HomeCommentary‘Harvest time’ para sa mga trafficker

‘Harvest time’ para sa mga trafficker

Napigil nga ng coronavirus ang pag-ikot ng mundo ngunit hindi ang regular na operasyon ng mga sindikato ng human trafficking.

Ito ang rebelasyon ng isang grupo ng ilang non-government organization, people’s organization, mga simbahan, at ilang kinatawan ng gobyernong lokal na tahimik na ipinagdiwang ang National Day Against Trafficking of Persons nitong Huwebes, Hulyo 30, sa pamamagitan ng isang virtual round-table discussion.

Kahit paano ay gustong makagawa ng ingay ang grupo upang hindi isipin ng mga sindikato na libreng-libre na silang magtuloy-tuloy sa kanilang karumal-dumal na negosyo dahil wala namang nakamasid at magsusumbong sa kanilang ginagawa.




Ayaw papigil sa COVID-19 ang Girls Advocacy Alliance (AGA) sa kanilang misyong mapigil ang child trafficking sa bansa. Hindi dapat manahimik, anila, kahit walang kibo ang mundong nakatutok sa pananalasa ng coronavirus.

“Kung hindi nagpapahinga ang mga sindikato ng human at child trafficking, bakit kami magpapahinga?” katwiran nila. Kaya tuloy ang kanilang pagpapataas ng kamalayan ng mga tao sa krimeng ito.

Partikular nilang isinusulong ang pagpapatibay ng ordinansa sa Lungsod ng Maynila upang sa mas epektibong pag-implementa ng Republic Act 9208 sa lokal na antas.

Sa lebel na ito — barangay, bayan, at siyudad — umano aktibo ang mga sindikatong nabanggit kaya ordinansa pa rin sa local government unit o LGU ang kailangan upang maging epektibo ang pambansang batas.

- Newsletter -

Malinaw na ordinansa ng Maynila umano ang makakabagal, kung hindi man makakapigil, sa mga nabanggit na kriminal sa dahil sa laki ng kita na nakukuha nila mula sa iligal na gawain.

“This is a multi-billion-peso business,” wika ni Norman Franklin Agustin, ang executive director ng Lingap Pangkabataan Inc. (LPI), isa sa mga miyembro ng alyansa at nag-host ng diskusyon.

Bakit gigil na gigil ang GAA na maipasa ang isang ordinansa sa Lungsod ng Maynila? Hindi lang kasi kapitolyong siyudad ito ng bansa kundi ito rin ang paboritong bagsakan ng mga human trafficking syndicate ng kanilang mga biktima, na karamihan ay mga babae at mga menor de edad.

“Mabilis mag-evolve ang iligal na gawaing ito,” paglalahad ni Vida Subingsubing ng Philippines Against Child Trafficking (PACT).

“Bago pa siya sa atin.” Aniya, sumasabay ito sa teknolohiya, tulad ng paggamit sa internet at social media upang maisagawa ang krimen.

“Mas magandang may batas na susuporta sa ating adbokasya,” pagdidiin ni Subingsubing.

Sa kabila ng kawalan ng ordinansa ay marami na umano ang inisyatiba ng pamahalaan ng Maynila, ayon kay prosecutor ng lungsod na si Winnie Edad.

Mula noong taong 2015, ayon kay prosecutor Edad, 254 na biktima na ang natutulungan ng lungsod, sa kabila ng maraming problemang internal tulad ng pagiging kontraktwal lamang ang mga tauhan ng kanyang opisina na sumusweldo pa nang wala sa oras.

“We are winning the battle,” aniya, bagama’t inamin niyang hindi agad-agad matatapos ang labanan.

Mas matibay at epektibo ang paglaban sa mga sindikato at pagpapahinto ng karumal-dumal na krimen kung mako-consolidate ang mga inisyatibang binabanggit ni Prosecutor Edad.

Sa ganitong paraan pa lamang magkakaroon ng tunay na mga ngipin ang batas na kakagat sa mga pasaway na sindikato ng human trafficking. Lalong manginginig ang tuhod ng mga criminal kung may mabubuong komite sa lokal na antas na siyang tututok sa pagpigil sa krimn, pangangalaga ng mga biktima, at pagpapanumbalik ng kanilang nasirang mga buhay sa upang makaagapay silang muli sa agos ng lipunan.

Bukod sa Maynila, ang pagsusulong ng kaparehong adbokasya ay isinusulong din sa Navotas at Olongapo, mga lugar na kung saan ay aktibo rin ang mga nasabing criminal.

Kung maaari nga lamang ay sabay-sabay na sa iba’t ibang probinsya, bayan, lungsod, at barangay ng bansa upang tuluyan nang gumarahe ang mga sindikatong ilang libong buhay na ang sinira.

Sa tanong ng iba na bakit sinasabay pa ng grupong ito ang tila hiwalay na isyu ng human (lalo na ang child) trafficking sa higanteng problema ng COVID-19 pandemic, may lohikal na dahilan diyan.

Sa malawakang recession na inaasahang wawasak at luluray sa ekonomiya ng bansa natin na dati nang mahirap, marami ang magiging desperado. Survival kasi ang usapan. May mabalitaan lamang na oportunidad ng hanap-buhay ay tiyak na kapit-patalim agad ang marami.

Ito ay perpektong sitwasyon para sa mga human traffickers. Para silang mga magnanakaw ng pananim sa isang masaganang taniman habang ang may-ari ay tulog na tulog.

Kailangang may mag-ingay upang magising ang may-ari at maitaboy ang mga pasaway na mga kriminal.

Si Fort Nicolas ay isang editor at mamamahayag. Ang opinyon dito ay tanging sa kanya lamang at hindi repleksyon ng opisyal na paninindigang editoryal ng LiCAS.news.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest