Itinuturing ni Bishop Rex Andrew Alarcon ng Daet na “susi sa pag-unlad ng pamayanan” ang edukasyon at pagiging ‘literate’ ng mga kabataang Pilipino.
“Sana magabayan natin ang ating mga kabataan tungo sa ‘literacy’ at sa paghubog ng kanilang buong pagkatao. Sila ang kinabukasan at kasalukuyan ng bansa,” ayon sa obispo sa panayam ng Radio Veritas 846 noong Sept. 8.
Giit ng obispo, na siya ring chairperson ng Episcopal Commission on Youth ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, na karapatan ng bawat kabataan ang matutong magbasa at magsulat.
Batay sa 2020-data ng Philippine Statistics Authority (PSA), naitala noong 2019 ang 91.6% na literacy rate ng mga Pilipinong edad 10 hanggang 64-taong gulang.
Sa kabila nito, ng dahil sa pagpapahinto ng face-to-face classes bunsod ng COVID-19 pandemic noong 2021, ay naitala ng World Bank sa Pilipinas na apat lamang sa kada sampung mga batang nasa edad sampung taong gulang pababa ang kayang magbasa ng simpleng pangungusap.