Pinangunahan ni Bishop Victor Bendico ng Baguio ang pagbisita sa operasyon ng Lepanto Consolidated Mining Company sa lalawigan ng Benguet.
Bahagi ito ng plano ng Diyosesis ng Baguio na bisitahin ang iba’t ibang minahan at makipag-diyalogo sa mga mananampalatayang may kaugnayan sa mga isinasagawang pagmimina sa kinasasakupan ng diyosesis.
Ayon kay Bishop Bendico, ipinaliwanag ng mga empleyado ng Lepanto Mining na mahigpit nilang sinusunod ang mga panuntunan upang matiyak na ligtas ang kalikasan at mga kalapit na komunidad sa kanilang isinasagawang operasyon.
Kabilang sa mga panuntunan ay ang pagkakaroon ng sanitary dump site para sa mga tailings at waste materials na nagmumula sa operasyon kung saan sinisiguro ng kumpanya na ligtas ito bago umagos patungo sa ilog.
“Meron silang ginagawang mga precautionary measures ng kanilang tailings and waste materials. Nakaabot kami hanggang sa releasing area ng mga tubig. We came to know na hindi nila basta-basta iniiwan ang kanilang tailings na hindi treated ng chemicals,” pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Isinagawa ng Obispo ang pagbisita sa Lepanto Mining nitong Hulyo 15 kasama ang mga pari at layko ng Diyosesis ng Baguio.
Umaasa naman ang diyosesis na mapapanatili ng kumpanya ang responsableng pagmimina upang patuloy na matiyak na ligtas ang kalikasan at mamamayan sa banta ng anumang panganib.
Samantala, nakatakda namang bisitahin ng Obispo sa Agosto 11 ang Padcal Mine operation ng Philex Mining Corporation.
“These are my plans in order to keep alive our advocacy for the protection of the environment in the diocese. The protection of the environment is one of our pastoral priorities in the diocese,” saad ni Bishop Bendico.
Nauna nang hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga financial institution sa bansa na huwag nang mamuhunan sa mga mapaminsalang kumpanya ng pagmimina at sa halip ay paglaanan ng pondo ang pagpapaigting at pagsusulong sa renewable energy.