Dismayado ang humanitarian, development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pagpanig at tila pagsuporta ng ilang senador kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy na nahaharap sa iba’t-ibang kaso ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao.
Ayon sa Caritas Philippines na kasalukuyang pinangangasiwaan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, hindi maituturing na paniniil ang pagpapanagot kay Quiboloy upang mabigyang katarungan ang mga biktima nito ng human trafficking, sexual abuse at iba pang kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Iginiit ng Caritas Philippines na hindi dapat na ipagsawalang bahala ang mga seryosong kinahaharap ni Quiboloy na maituturing din na pagsasantabi sa hinahangad na katarungan ng mga biktima nito.
“Caritas Philippines, speaking on behalf of the oppressed and victimized by abuse, is deeply disappointed and dismayed by the recent pronouncements of Senator Imee Marcos regarding the ongoing investigations into Apollo Quiboloy and the Kingdom of Jesus Christ (KOJC). We strongly reject any insinuations that the pursuit of justice for alleged victims of human trafficking, sexual abuse, and other criminal activities constitutes “oppression.” To suggest that due process somehow equates to shielding individuals from accountability, especially when facing such serious accusations, is a dangerous and frankly offensive distortion of the legal system.” Bahagi ng pahayag ng Caritas Philippines.
Unang nanawagan si Bishop Bagaforo sa mga mambabatas sa Senado at Kamara na manindigan sa kanilang tungkuling tiyakin ang pananaig ng katarungan at katotohanan sa lipunan lalo’t higit para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Iginiit ng Obispo na mahalagang tuwinang manaig ang batas at patas na katarungang panlipunan upang mapanagot ang mga nakagawa ng pagkakasala.
“We call upon the Philippine Congress, particularly the Senate, to assert its authority and ensure a thorough and impartial investigation into these allegations… The integrity of the rule of law and the pursuit of justice demand that all individuals, regardless of their position or influence, are held accountable for their actions.” Pagbabahagi ni Bishop Bagaforo.
Sa kasalukuyan apat na senador na ang pumirma laban sa pag-aresto kay Quiboloy matapos na irekomenda ni Senate Committee on Women Chairman Senator Risa Hontiveros ang pag-aresto at pag-cite for contempt kay Quiboloy dahil sa hindi nito pagdalo sa tatlong pagdinig kaugnay sa mga akusasyon ng sexual abuse sa mga miyembro ng kanyang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church.
Kabilang sa apat na senador sina Senator Robinhood Padilla, Imee Marcos, Bong Go, Cynthia Villar.