Umaasa sai Bishop Broderick Pabillo ng Maynila na gamitin rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kapangyarihan na magkaloob ng “absolute pardon” sa mga Filipinong bilanggo na karapat-dapat ng pagkalooban ng kapatawaran.
Ayon sa obispo, kung binigyan ng pangulo ng “absolute pardon” si US Marine Joseph Scott Pemberton na nahatulan ng 10-taong pagkabilanggo matapos patayin ang transgender na si Jennifer Laude ay dapat ding gamitin palayain ng pangulo ang mga Filipinong bilanggo.
Sinabi ni Bishop Pabillo na isa rin itong paraan upang mapaluwag o ma-decongest ang mga bilangguan sa bansa.
“Ang presidente ng bansa ay mayroon ngang karapatan at kapangyarihan na magbigay ng absolute pardon. He exercised this power to Pemberton and also to other prisoners, pero ang daming mga Filipino sa mga bilanguan natin na natutulog ang mga kaso nila, bakit hindi gamitin ang prerogative na ito na magpatawad para bigyan ng pag-asa ang mga bilanggo at ma-decongest pa ang ating mga bilangguan na punong-puno, umaapaw pa beyond their natural capacity,” ayon kay Bishop Pabillo sa kanyang Misa sa Radio Veritas.
Iginiit ng obispo na maraming matatandang may sakit at matagal ng bilanggo ang napapabayaan sa loob ng mga bilangguan na nangangailangan ng kapatawaran at awa tulad ng ipinagkaloob ng pangulo kay Pemberton.
Binigyang diin din ni Bishop Pabillo na dapat na maging patas at makatarungan ang pagkakaloob ng pangalawang pagkakataon sa lahat ng mga bilanggo na pawang nagkasala at pinagbabayaran na ang nagawang kasalanan.
Ibinahagi ng obispo na ang usapin ng pagpapatawad ay hindi lamang usapin ng relasyon sa kapwa at sa Panginoon kundi kinakailangan ring tingnan ang kalagayan ng lipunan o ng pangkalahatan.
Matatandaang taong 2014 ng hinatulang nagkasala ng homicide si Pemberton matapos mapatay si Laude.
Sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology aabot na sa mahigit 100,000 ang bilang ng mga bilango sa higit 400 kulungan sa bansa na nakalaan lamang para sa 26,000 inmates.
Mula sa ulat ng Veritas 846