HomeDiocesan ReportsDiyosesis na tinamaan ng bagyo, tatanggap ng tulong mula sa Caritas Manila

Diyosesis na tinamaan ng bagyo, tatanggap ng tulong mula sa Caritas Manila

Naglaan ng tig-isang milyong piso ang Caritas Manila sa limang diyosesis na labis na nasalanta ng nagdaang super typhoon “Rolly.”

Ito ang inihayag ni Father Anton Pascual, executive director ng Caritas Manila, kasabay ng pahayag ng pagtugon naman sa mga nasalanta ng bagyong “Ulysses.”

Ayon sa pari, tuloy-tuloy pa rin ang pagtanggap ng donasyon ng Caritas Manila matapos ang isinagawang “Caritas Oplan Damayan Telethon” na nakakalap ng umaabot na sa walong milyong piso.




“Maraming tumugon sa ating ‘Typhoon Rolly Telethon,'” ayon kay Father Pascual. “Nakalikom tayo ng seven to eight million pesos,” aniya.

Kabilang sa mga tumanggap na ng tulong mula sa Caritas Manila ang mga diyosesis ng Legazpi, Daet, Virac, Catanduanes, at Gumaca.

Sa kasalukuyan ay naghahanda na rin ang social action arm ng Archdiocese of Manila para tumugon sa mga nasalanta ng bagyong “Ulysses” na nagdulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Kabilang sa mga lugar na labis na binaha ang Maynila, Marikina, Bulacan, Rizal, at Cavite.

- Newsletter -

Ayon sa ulat ni Father Michael Reuben Cron, social action director ng Diocese ng Imus, aabot sa 1,554 na pamilya, o 5,353 mga indibidwal, ang mga nagsilikas dahil sa epekto ng bagyo.

Ayon naman kay Father Dondi Sayson, director sa Diocese ng Gumaca, umabot sa 1,436 ang mga higit na apektadong pamilya sa diocese.

Malubha ring naapektuhan ang nasa 20 parokya, habang nasa 14 naman ang lubog sa baha.

May ilang kalsada rin ang hindi madaanan, tulad ng Maharlika Highway sa bayan ng Lopez at mula sa bayan ng Mulanay hanggang sa San Francisco.

Maayos at maganda naman ang panahon sa Diocese ng San Fernando de La Union at sa Archdiocese ng Lingayen-Dagupan bagamat naranasan ang malakas na pag-uulan at hangin na nagresulta sa mga tumbang puno at ilang tahanan na natanggalan ng bubong.

Samantala, sa mga diocese ng Alaminos at Urdaneta sa lalawigan ng Pangasinan at sa Archdiocese ng Nueva Segovia sa Vigan, Ilocos Sur, ay patuloy na nararanasan ang pabugso-bugsong hangin at pag-uulan.

Mula sa ulat ng Veritas 846

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest