Home Commentary Ang resbak ni FPJ

Ang resbak ni FPJ

Kung ang kasalukuyang tunggalian sa internet sa pagitan ng Simbahan at mga kalaban nitong puwersang imoral ay isang pelikulang Pilipino, ang una ay tila si Fernando Poe Jr. na nagpabugbog muna bago bumawi sa bandang huli.

Hindi pa ba tayo natatauhan sa katotohanang ang battlefield sa pagitan ng mabubuti at masasamang puwersa ay ang internet? Anyway, ang hindi natin pagdedebatehan dahil halata naman ay maraming sektor ng lipunan ang dinidiktahan ng teknolohiya.

Marahil ay sa ibang planeta ka nakatira kung hindi mo napapansin ang mabilis na pagbabago ng mundo dahil sa mabilis pa sa kidlat na ebolusyon ng information and communication technology.



Dati-rati, matalino na ang isang taong nakakabasa ng isa o dalawang diyaryo. Lumipas na ang panahong ‘yun! Nangangamatay na nga ang mga diyaryo sa Estados Unidos, kahit yung mga tinuturing na establisado na at mahigit nang 100 taong nagnenegosyo.

Nagsimula ang unti-unting pagpanaw ng mga diyaryo at iba pang tradisyonal na media na maimbento ang internet noong 1989 ni Tim Berners-Lee. Bago ito ay naimbento ang personal computer, na noo’y tinuturing pa lamang na isang “over-glorified calculator.”

Naabot nito ang pontensyal niya nang dumating nga ang internet at kasunod nito ay ang electronic mail or e-mail. Sunod-sunod nang dumating ang e-newsletter, online newspaper na de-kulay pa, pagkatapos ay iba’t ibang social media sa pangunguna ng Facebook. Ngayon ay parte na ng buhay ng mga tao ang YouTube, Instagram, at Twitter.

Lahat ay sumakay na yata sa “digital bandwagon” na ito—ang military siyempre na siyang nagpasimuno nito, ang negosyo lalo na ang mga may-perang korporasyon, ang burukrasya, ang mga pulitiko, at kahit ang mga NGO.

- Newsletter -

Pero kapansin-pansin na nangungulelat ang Simbahan. Tila nakalimutan na may utos si Jesus sa lahat ng mga disipulo niya na “[h]umayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng tao,” at ang internet sana ang makapagpapadali sa pagsunod natin dito.

“Content is king,” ‘yan ang mantra ng mga “techie” kaya’t nagkukumahog ang lahat makagawa ng mga mensaheng tunay na nakaka-engage. Walang problema ang Simbahan dito dahil hitik na hitik ito kung mensahe lang ang pag-uusapan.

‘Yun nga lang, tila napakabagal ma-gets ng maraming taga-Simbahan na God-given ang internet at ito ay swak na swak gamitin para sa misyon nito.

Tila hindi tayo nag-oobserba sa nagbabagong kultura ng mga tao. Sa ngayon, wala kang gagawin kundi ang dumukot sa bulsa mo at ilabas ang iyong smartphone kung may impormasyon kang ibig malaman o kung gusto mo lamang ma-entertain. Bukod sa pagiging telepono, ang gadget na ring ito ang encyclopedia, isang buong newsstand na puno ng mga diyaryo, telebisyon na sandamakmak ang channel, radyong sangkatutak ang istasyon, at kung anu-ano pa.

May kapangyarihan na ang mga “netizen” na bisitahin ang alin man sa libu-libong website at iba’t-ibang media platform na gusto nila. Sa buong kasaysayan ng mundo ay hindi pa nagkakaroon ng ganito kalawak na “marketplace of ideas.”

Sa kabila nito ay kasing bagal pa rin ng pagong ang Simbahan sa pag-take advantage sa teknolohiyang regalo ng Diyos.

Nang dumating ang pandemiya ng Covid-19. Nabago ang pananaw ng maraming taga-Simbahan tungkol sa internet, palibhasa ay ipinagbawal ng gobyerno mula pa noong kalagitnaan ng Marso ng taong kasalukuyan ang mass gathering, kabilang ang face-to-face na pagsamba sa loob ng mga lokal na simbahan.

“No choice” kundi dumiskarte. Sa tulong ng mga “techie” na mga miyembro lalo na sa hanay ng mga kabataan, nagkaroon ng virtual everything—mass o worship service, Bible study, evangelism, mga webinar tungkol sa iba’t ibang pag-aaral ukol sa teolohiya at isyung pangsimbahan, care group sessions at iba pa.

Nagising ang Simbahan sa katotohanang may kapangyarihan pala ito na bahain ng mga maka-Diyos at positibong mga content ang internet na dati ay dominado ng mga trolls, mga bitter na taong gustong ibahagi ang kanilang negativity, mga kabastusan, mga pulitikal na pag-atake sa kanilang mga kalaban sa eleksyon, mga personal na paninira, at iba pa.

Pandemic lang pala ang kailangan. Kung minsan ay pwede palang gawing positibo ang isang negatibong bagay kung may sapat ka lang na imahinasyon.

Ngunit hindi dapat magpakakampante. Nakaresbak na ang mabubuting puwersa sa pangunguna ng Simbahan. Nabawi na nito ang “lost grounds” sa internet na inokupa ng mga kalaban. Hindi ito dapat isuko kung mayroon mang counter-attack ang kabila.

Tiyak kasi na nagpa-plano na rin ng panggulat na resbak ang kabilang kampo. Tuloy ang giyera kaya hindi dapat mag-relax.

Si Fort Nicolas ay isang editor at mamamahayag. Ang opinyon dito ay tanging sa kanya lamang at hindi repleksyon ng opisyal na paninindigang editoryal ng LiCAS.news.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Leave a Reply

Make a difference!

We work tirelessly each day to support the mission of the Church by giving voice to the voiceless.
Your donation will add volume to our effort.
Monthly pledge

Latest