HomeCommentaryKultura ng ‘rape,’ mapipigil pa ba?

Kultura ng ‘rape,’ mapipigil pa ba?

Paminsan-minsan, nakakatulong din pala ang pagiging tsismosa sa paglutas ng isang problema. May nangyari kasi na dahil sa pakikialam sa kapitbahay, napigil ang eksploytasyong sekswal ng isang grupo ng mga bata.

Isa ito sa mga kasong hinawakan ni Atty. Jewel dela Cruz ng International Justice Mission (IJM). Ikinwento niya na isang babae ang nagsumbong sa mga pulis dahil pinagsuspetsahan niya ang kanyang kapitbahay na may milagrong ginagawa. Bakit, aniya, laging may marami itong dalang ipinamimili mula sa supermarket at mall samantalang wala naman itong trabaho.

Nang inimbestigahan ng awtoridad, napatunayang ibinubugaw ng kapitbahay sa mga banyaga ang dalawa niyang anak at isang pamangkin—pawang mga menor de edad—sa pamamagitan ng “online pornography.”




Wala umanong mali sa ginawa ng tsismosang kapitbahay dahil pinapayagan ng batas na magsampa ng kaso ang kahit sinong may alam na may nangyayaring eksploytasyong sekswal dahil ito ay itinuturing na “crime against person.”

Dapat talagang maging mapagbantay sa mga nangyayari sa paligid, lalo pa at marami ang ganitong mga pangyayari. Sa loob ng isa’t kalahating buwan mula nang mag-“quarantine” sa Pilipinas upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng coronavirus noong ika-15 ng Marso hanggang katapusan ng Abril, nakapagtala ng 804 insidente ng panggagahasa.

Tinatayang isa lamang sa sampung kaso ng panggagahasa ang nakararating sa awtoridad hindi pa man nagkakaroon ng pandemic. Dahil sa “lockdown,” hindi malayong mas higit pa sa average na 1,000 ang kaso buwan-buwan ang nangyari noong unang isang buwan at kalahati ng quarantine.

Sa kanyang mensahe sa isang Zoom forum kamakailan na may pamagat na “End Rape,” sinisisi ni Attorney Dela Cruz sa ang kultura ng mga Pilipino, partikular ang konseptong “hiya,”kaya ganito kababa ang bilang.

- Newsletter -

May isa pang dahilan, ang tinatawag na “victim-blaming,” kaya ayaw ireport ang pangyayari. Sino ba naman maglalakas ng loob umamin at ibuyangyang sa publiko ang kahihiyan at pagkatapos ay ikaw pa ang sisisihin?

“Bakit kasi maiksi ang shorts mo? Bakit ka kasi gumala ng gabi? Napag-interesan ka tuloy ng mga lalaki!” Ganyan sinisisi ang mga biktima.

Ayon pa rin kay Atty. Dela Cruz, mayroong sapat na batas, kung ito lang ang pag-uusapan, upang mapigil ang imoral na gawaing ito. Hindi rito ang problema kundi nasa utak at gawi pa rin ng mga tao.

Nakagugulat ang paninisi ni Pastor Kakay Pamaran ng Union Theological Seminary sa Simbahang Kristiyano sa patuloy na pamamayagpag ng karumal-dumal na gawain. Kunsabagay ay may mga nabasa na nga akong mga artikulo at libro na may ganitong opinyon.

Aniya pa, ang relihiyon ay napakalakas na impluwensiya sa kultura ng mga Pilipino. Dahil umano 87 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ay Kristiyano (7 porsiyento dito ay ang mga tinatawag na Protestante), nasa pagpapahalaga nila na ang lipunan ay nararapat na dominado ng mga lalaki dahil ito ang itinuturo ng Bibliya.

Partikular niyang binanggit ang babaeng papatayin na sana ng mga tao sa pamamagitan pambabato ngunit sinabi ni Jesus, “Kung sino man sa inyo ang hindi nagkasala ay siyang unang bumato babaeng ito.”

Sa paningin ni Pastor Pamaran, ang ganitong kaisipan ay nagsusulong upang isipin ng mga lalaki na kaya nilang gawin sa mga babae ang anumang gusto nila, kabilang na ang pang-aabusong sekswal. “Dapat pagsisihan ito ng Simbahan,” aniya.

Isa pang pastor, si the Rev. Joy Pring, ay nagsabing bagama’t may “gender injustice” na mapapansin sa Banal na Aklat, mayroon din itong mga kwento na nagpaparangal at nagpapahalaga sa kababaihan.

Sa paningin ng manunulat na ito, sa maraming aspeto ng ating kultura ay dominado ng mga kababaihan. Kahit nga ang ilang sektor na sa tradisyon ay hawak ng mga lalaki – tulad ng pulitika at burukrasya – ay marami na rin mga kababaihan. Hindi naman siguro eskandaloso na sabihing halos pantay na ang estado ng kalalakihan at kababaihan sa lipunang Pilipino.

Malinaw na talamak pa rin ang eksploytasyong sekswal sa lipunan natin. Paano pababain ang bilang nga mga insidente ng ganitong klase ng pang-aabuso? Maging mapagbantay sa mga nangyayari sa paligid. Ihinto ang “victim-blaming,” at tiyakin ang mabilis na katarungan sa pamamagitan ng agarang pagpaparusa sa mga nagkasala. Higit sa lahat, makialam.

Kapag ginawa ng lahat o karamihan ito, makapagligtas sila ng ng buhay at karangalan ng mga bata at iba pang taong madaling pagsamantalahan.
At hindi tsismis ‘yan.

Si Fort Nicolas ay isang editor at mamamahayag. Ang opinyon dito ay tanging sa kanya at hindi repleksyon ng opisyal na paninindigang edityoryal ng LiCAS.news.

© Copyright LiCAS.news. All rights reserved. Republication of this article without express permission from LiCAS.news is strictly prohibited. For republication rights, please contact us at: [email protected]

Support LiCAS.news

We work tirelessly each day to tell the stories of those living on the fringe of society in Asia and how the Church in all its forms - be it lay, religious or priests - carries out its mission to support those in need, the neglected and the voiceless.
We need your help to continue our work each day. Make a difference and donate today.

Latest