bikers sa Davao de Oro, Davao del Norte at mga kalapit na probinsya.
“First time ito na magkakaroon ng tinatawag namin na ‘Biseklita de Traslacion,'” ayon sa pari.
“Magbi-bisekleta po kami kasi yun po ang approved … so si Ama (Mahal na Poong Hesus Nazareno), isasakay namin sa truck at susunod yung bikers,” aniya.
Iikot ang “Biseklita de traslacion” sa mga lalawigan ng Davao del Norte, Davao de Oro, at Davao Oriental.
Mula sa ulat ng Veritas 846