Sa tuwing binabasa ko ang introduction ng kuwento ni San Juan sa ebanghelyong binabasa sa Misa ng Huling Hapunan, para akong naiiyak. Makabagbag damdamin kasi.
Parang katulad ng sinasabi ng kanta ng band Color It Red na inawit ni Cookie Chua na pinamagatang PAGLISAN, na paborito ng maraming Pilipino, isang kantang nakakaiyak din.
Narinig ko nang kinanta ito sa isang choir sa funeral Mass ng kanilang choirmaster na namatay dahil sa sakit na cancer. Sa simula pa lang kanta, rinig ko nang gumagaralgal ang mga boses nila.
“Kung ang buhay ay isang umagang nakangiti
at ikaw ay ang lupang sinusuyo ng bituin
Di mo man silip ang langit
Di mo man silip ito’y nandirito pa rin.”
Pero sa refrain bumigay na sila talaga. Kaya tumulong ang lahat ng nagsisimba na makikanta sa refrain dahil alam din naman nila ang kanta. Nagsimula na kasing maghahagulgol noon ang mga choir doon sa parteng makabagbag damdamin:
“Kung ang lahat ay may katapusan, itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan ang tanging pabaon ko ay pag-ibig.”
Ganito rin ang sinasabi ni San Juan sa kuwento niya tungkol sa mga pangyayaring naganap noong gabing iyon ng kanilang huling pagsasama. “Alam ni Hesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga alagad…at ngayon ay ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pagmamahal sa kanila.”
Dahil kapag Semana Santa sanay naman tayo sa mahahabang pagbasa sa ebanghelyo, minsan wish ko lang na sana, sa Misa ng Huling Hapunan, ang basahin para sa ebanghelyo ay hindi lang ang chapter 13, kundi ang buong Farewell Address ni Hesus. Introduction lang kasi ang kuwento ng hapunan at paghuhugas ng paa sa chapter 13. Meron din namang sariling mga ulat sina San Mateo, Markos at Lukas tungkol sa Huling Hapunan. Pero ang malaking pagkakaiba, kay San Juan, may kasunod pa ito na apat na chapters ng mga Salitang iniwan daw ni Hesus sa kanyang mga alagad bilang Habilin, bago siya tuluyang lumisan.
Hindi pala si Jose Rizal ang unang umimbento ng Ultimo Adios. Mas mahaba pa nga ang “Ultimo Adios” ni Hesus. Sana kung may oras kayo sa inyong pagbibisita iglesia, basahin ninyo sa cell phone ninyo ang Habilin ni Hesus sa John chapters 14-17. Para na rin kayong kasama ng mga alagad noong gabing iyon bago siya inaresto, sinintensyahan at ipinako sa krus.
Bispera daw iyon ng Paskuwa, sabi ng awtor. Alam ni Hesus na inihahanda na ang mga korderong iaalay sa mga pari ng templo para patayin at katayin. Ang alam niyang mangyayari na hindi alam ng mga alagad ay—siya ang korderong pinaghahandaan nilang pagsaluhan.
Alam din ni Hesus na papasok na siya sa pinakamatinding sandali ng kanyang pakikipagtuos sa kalaban. Hindi naman ang mga sundalong Romano ang kalaban niya. Hindi rin ang mga punong pari ng templo. Hindi rin si Hudas Iskariote. Isa lang ang kalaban niya—ang diyablo, na sa sandaling iyon ay lumukob na daw kay Hudas Iskariote. Kaya alam ni Hesus na siya ang magiging korderong ipagkakanulo ni Hudas sa Punong pari para katayin bilang alay.
Ang panlaban ni Hesus sa diyablo ay hindi armas kundi sariling dugo niya, katulad ng dugong iwinisik ng mga Hebreo sa kanilang mga pintuan habang dumadaan ang anghel ng kamatayan. Akala ng diyablo panalo na siya nang makuha niya si Hudas para ibenta si Hesus. Hindi niya alam may itataya pang huling baraha si Hesus bilang pantubos kay Hudas—ang sariling laman niya na kusa niyang ibibigay sa mga minamahal niya bilang pagkain. Siya ang korderong magwawagi at tatalo sa kapangyarihan ng diyablo sa sanlibutan, sa pamamagitan ng buhay na ibubuwis niya bilang pantubos.
Kaya nasabi niya, “Ito ang aking katawan na ihahandog para sa inyo… Ito ang aking dugo, ng bago at walang hanggang tipan na ibubuhos para sa inyo at para sa lahat, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Ibig sabihin, hindi pa man nalulubos ang pagtataksil ni Hudas Iskariote, pinatatawad na siya. Ang Eukaristiya ay isang hapunan ng kataksilan na naging isang hapunan ng patawad sa pamamagitan ng kusang-loob na pagbubuwis-buhay ni Hesus para sa kanyang mga minamahal. Kaya hinugasan din ng Panginoon ang mga paa ni Hudas at pinabaunan pa siya ng kapirasong tinapay bago siya lumabas sa dilim upang gawin ang maitim na balak na naitanim ng Diyablo sa kanyang isip.
Kaya pala Sakramento ng pag-ibig ang tawag nating mga Katoliko sa Eukaristiya. Ito ang Sakramentong pantubos—ang pagdurusang hihilom sa ating mga sugat, ang kamatayang magwawakas sa ating kamatayan.
Pagkatapos ng Misang ito, mawawalan ng laman ang tabernakulong kinalalagyan ng Eukaristiya. Gaganapin natin ang ritwal ng paglilipat. Dahil tatanggapin natin siya sa komunyon, tayo ang magiging tabernakulo niya. Iyon naman kasi ang ibig niyang mangyari, upang kahit mawala siya, nariyan pa rin siya sa loob natin, bumubuklod sa atin, nagpapanatili sa atin sa kanyang pag-ibig. Kaya sinabi niya sa kanyang Habilin, “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo nga ay alagad ko—kung nagmamahalan kayo.”
Ang Eukaristiya ay baon natin sa ating paglalakbay dito sa mundo. Ito ang iniwan niya sa atin sa kanyang paglisan. Ang tanda na kumakatawan sa kanyang Dakilang Pag-ibig, na tumalo sa kalaban. Paumanhin sa Color it Red Band, babaguhin ko nang kaunti ang lyrics ng refrain ng kanyang kanta. Ang nagsasalita kasi sa kanta ay hindi ang umaalis kundi ang naiiiwan. Ilagay natin ang kanta sa bibig ni Hesus, ang kaibigan na nagpapaalam at naghahanda para sa kanyang paglisan.
“Kung ang lahat ay may katapusan, itong paglalakbay ay makararating din sa paroroonan at sa ‘king paglisan, ang tanging pabaon ko ay PAGIBIG.”
Homiliya ni Bishop Pablo Virgilio David sa Misa ng Huling Hapunan, 28 Marso 2024, Juan 13, 1-15