Home Diocesan Reports Mga obispo, nanawagan ng pagbabayanihan sa gitna ng bagyo't pandemya

Mga obispo, nanawagan ng pagbabayanihan sa gitna ng bagyo’t pandemya

Hinikayat ang lahat na patuloy na magpaabot ng tulong sa mga higit na nangangailangan lalo na sa mga residenteng matinding tinamaan ng bagyo

Nagpaabot ng panalangin ang Archdiocese of Manila sa mga biktima ng bagyong “Ulysses” na nanalasa at nagdulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at ilang mga lalawigan sa Luzon.

Ayon kay Bishop Broderick Pabillo ng Maynila, kinakailangan na ipalaganap ang pagkakaisa at pagtutulungan sa kabila ng magkakasunod na kalamidad at ang patuloy na banta ng pandemya.

Hinimok ng obispo ang bawat isa na patuloy na manalangin at tulungan ang mga naapektuhan ng bagyo.

Hinikayat din ng obispo ang lahat na patuloy na magpaabot ng tulong sa mga higit na nangangailangan lalung-lalo na sa mga residenteng matinding tinamaan ng bagyo.

“Magtulungan tayo sa ganitong panahon,” ayon sa obispo.



“Patuloy tayo na magdadasal, at pagkatapos ng bagyo, kung anumang mai-share natin, i-share natin sa iba, lalung-lalo na sa mga napinsala ng bagyong ito,” dagdag ni Bishop Pabillo.

Dalangin din ni Bishop Pabillo ang patuloy na patnubay ng Panginoon sa mga nasalanta ng bagyong “Ulysses.”

- Newsletter -

Hinimok naman Bishop Roberto Mallari ng San Jose, chairman ng Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, na pairalin ang pagmamalasakit sa kapwa sa panahon ng kahirapan.

“Ito yung panahon na sama-sama tayong nasasaktan at nasusugatan, pero ito’y pagkakataon din na magtulong-tulong at maipadama sa isat-isa na kung tayo ay nagkakaisa, mas matatag at matibay tayo,” aniya.

Panawagan ni Bishop Mallari sa mamamayan na patuloy ipagdasal ang kaligtasan ng mga direktang nasalanta ng bagyo lalo’t karamihan dito ay hindi pa nakabangon sa epekto ng bagyong “Rolly.”

Iginiit ng obispo na bukod tanging panalangin ang mabisang pananggalang ng tao laban sa anumang trahedya.

“Samahan po natin ng maraming dasal para maging mas matatag po tayo sa harap ng mga pagsubok na pinagdadaanan,” aniya.

Mula sa ulat ng Veritas 846

Leave a Reply

Make a difference!

We work tirelessly each day to support the mission of the Church by giving voice to the voiceless.
Your donation will add volume to our effort.
Monthly pledge

Latest