HomeCommentaryCHEntimyento sa “new normal”: Bakit tila ako ang nag-enroll?

CHEntimyento sa “new normal”: Bakit tila ako ang nag-enroll?

Nakagugulantang ang “new normal”. Tila naglahong parang bula ang mga nakasanayan na nating gawin.  

Ang nakahiligang pagtambay sa coffeeshop para namnamin ang may kamahalang kape habang nagtatrabaho o nakikipagkuwentuhan sa kapamilya’t kaibigan ay bigla na lang nagbago. Ang karaniwang ginagawa ng marami sa ating maglalakad-lakad sa mall kahit wala namang bibilhin ay hindi na natin maaari pang gawin.

Bawal na rin tayong lumabas nang hindi nakasuot ng face mask at face shield. Bawal lumapit sa mga tao. Bawal ang umpukan. Higit sa lahat, internet na ang gagamitin upang maipagpatuloy ng bawat kabataan ang kani-kanilang pag-aaral.




Expectations vs Reality

Noong una, walang kaso sa akin ang online class. Tingin ko nga naman kasi, mas mapadadali nito ang lahat: kumbaga, hindi na ako magkukumahog na gumising ng maaga para asikasuhin ang anak kong limang taong gulang. Hindi na ako magmamadaling magluto para mapakain siya at maipaghanda ng babaunin, paliliguan at bibihisan pagkatapos ay ihahatid pa sa school.

Kaya’t  sa isip-isip ko, kung mag-o-online class, mas dadali ang lahat.

Pero doon ako nagkamali. Guni-guni ko lang pala ang lahat. Mas malaking partisipasyon pala ang dapat kong ibigay sa pag-o-online class ng anak ko. Kumbaga, kung petiks ako noong nagtutungo siya sa school, ngayon ay doble ang kailangan kong gawin.

- Newsletter -

Una, ang paggising ng maaga. Eight o’clock ang pasok ng anak ko kaya’t bago ang oras na iyon, kailangang gising na ako para ihanda ang gadget na gagamitin namin: siguraduhing naka-charge ito.

Ikalawa, i-check kung malakas ang signal. Alam naman nating dito sa bansa, maihi lang ang surot ay bumabagal na ang internet. Ang masaklap pa naman, tag-ulan na at nagsisipagdatingan na rin ang kaliwa’t kanang bagyo.

Ikatlo, tabihan ang anak habang nag-o-online class. Baka kasi may ipakuha si Teacher. Biglang maputol ang signal. O may kailangang pindutin sa gadget na gamit.

Ikaapat, ang maya’t mayang pagtse-check ng teacher-parent group chat at email. May group chat na ginawa para nakakapag-usap ang mga magulang ng estudyante at teacher. Kailangan ding silip-silipin ang email para sa mga home activity na kailangang gawin ng anak.

At panghuli, maging taga-video at picture ng anak dahil may mga activity na kailangang gawin sa bahay. At ang pruwebang nagawa iyon ng anak ay ang pagkuha ng litrato at video saka ipadadala kay Teacher.

Limang taon pa lamang ang anak ko at kindergarten pa lang ito kaya’t pareho kaming nag-a-adjust sa “new normal”.

Pros at cons

Taong 2001 pa lang sinasabing tumaas ang demand ng online courses sa mga college students. Sa August 2011 “Pew Research Center” report, lumalabas na 89% ng public at 60% naman ng private colleges ang nag-o-offer ng online courses.

Puwede nating sabihing mas convenient ang online classes sa mga working student.

Sa ginawang pag-aaral noong July 2011 ng Columbia University College Research Center sa Washington Community College students, lumalabas na mas malaki ang porsiyentong bumagsak sa klase ang nasa online kaysa sa traditional courses. Napag-alaman ding 90% ang mga nakatapos sa traditional courses samantalang 82% lamang ang nakapagtapos sa online classes.

Dito sa Filipinas, pahirapan ang signal. Sa mga probinsiya, may umaakyat pa ng puno para lang makasagap ng signal. Paano na ang pag-aaral ng mga batang Filipino sa ganitong sistema na hindi naman lahat ay may access sa cellphone o laptop?

Ngayon ay may napapabalita pang babae na napilitang magbenta ng nudes para lang magkaroon ng pang-enroll. Nag-viral ito sa Twitter kaya naman kinalampag ng netizens ang gobyerno at tinawag ang pansin ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (Ched).

Hindi na nakapagtataka na tinawag din ng ilan na “anti-poor” ang online classes.

Sabagay, isipin na lang natin: paano ang mga walang pambili ng magandang gadget, e ‘di kulelat na lang?

