Binuksan na ang Immaculate Conception Cathedral ng Pasig sa mismong kaarawan ng Mahal na Birheng Maria nitong Setyembre 8.
“Nagagalak kami unang-una kapag sinabi nating pagdiriwang ng pagsilang, ng kaarawan, ay signal po yan ng bagong buhay at simula,” ayong kay Bishop Mylo Vergara ng Pasig.
Magugunitang isinara sa publiko ang naturang simbahan nang sumailalim sa preventive quarantine ang lahat ng kawani makaraang magpositibo sa Covid-19 si Father Bernardo Carpio, ang parochial vicar ng katedral na kalaunan ay gumaling mula sa karamdaman.
Paliwanag ni Bishop Vergara, may ilang araw nang natapos ang quarantine period sa simbahan ngunit napagdesisyunan ng pamunuan na muli itong buksan kasabay ng kapistahan ng kapanganakan ng Mahal na Birhen.
Sinabi ng obispo na malaking kapistahan ito ng Pasig bagamat ang patron nito ay Immaculate Conception na ipagdiriwang ng Simbahang Katolika tuwing ikawalo ng Disyembre sapagkat ito ay mahalagang araw sa Mahal na Ina.
Tiniyak ni Bishop Vergara na mahigpit ang pagpapatupad ng cathedral ng safety health protocols sa loob ng simbahan lalo na ang tatlong metrong agwat para sa physical distancing batay na rin sa patakaran ng Lungsod Pasig upang matiyak ang kaligtasang pangkalusugan ng mga mananampalataya.
Limitado pa rin sa sampung porsyento ng kabuuang kapasidad ng simbahan ang pinapayagang makadadalo sa misa.
Mula sa ulat ng Veritas 846