Isa sa mga bagay na kailangang harapin at tanggapin sa samahan ng mga alagad ni Kristo ay ang mga okasyon ng pagtatalo at di-pagkakaunawaan. Minsan kasi akala natin laging napaka-“ideal” ng pagsasama ng mga early Christian communities. Tipong niro-romanticize tuloy natin sila. Katulad ng description ni San Lukas sa Acts 2,42-47 at Acts 4,32-35. Ang mga alagad daw sa Jerusalem ay nagkakaisa ng puso’t diwa, kusa daw silang nagbabahaginan ng lahat ng meron sila para walang mapabayaan sa kanila. Totoo ba ito? Minsan oo, minsan hindi. Marami ding hinarap na aberya ang mga early Christian communities, katulad ng mga pagtatalo na humantong sa pagkakatatag ng ministry ng mga diyakono — para daw maging patas ang bahaginan nila dahil nga merong mga balo na napapabayaan sa kanilang komunidad. (Acts 6:1-7)
Si San Pablo nga hindi naman siya tanggap kaagad ng ilan sa mga apostol sa Jerusalem noong una. At si San Pedro, kahit pa siya ang pinili ni Hesus na mamuno sa kanila, minsan sinasapawan siya ng iba, katulad ni James na pinsan daw ni Hesus, na napaka-adelantado ang dating at medyo assertive ng kanyang otoridad. (Gal 2:11-14)
Kung uso na ang labeling noon, baka tinawag na “ultra-conservative” itong si James na kamag-anak ni Hesus at “liberal” o “progressive” itong si Paul. Nagbabatuhan din sila ng batikos sa isa’t isa. At kung meron na sigurong social media noon, baka kung ano-ano rin ang pinagpo-post nila laban sa isa’t isa, tulad ng madalas mangyari ngayon.
Parang ganoon din ang dating ni Mark (a.ka. John Mark) sa ating first reading ngayon sa Acts of the Apostles. Narinig natin sa kuwento kung paano nauwi ang pagtatalo sa paglayas ni Markos sa mission team na pinamumunuan ng pinsan niyang si Barnabas (Acts 13:13). Sabi ni San Lukas, basta na lang sila iniwan na walang paalam sa may bayan ng Pamphylia. Saan ba siya nagpunta? Sa Jerusalem daw. Ang tanong ko ay, “Bakit sa Jerusalem siya tumuloy, gayong sa Antioch sa Syria doon sila nanggaling? Ah, ang suspetsa ko ay nagsumbong siya sa mga otoridad doon, siguro kina James at Peter.
Sa Gospel meron ding tension, tungkol naman kay Hudas Iskariote. Kasalo mo sa pagkain, pagkatapos siya pala ang mananaksak sa likod mo. Sabi nga ng kasabihang Pilipino, “Parang ahas na matapos mong pakainin, ikaw pala’y tutuklawin.” Sa buhay ni San Pablo, parang si Markos ang pumapel na Hudas noong una. Pero di tulad ng kuwento ni Hudas na matatapos sa trahedya, ang kuwento ni Markos ay sa happy ending matatapos. Bakit? Dahil nakialam si San Pedro. Namagitan siya.
Noong una, medyo trahedya ang dating ng kuwento. Nahati ang misyon, para bang nagsaulian ng kandila sina Paul at Barnabas dahil kay Mark. (Acts 15:37) Naghiwalay sila ng landas. Gusto kasing isamang muli ni Barnabas sa pangalawang misyon si Mark, pero umayaw si Paul. Ba’t daw ba isasama pa siya e nilaglag sila at nilayasan sa unang misyon? Naghiwalay tuloy ng misyon si Paul, naghanap ng ibang kasama. Ano ba ang nagpatindi sa tensyon na ito?
Ito ang isyu nila: kailangan bang maging Hudyo muna bago maging Kristiyano ang mga Hentil? Bibinyagan din ba ang mga hindi-Hudyo kung tanggapin din nila ang Mabuting Balita ni Kristo? (Acts 15) Ito ang isyu na pinagmulan ng pinakaunang matinding krisis na hinarap ng mga unang Kristiyano. At si Pedro ang namagitan.
Ayon sa kuwento, kinupkop ni Pedro si Mark, isinama sa misyon (1 Peter 5:13). Inilayo muna sa impluwensya ng mga ultra na tulad ni James. Nagsilbing parang referee si Peter. Kaya siya ang simbolo ng pagkakaisa sa Roman Catholic Church — ang luklukan ni San Pedro, ang tinatawag natin pontifex maximus: dakilang tagapamagitan (supreme bridge-builder).
Ganito ang iniimagine kong mensahe ni San Pedro nang mamagitan siya sa pagtatalo sa pagitan ng mga kakampi ni Paul at mga kakampi ni James (kasama na si Mark): “Mag-usap tayo. Makinig naman tayo sa isa’t isa. Huwag nating basta itapon o ilaglag ang isa’t isa. Makinig tayo sa Espiritu Santo para matuto tayong makilakbay sa isa’t isa. Tukuyin ang mga bagay na pwedeng pagkaisahan, respetuhin ang pagkakaiba, sa lahat ng pagkakataon, pag-ibig ang paghariin.”
Homiliya ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan para sa Hwebes sa Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay, Ika-4 ng Mayo 2023, Juan 13:16-20