Hindi lang din gadgets at internet ang problema natin dito. Kailangan din ng pang-enroll. Ayon na rin sa mga ulat ng Social Weather Stations, 7.3 million ang nawalan ng trabaho dahil sa Covid-19. Saan huhugot ng panggastos ang mga magulang?

Nagpapaalam ang isang guro sa kanyang klase matapos ang kanilang ‘online session’ sa Harrell Horne Integrated School sa bayan ng Molino sa Cavite noong July 14, 2020. (Larawan kuha ni Angie de Silva)

Sino ba ang dapat na magdesisyon: Anak o magulang?

Isa talaga sa option ng magulang at estudyante ang online class lalo na ngayong panahong kumakaharap tayo sa pandemya. Maraming magulang ang mas pipiliing huwag na munang pumasok ang kanilang anak kung magbabalik eskuwelahan. Kaligtasan nga naman ang mahalaga at dapat unahin.

Ganoon na nga ang nangyari. Biruin n’yo nga naman na 6 milyon sa elementarya at high school ang hindi nakapag-enroll ayon sa DepEd. Kaya’t naging paraan sa problemang ito ang online classes.

Maganda ang ideya na mag-online class na lang ang mga estudyante ngayong panahon ng pandemya. Importante naman talaga ang pag-aaral. Pero hindi naman lahat ng estudyante ay mayroong gadget at internet na magagamit. Maraming dapat na isaalang-alang sa ganitong desisyon o usapin.

Halimbawa na lang, sabihin nating mayroon ka ngang gadget na magagamit sa online class, pero paano kung mamatay o maputol bigla ang signal?

Nangyari iyan sa amin ng anak ko. Sa kalagitnaan ng klase ay bigla na lang na naputol ang internet connection. Nag-panic ang limang taong gulang kong anak dahil hindi pa daw tapos ang klase niya pero naputol na ang koneksiyon.

Isa pang halimbawa diyan ay ang nangyari sa hubby ko. May tinanggap siyang lecture on journalism via online. Tutal usong-uso na nga naman ang webinar, Google meets at Zoom ngayon, pinagbigyan niya ang nag-imbita sa kanya lalo’t para rin naman ito sa mga estudyante.

Mahigit na limampung estudyante ang makikinig ng kanyang lecture. Pero sa kasamaang palad, mahigit-kumulang 15 lang ang nakapasok. At wala pang ilang minuto, hindi na sila magkaintindihan dahil napuputol ang signal.




May karapatan naman ang bawat estudyante at magulang na mamili ng sa tingin nila ay makabubuti para sa kani-kanilang mga anak. Puwedeng mag-online class at puwede rin namang hindi. Sabi nga ng ilang nakatatanda, noong World War II, halos isang taong hindi nakapasok ang mga bata. Hindi naman ito naging hadlang sa kanilang kaalaman.

Sa experience ko, hindi ko rin naman masisisi ang ilan kung bakit umaayaw sa online class. Suwerte siguro ang mga magulang na malalaki na ang anak o nasa elementary, high school at college. Hindi na nila kailangang minu-minutong bantayan kapag nag-o-online class. 

Pero sa mga estudyante, sabihin na nating ayaw na ayaw ninyong mag-online class, ano naman ang maipapangako ninyo sa inyong sarili para hindi masayang ang pagdaan ng taon?

Masasabi n’yo bang magsisipag kang mag-aral ng ikaw lang? Matitiyak n’yo bang magbabasa ka ng mga libro para madagdagan ang iyong kaalaman? Baka naman mas piliin ninyong manood ng K-drama at humilata na lang sa kama. Sa pagtulong lang sa gawaing bahay, marami na kayong matututunan.

Timbangin din natin ang mga bagay-bagay. Isipin kung ano ba talaga ang makabubuti sa atin. Huwag sana nating sisihin ang mga gurong gusto lamang makatulong para sa inyong kinabukasan.

Kung ang mga guro lang siguro ang masusunod at hindi ang DepEd at Ched, baka piliin na rin nila ang huwag munang ipagpatuloy ang pagtuturo ngayong may pandemya. Pero hindi rin naman maipagkakailang kailangan nilang magtrabaho at kumain.

Gayunpaman, hindi lang sa eskuwelahan tayo natututo. Para sa batang nais madagdagan ang kaalaman, ang buong mundo ang kanyang paaralan.

‘Ika nga ng marami, sa tahanan nagsisimula ang kaalaman.

Si Che Sarigumba ay isang mamamahayag, editor at premyadong nobelista. Ang ano mang opinyon o pananaw ng manunulat ay kanya lamang at walang pananagutan dito ang LiCAS.news

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest