Dapat lamang na agarang tugunan ng mga obispo ang pangangailangan ng mga pari lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Nanawagan si Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan, acting president ng bishop’s conference, sa kapwa niya obispo na tulungan ang mga pari upang maiwasan ang pagkalungkot at depresyon.
“I am also calling on my brother bishops na alalayan din natin ang mga pari natin lalo na ngayong panahon ng pandemya,” pahayag ni Bishop David.
Ang pahayag ng obispo ay kaugnay sa mga naiulat na pagpatiwakal ng ilang lingkod ng Simbahan sa Apostolic Vicariate ng Calapan, sa Mindoro, at nitong huli sa Diyosesis ng Antipolo.
Aminado si Bishop David na hindi ligtas ang mga pari sa kalungkutan sapagkat mga tao rin ito na maaring makaranas at mabiktima ng mental health issues dulot ng pagkabalisa, trauma, at iba pang sanhi ng depresyon.
Inihayag ng obispo na may mga pari na nalulungkot at apektado sa krisis pangkalusugan dulot ng coronavirus pandemic sapagkat hindi nagagawa ang tungkulin bilang pastol ng Simbahan dahil na rin sa mga limitasyong ipinatutupad upang makaiwas sa pagkahawa.
“Many of them are also very vulnerable,” ayon kay Bishop David.
“I know some of them feel depressed and very guilty dahil hindi sila makalabas and they cannot attend to their pastoral duties,” ayon sa kanya.
Dahil dito hinikayat ng obispo ang mga lingkod ng Simbahan na maging malikhain sa pag-abot sa mga parishioners gamit ang makabagong teknolohiya sa tulong ng internet at social media.
Naunang sinabi ni Father Dan Cancino, executive secretary ng Episcopal Commission on Health Care, na mahalagang pagtuunan ng pansin ang pangangalaga sa mental health lalo ngayong panahon ng pandemya.
Hinimok rin ni Father Victor Sadaya, CMF, executive director ng Porta Coeli Center for Psychotrauma Management, ang simbahan na magkaroon ng programang pangkalusugang mental para sa mga pari at lumikha ng support group.
Mula sa ulat ng Veritas 846